Miyerkules, Disyembre 29, 2021
Ikalimang Araw sa Oktaba ng Pasko
Mga Pagbasa Ngayon
Santo Tomas Becket, Obispo at Martir—Opsiyonal na Paggunita

“Panginoon, pahintulutan Mo na ngayong yumaon nang payapa ang Iyong lingkod; natupad na ang Iyong salita: nakita ng sarili kong mga mata ang kaligtasang inihanda Mo sa harap ng lahat ng mga bayan, isang liwanag upang ipakilala Ka sa mga bansa at ang kaluwalhatian ng Iyong bayang Israel.” Luke 2:29–32
Sa ikalimang araw na ito sa Oktaba ng Pasko, inihahain sa atin ang patotoo ng propetang si Simeon. Ipinangako ng Diyos sa banal na lalaking ito, sa pamamagitan ng isang personal na pahayag, na makikita niya mismo, ng sarili niyang mga mata, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan. Sa buong buhay niya, inaabangan niya ang sandaling ito. Pinananabikan niya ito at inaasam. At isang araw, dumating ang sandaling iyon. Nagising si Simeon nang araw na iyon at ginampanan ang kaniyang mga karaniwang gawain tulad sa ibang araw. Ngunit nang dalhin nina Maria at Jose ang kanilang bagong silang na Sanggol sa templo, batid ni Simeon sa kaniyang puso na ang Sanggol na ito ang ipinangakong Tagapagligtas.
Makapangyarihan ang kaniyang mga salita. Sinabi niya, “Panginoon, maaari Mo nang pahintulutang yumaon nang payapa ang Iyong lingkod…sapagkat nakita ng aking mga mata ang kaligtasang inihanda Mo…” Sa madaling salita, napagtanto ni Simeon na ganap na ang kaniyang buhay. Handa na siyang mamatay sapagkat ipinagkaloob na sa kaniya ang pribilehiyong makita mismo ang Kristo. Kinalong niya si Hesus at niluwalhati ang Ama dahil sa sandaling ito.
Dapat nating pagsikapang matuto mula sa banal na si Simeon. Hindi nga tayo isang propeta sa Templo mga 2,000 taon na ang nakalilipas, ngunit may pribilehiyo tayong makita ang Kristo araw-araw sa maraming paraan. Tunay na Diyos ang Sanggol na kinalong ni Simeon. Ngunit Siya ay Diyos na natatabingan ng katawang-tao ng isang munting Sanggol. Gayunman, nakilala ni Simeon kung sino talaga Siya at nagalak.
Dapat nating pagsikapang madama ang presensya ng Tagapagligtas sa ating paligid at magalak tulad ni Simeon. Naroroon si Kristo sa bawat pusong nakatalaga sa Diyos, sa bawat Sakramento ng Simbahan, sa bawat pagbasa ng Banal na Kasulatan, at lalo Siyang naroroon sa kaibuturan ng ating mga puso. Ang ating mga puso ay dapat maging templong iyon kung saan natin natutuklasan ang presensya ng Sanggol na Kristo, at dapat natin Siyang tanggapin sa ating buhay, na nagagalak sa Kaniyang pagiging napakalapit sa atin.
Pagnilayan mo ngayon ang tagpong iyon ng pagkalong ni Simeon sa Sanggol at pagkakita sa Tagapagligtas na natatabingan ng laman at mga buto ng Sanggol na ito. Hanapin mo si Kristo tulad ng ginawa ni Simeon at pagnilayan ang maraming paraan ng Kaniyang pagiging naroroon para sa iyo. Alamin mong malapit Siya at nais Niyang punuin ang iyong buhay ng Kaniyang kapayapaan.
Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo dahil sa dakilang patotoo ng Propetang si Simeon. Salamat sa Iyong katapatan kay Simeon sa pagpapahintulot na makita Ka niya bilang isang munting Sanggol. Nawa’y lagi kong tularan ang kaniyang dakilang pananampalataya at hanapin Ka sa buong buhay ko, habang hinihintay kong dumating Ka sa akin sa mga paraang natatalukbungan upang magalak ang aking puso sa Iyong presensya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Tingnan ang aming mga babasahin at iba pang mapagkukunan para sa Pasko!
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – Santo Tomas Becket, Obispo at Martir
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tingnan din: Ang Tabak ng Dalamhati




