Oktubre 29, 2021
Biyernes ng Ikatatlumpung Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Isang araw ng sabbath, pumunta si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Pariseo upang kumain, at pinagmamasdan Siyang mabuti ng mga naroon. Lucas 14:1
Tinanggap ni Jesus ang paanyaya ng kilalang Pariseong ito na kumain sa kanyang bahay. Ang mga kasama sa hapag ay “pinagmamasdan Siyang mabuti.” Madali nating mailarawan ang tagpong ito. Para sa karamihan, ang maanyayahan sa isang hapunan kasama ang maraming hindi kakilala na matamang nagmamasid sa kanila ay maaaring magdulot ng matinding pagkaasiwa at pagkailang. Ngunit dumating si Jesus na may ganap na tiwala at di-natitinag na paninindigang ibahagi ang Ebanghelyo. Isang aral na makukuha natin sa hapunang ito at sa saloobin ni Jesus ay na ang mga sitwasyong nakakailang ay magagandang pagkakataon pala upang ibahagi ang iyong pananampalataya.
Lahat tayo ay darating sa mga pagkakataong mapapasailalim tayo sa isang sitwasyong nakakailang. Halimbawa, isipin mong naanyayahan ka sa isang salu-salo para sa isang malayong kamag-anak o bagong kapitbahay. Nagpasiya kang dumalo kahit alam mong kakaunti lamang ang kakilala mo roon. Karaniwan, ang isang mahiyain ay darating, maghahanap ng kakilala, at mananatiling kasama ng taong iyon hanggang matapos ang pagtitipon. Ngunit pag-isipan ang ginawa ni Jesus. Marahil ay kakaunti lamang ang kakilala Niya sa hapunang ito. Ang pangunahing layunin ni Jesus sa pagdalo ay hindi lamang upang magpahinga at magsaya habang nagkakaroon ng mga bagong kaibigan. Sa halip, ang pangunahing layunin Niya ay ipangaral ang Kanyang mensahe ng kaligtasan sa mga nangangailangan. Kaya lumapit Siya sa mga nangangailangan at ginawa Niya ito nang may tiwala.
Ikaw man ay mahilig makisalamuha at kumilala ng mga bagong tao, o nangangamba sa ganitong mga pagtitipon, isaalang-alang ang payak na katotohanang ang mga ito ay magagandang pagkakataon upang ibahagi ang iyong pananampalataya. Tulad ng ating Panginoon, kung handa kang lakasan ang iyong loob at humarap sa mga sitwasyong bago at hindi pamilyar sa iyo, maaari mong simulang matuklasan na napakarami palang pagkakataon. Ang mga bagong sitwasyon at mga bagong taong nakikilala ay mga bagong pagkakataon upang mag-ebanghelyo. Totoo, mga pagkakataon din ang mga ito upang magkaroon ng mga bagong kaibigan at magsaya. Ngunit kung ang puso mo ay nakatuon sa hangaring ibahagi ang Ebanghelyo, palagi kang maghahanap ng mga bagong pagkakataong maibahagi sa iba ang iyong pananampalataya sa anumang paraan.
Pagnilayan mo ngayon ang payak na tagpong ito sa Ebanghelyo: dumalo si Jesus sa isang hapunan kasama ang maraming taong hindi Niya kilala, upang ibahagi sa kanila ang pananampalataya. Isipin mong kasama ka ng ating Panginoon sa hapag na ito. Ano kaya ang mararamdaman mo? Magiging asiwa ka ba at mailang? O makikita mo ba ito bilang isang pagkakataong ibahagi ang Ebanghelyo? Pagnilayan kung gaano ka kasigasig sa iyong mga pagsisikap na mag-ebanghelyo sa iba, at muling italaga ang iyong sarili sa banal na gawaing ito. Sabihin sa ating Panginoon na handa ka at bukal sa iyong loob na magpagamit sa Kanya saan ka man Niya ipadala. Pagkatapos, sikaping tingnan ang bawat bagong pakikipagsapalaran at karanasan sa buhay bilang isang bagong pagkakataon upang ibahagi sa iba ang mensahe ng kaligtasan ni Kristo.
Panginoon kong Tagapagligtas, hangad Mong maipalaganap nang malawakan ang Iyong mensahe ng kaligtasan, hanggang sa mga dulo ng daigdig. Puspusin Mo po ako ng sigasig para sa mga kaluluwa. Bigyan Mo ako ng di-natitinag na hangaring ibahagi ang Ebanghelyo sa lahat ng aking makatagpo. Gamitin Mo po ako, mahal kong Panginoon, ayon sa Iyong kalooban, upang maihatid ang Iyong pag-ibig at awa sa mga nangangailangan. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa



