Tagalog

Hindi Kailanman Itinatakwil, Laging Minamahal!

Mayo 4, 2022
Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Pagbasa Ngayon

Video

“Hindi Ko itatakwil ang sinumang lumalapit sa Akin.”  Juan 6:37

Maraming sinasabi ang maikling pangungusap na ito tungkol sa Banal na Awa ng ating Panginoon.  Madalas itong inuulit sa Talaarawan ng Banal na Awa ni Santa Faustina, at isa itong pahayag na kailangang marinig ng maraming tao.

Bakit mahalagang marinig ito?  Dahil napakadalas nating dinadala ang bigat ng pagtatakwil.  Marami ang nakaranas nang itakwil sa kanilang buhay at, hindi man nila namamalayan, natatakot silang magbukas ng kanilang kalooban sa isang ugnayan dahil sa takot na masaktan.  Kapag nasaktan ka na sa isang ugnayan, nagiging maingat ka na.  Ang sakit na ito ay maaaring magmula sa isang kapamilya, asawa, kaibigan o sinumang sinikap nating abutin nang may pagmamahal, ngunit pananakit at pagtatakwil lamang ang ating tinanggap.  At masakit iyon.

Lalong mahalaga ang mga salita ni Hesus dahil tumutulong ang mga ito upang mapanatag tayo na mapagkakatiwalaan Siya.  Totoong maaari tayong lumapit sa Kanya, buksan ang ating puso sa Kanya, at lubusang ilantad sa Kanya ang ating kahinaan, at pakikitunguhan Niya tayo nang buong lambing, paggalang, kabutihan at malasakit.  Higit pa sa pag-aalaga natin sa ating sarili ang pag-aalagang ibibigay ni Hesus sa atin!

Pagnilayan ngayon ang mga salitang ito ni Hesus.  Ulit-ulitin ang mga ito.  “Hindi Ko itatakwil ang sinumang lumalapit sa Akin.”  Alamin mong nais Niyang lumapit ka sa Kanya at lubusang buksan ang iyong puso sa Kanya.  Sa paggawa nito, hahayaan mo Siyang ipamalas ang Kanyang pag-ibig sa iyo, at magagawa mong magtiwala sa Kanya nang higit pa sa inakala mong posible.

Panginoon kong bukas-palad na tumatanggap sa akin, nais kong lumapit sa Iyo sa gitna ng aking mga pagdurusa at pagtatakwil sa akin.  Alam kong Ikaw ang Banal na Manggagamot at maghahatid Ka ng kaaliwan sa aking kaluluwa.  Tulungan Mo akong magtiwala sa Iyo at hayaan Kang mahalin ako.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Panalangin sa Pasko ng Pagkabuhay

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga tampok na larawan sa itaas: Banal na Awa. Ipininta ni (Eugeniusz Kazimirowski, 1934) sa patnubay ni Maria Faustyna Kawalska, mula sa Wikimedia Commons


Mga Pagninilay Araw-araw sa Banal na Awa:
365 Araw Kasama si Santa Faustina

Amazon –  Barnes and Noble – Google Play – iTunes