Hunyo 21, 2022
Martes ng Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Luis Gonzaga, Relihiyoso—Paggunita

“Gawin ninyo sa kapwa ang anumang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang Kautusan at ang mga Propeta.” Mateo 7:12
Ang pamilyar na pananalitang ito ay isang utos ng Diyos na itinakda sa Lumang Tipan. Isa itong mabuting tuntuning dapat sundin sa buhay.
Ano ang nais mong “gawin sa iyo” ng kapwa? Pag-isipan mo ito at sikaping maging tapat. Kung tapat tayo sa ating sarili, kailangan nating aminin na marami tayong nais na gawin ng kapwa para sa atin. Nais nating igalang tayo, pakitunguhan nang may dignidad, tratuhin nang makatarungan, at iba pa. Ngunit sa mas malalim na antas, nais nating mahalin, unawain, kilalanin, at kalingain tayo.
Sa kaibuturan ng ating puso, dapat nating sikaping kilalanin ang likas na pananabik na ibinigay sa atin ng Diyos na makibahagi sa isang ugnayang puno ng pagmamahal sa kapwa, at mahalin ng Diyos. Ang pagnanais na ito ay nasa pinakadiwa ng pagiging tao. Bilang mga tao, nilikha tayo para sa pag-ibig na iyon. Ipinahahayag ng sipi sa Banal na Kasulatan sa itaas na dapat tayong maging handa at kusang magbigay sa kapwa ng nais nating matanggap. Kung nakikilala natin sa ating sarili ang likas na pagnanais na mahalin, dapat din nating sikaping linangin ang pagnanais na magmahal. Dapat nating linangin ang pagnanais na magmahal sa kapantay na antas ng paghahangad nating mahalin tayo.
Mas mahirap itong gawin kaysa sabihin. Dahil sa ating pagkamakasarili, may hilig tayong humingi at umasa ng pagmamahal at awa mula sa kapwa, samantalang mas mababa ang pamantayang itinatakda natin para sa sarili pagdating sa kung gaano kalaki ang ibinibigay natin. Ang susi ay ituon muna ang ating pansin sa ating tungkulin. Dapat nating sikaping makita kung ano ang tinatawag tayong gawin at kung paano tayo tinatawag na magmahal. Kapag itinuring natin ito bilang ating pangunahing tungkulin at sinikap nating isabuhay ito, matutuklasan nating higit na kasiyahan ang matatagpuan natin sa pagbibigay kaysa sa paghahangad na tumanggap. Matutuklasan natin na ang “paggawa sa kapwa,” anuman ang “ginagawa nila sa atin,” ang tunay na nagbibigay sa atin ng kaganapan.
Pagnilayan mo ngayon ang likas na pagnanais sa iyong puso na mahalin at igalang ka ng kapwa. Pagkatapos, gawin mo itong batayan ng pakikitungo mo sa mga nasa paligid mo.
Panginoon ng ganap na mga pagnanais, tulungan Mo akong gawin sa kapwa ang nais kong gawin nila sa akin. Tulungan Mo akong gawing udyok ng aking pagmamahal sa kapwa ang pagnanais ng sarili kong puso na mahalin. Sa pagbibigay ng aking sarili, tulungan Mo akong makatagpo ng kaganapan at kasiyahan sa handog na iyon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
National Eucharistic Revival
Magsisimula sa Hunyo 19, 2022—Dakilang Kapistahan ng Corpus Christi
Nobena sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Mga petsa ng nobena: Hunyo 15-23, 2022
Hunyo 24, 2022: Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Luis Gonzaga, Relihiyoso
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na larawan sa itaas: Pagbabagong-anyo ni Duccio di Buoninsegna, mula sa Wikimedia Commons




