Tagalog

Pag-ibig sa Diyos at sa Kapwa

Hulyo 10, 2022
Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon C
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong pagkatao mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”  Luke 10:27

Ang mga salitang ito ay sinabi kay Hesus ng isang dalubhasa sa Kautusan.  Sinisipi niya ang Kautusan sa Lumang Tipan mula sa Levitico at Deuteronomio (Leviticus 19:18, Deuteronomy 6:5, 10:12).  Pinuri siya ni Hesus dahil sa mga sinabi niyang ito.  Ngunit pagkatapos ay tinanong ng dalubhasa si Hesus, “At sino ang aking kapwa?”  Tumugon si Hesus sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa kanya ng pamilyar na kuwento ng Mabuting Samaritano.

Ang kuwento ng Mabuting Samaritano ay dapat gumising sa atin sa ilang hindi gaanong kaaya-ayang katotohanan tungkol sa pag-ibig sa kapwa, o sa kawalan nito.  Una, isang pari at isang Levita ang napadaan sa tabi ng taong binugbog at nagdurusa sa gilid ng daan. Hindi nila siya pinansin at dumaan sila sa kabilang panig ng daan.  Pagkatapos ay napadaan ang Samaritano, napuspos ng habag, at nag-abala upang tulungan ang taong iyon.  

Malinaw ang aral nito.  Dapat tayong tumulad sa Mabuting Samaritano na nagpakita ng awa sa taong nangangailangan.  Sa antas ng pag-iisip, madaling maunawaan ang katotohanang ito.  Ngunit sa aktuwal na pagsasabuhay, hindi ito laging nangyayari.

Kapansin-pansin na sa kuwento ni Hesus, isang pari ang unang taong dumaan sa kabilang panig ng daan.  Ipinahihiwatig nito na napakadalas nating hangarin ang tinatawag na “panlabas na kabanalan” samantalang, sa katotohanan, kulang tayo sa tunay na “panloob na kabanalan.”  Ang pari ay maaaring makita bilang sagisag ng mga nagsasabing sila ay Kristiyano sa panlabas lamang, ngunit hindi naisasabuhay ang kanilang kabanalan sa kanilang mga gawa.  Kung hindi natin isinasabuhay ang tunay na pag-ibig sa kapwa, tayo ay mga mapagkunwari at hindi tayo namumuhay ayon sa ating banal na pagtawag.

Pagnilayan mo ngayon ang pagkakaiba ng panlabas at panloob na kabanalan.  Ang mithiin ay ang iyong panloob na buhay ay lubusang mapuspos ng pag-ibig sa Diyos anupa’t umaapaw ito sa iyong mga panlabas na gawa.  Kung ang iyong pag-ibig sa Diyos ay hindi ganap na buhay sa kaibuturan ng iyong puso, hindi ka maaaring maging tunay na banal.

Panginoon ng tunay na kabanalan, tulungan Mo akong tunay na ibigin Ka nang buong puso, isip, kaluluwa at lakas.  Tulungan Mo akong magkaroon ng tapat na pag-ibig sa Iyo na umaapaw din sa aking pag-ibig sa kapwa.  Nawa’y manuot sa aking buhay ang Iyong mahalagang kaloob na kabanalan at bigyan ako ng kakayahang ibigin Ka at ang kapwa nang lubusan.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Video para sa Linggo

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Richard Parkes Bonington, Pampublikong dominyo, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons