Tagalog

Kawalan ng Katwiran laban sa Pagiging Normal 

Hulyo 5, 2022
Martes ng Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Antonio Zaccaria, Pari—Opsiyonal na Paggunita

Santa Isabel ng Portugal—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang
(Ipinagdiriwang tuwing Hulyo 4 sa labas ng Estados Unidos)

Video

Dinala kay Jesus ang isang lalaking sinasapian ng demonyo at hindi makapagsalita. Nang mapalayas ang demonyo, nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Wala pang nakitang ganito sa Israel.” Ngunit sinabi ng mga Pariseo, “Nagpapalayas Siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo.”  Matthew 9:32-34

Kaylaki ng pagkakaibang nakikita natin sa tugon ng mga tao at sa tugon ng mga Pariseo. Tunay na nakalulungkot ang pagkakaibang ito.

Ang tugon ng mga tao, na mga karaniwang mamamayan, ay pagkamangha. Ipinakikita ng kanilang tugon ang isang payak at dalisay na pananampalatayang tumatanggap sa nakikita nito. Kaylaking biyaya ang magkaroon ng ganitong pananampalataya.

Ang tugon ng mga Pariseo ay puno ng panghuhusga, kawalan ng katwiran, paninibugho, at kalupitan. Higit sa lahat, wala ito sa katwiran. Ano ang magtutulak sa mga Pariseo na maghinuha na si Jesus ay “nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo?” Tiyak na walang anumang ginawa si Jesus na magtutulak sa kanila sa ganitong paghihinuha. Kaya ang tanging makatuwirang paliwanag ay puno ng paninibugho at inggit ang mga Pariseo. At ang mga kasalanang ito ang nag-akay sa kanila sa katawa-tawa at di-makatwirang paghihinuha na ito. 

Ang aral na dapat nating matutuhan dito ay kailangan nating lumapit sa kapwa nang may kababaang-loob at katapatan sa halip na paninibugho. Kapag tinitingnan natin ang mga nasa paligid natin nang may kababaang-loob at pagmamahal, likas na magiging tapat at ayon sa katotohanan ang ating mga paghihinuha tungkol sa kanila. Ang kababaang-loob at tapat na pagmamahal ay tutulong sa atin na makita ang kabutihan ng kapwa at magalak sa kabutihang iyon. Siyempre, mamamalayan din natin ang kasalanan, ngunit tutulungan tayo ng kababaang-loob na iwasang padalus-dalos at di-makatwirang humusga sa kapwa dahil sa paninibugho at inggit.

Pagnilayan ngayon ang karaniwan mong paraan ng pag-iisip at pagsasalita tungkol sa kapwa.  Mas katulad ka ba ng mga taong nakakita, naniwala, at namangha sa mabubuting ginawa ni Jesus?  O mas katulad ka ng mga Pariseong may hilig na mag-imbento at magpalabis sa kanilang mga paghihinuha?  Italaga mong tularan ang pagiging normal ng mga tao upang ikaw rin ay makasumpong ng kagalakan at pagkamangha kay Kristo.

Aking kamangha-manghang Panginoon, hangad kong magkaroon ng payak, mapagpakumbaba, at dalisay na pananampalataya.  Tulungan Mo rin akong makita Ka sa kapwa nang may kababaang-loob.  Tulungan Mo akong makita Ka at mamangha sa Iyong presensya sa buhay ng mga taong nakakasalamuha ko araw-araw.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Santo para sa Araw na Ito:
San Antonio Zaccaria, Pari—Opsiyonal na Paggunita

Santa Isabel ng Portugal—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang
(Ipinagdiriwang tuwing Hulyo 4 sa labas ng Estados Unidos)

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawan: Ang Lalaking Bulag at Pipi na Sinasapian ng mga Demonyo ni James Tissot