Tagalog

Pagiging Matatag sa Pasiya

Linggo, Hunyo 26, 2022
Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon C
Mga Pagbasa Ngayon

Video

Nang sumapit ang takdang panahon na si Jesus ay iaakyat sa langit, matatag Siyang nagpasiyang maglakbay patungong Jerusalem, at nagsugo Siya ng mga mauuna sa Kanya.  Luke 9:51-52a

Si Jesus ay “matatag na nagpasiyang” magtungo sa Jerusalem bilang bahagi ng Kanyang misyon.  Madaling hindi mapansin ang kahalagahan ng mga salitang ito.

May dalawang bagay na dapat bigyang-diin sa talatang ito.  Una, ang Jerusalem ang patutunguhan Niya kung saan Siya mamamatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.  Doon Siya luluwalhatiin sa pamamagitan ng Sakripisyo sa Krus.  Kaya naman, ayaw ng mga alagad na pumunta si Jesus sa Jerusalem dahil alam nilang mapanganib ito.  Ngunit sa kabila ng pagdurusang malapit na Niyang tiisin, nakita ni Jesus ang kaluwalhatiang darating sa pamamagitan ng Sakripisyong Kanyang iaalay.

Ikalawa, ang pagiging “matatag” ni Jesus sa Kanyang pasiyang pumunta sa Jerusalem at isakripisyo ang Kanyang buhay ay naghahayag ng Kanyang tapang at ganap na pag-ibig.  Hindi Siya natakot sa mangyayari sa Kanya sapagkat nasa isip Niya ang kabuuan ng Kanyang layunin.  Nakita Niya ang mabuting bunga ng kaligtasan ng maraming kaluluwa, at nahigitan nito ang anumang tuksong lumihis sa Kanyang banal na misyon.

Marami tayong matututuhan sa matatag na pasiya ni Jesus na isakripisyo ang Kanyang buhay sa Jerusalem para sa kaligtasan ng sanlibutan.  Tiyak na dapat nating makita ang bunga ng sakripisyong ito at magpasalamat magpakailanman para rito.  Ngunit dapat din natin itong makita bilang isang paanyayang tularan ang mga ginawa ni Jesus.  Sa ating sariling buhay, binibigyan tayo ng maraming pagkakataong piliin ang buhay ng di-makasariling pagsasakripisyo para sa ikabubuti ng kapwa.  Dumarating ang mga pagkakataong ito sa iba’t ibang anyo, ngunit sa huli, ang mga ito ay laging mga pagkakataong magmahal at magkaloob ng sarili.  Bagaman matutukso tayong umiwas at tumungo sa ibang direksiyon dahil sa sakripisyong hinihingi, kung patuloy nating itutuon ang ating paningin sa mabuting bunga ng bawat di-makasariling sakripisyo, mahihikayat tayong manatiling matatag sa ating pasiyang magmahal.

Pagnilayan mo ngayon kung ano ang iyong “Jerusalem.”  Para saan ka inaanyayahang isakripisyo ang iyong buhay dahil sa pag-ibig?  Kapag natuklasan mo kung ano ito, suriin mo rin ang iyong kahandaang yakapin ang sakripisyong ito para sa ikabubuti ng kapwa, at sikaping tularan ang matatag na pasiya ng ating Panginoon.

Aking Panginoong matatag ang pasiya, iniaalay ko sa Iyo ang aking buhay at tinatanggap ko ang Iyong paanyayang ialay ang aking buhay para sa ikabubuti ng kapwa.  Bigyan Mo ako ng tapang at katatagang kailangan ko upang makita ang halaga ng pamumuhay na hindi makasarili, at puspusin Mo ako ng di-natitinag na pag-ibig sa Iyong banal na kalooban.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Panalangin ng Pasasalamat sa pagwawakas ng Roe v. Wade!

Higit Pang mga Video ng Pagninilay/Homiliya para sa Linggo

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Josemaría Escrivá, Pari
(sa iba’t ibang lalawigang eklesiastiko)
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita sa taong ito dahil tumapat ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Pagpasok ni Kristo sa Jerusalem ni Jean-Léon Gérôme, mula sa Wikimedia Commons