Tagalog

Magkasalungat na mga Tinig

Mayo 8, 2022
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Taon C)—Linggo ng Mabuting Pastol
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Nakikinig ang Aking mga tupa sa Aking tinig; kilala Ko sila, at sumusunod sila sa Akin.” John 10:27

Malinaw na ipinapakita ni Hesus ang pagkakaiba ng mga pastol. Angkop ito sa mga pari, mga magulang, at sa ating lahat ayon sa natatanging kalagayan ng bawat isa. Ipinapakita Niya ang pagkakaiba ng mga tunay na nagmamalasakit sa mga ipinagkatiwala sa kanila at ng mga basta na lamang gumaganap sa kanilang tungkulin at higit na inuudyukan ng pagkamakasarili kaysa ng mapagsakripisyong pag-ibig.

Ganap na ipinamalas ni Hesus ang mapagsakripisyong pag-ibig bilang Banal na Pastol. Handa Siyang gawin ang lahat para sa atin na Kanyang mga tupa. Handa Siyang isakripisyo ang lahat. Hindi Niya hinayaang hadlangan Siya ng pagdurusa, pag-uusig, pagtanggi, at iba pang katulad nito sa Kanyang pananagutang pangalagaan tayo nang lubos at ganap. Ang pagkaalam kung gaano talaga kalalim ang Kanyang pag-ibig sa atin ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon, aliw, at lakas ng loob.

Nakikita rin ang pag-ibig na ito sa di-natitinag na pagmamahal ng isang magulang, kapatid, o mahal na kaibigan. Kapag hindi natitinag ang pagmamahal na iniaalay sa atin ng isang tao, lalo na sa mahihirap na panahon, malaking sandigan ito. At ang ganitong pag-ibig na iniaalay sa kapwa ay nagbubuklod nang malalim sa espiritu—isang buklod na mas matibay kaysa sa anumang pagsubok na maaari nating harapin. Anumang “lobo” ang dumating sa ating buhay, dapat nating malaman na di-natitinag ang pag-alalay sa atin ng Banal na Pastol. At kapag nakikita nating nahahayag ang pag-ibig na iyon sa di-natitinag na pag-alalay ng iba, dobleng pagpapala ang natatanggap natin.

Ngunit hindi rin dapat balewalain ang pagkakaibang ito. Ibinibigay ni Hesus ang halimbawa ng “isang upahang manggagawa na hindi pastol” na tumatakbo palayo kapag nakitang dumarating ang lobo. Mahalagang bigyang-diin kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot ng taong ito sa bayan ng Diyos. Kapag tinatakasan niya ang kanyang pananagutan at nagpapadala sa makasariling hangarin, iniiwan niyang walang nangangalaga sa kawan at lantad ito sa panganib ng pagsalakay.

Dapat nating makita sa upahang manggagawang ito ang tuksong tiyak na haharapin nating lahat sa buhay. Mahirap magpatuloy sa pagtupad sa tungkulin sa gitna ng mahihirap na panahon. Mahirap damayan ang mga nangangailangan sa atin sa mismong oras na kailangan nila tayo. Mahirap maging tapat sa lahat ng bagay at hindi kailanman umurong kapag tinutukso tayong magpadala sa takot.

Iniaalay sa atin ni Hesus ang Kanyang di-natitinag na pag-ibig at pag-alalay bilang ating Pastol, ngunit nais din Niyang suklian natin ang kaloob na ito sa Kanya sa pamamagitan ng pag-aalay sa isa’t isa ng gayunding di-natitinag na katapatan.

Pagnilayan mo ngayon kung gaano mo kahusay tinutularan ang Mabuting Pastol. Sa mga bagay na nagkukulang ka, hayaan mong gabayan ka Niya bilang Pastol upang magabayan mo rin ang iba. Tumakbo ka patungo sa Mabuting Pastol at magtiwala sa Kanyang ganap na pag-ibig sa iyo.

Hesus, aming Mabuting Pastol, nagpapasalamat ako sa Iyo sa Iyong di-natitinag na pag-alalay sa akin bilang aking Pastol. Nagpapasalamat din ako sa Iyo para sa mga nagsisilbing kasangkapan Mo sa pagpapadama ng malalim na pag-ibig at katapatang ito. Tulungan Mo akong gampanan ang aking tungkuling pangalagaan bilang pastol ang Iyong bayan, ang mga taong inilagay Mo sa aking buhay. Nawa’y hindi ko kailanman takasan ang marangal na pananagutang ipinagkatiwala Mo sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo tuwing Linggo sa Video

Mga Panalangin sa Pasko ng Pagkabuhay

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga tampok na larawan sa itaas: Mabuting Pastol ni Bernhard Plockhorst, mula sa Wikimedia Commons