Tagalog

Ang Kasamaan sa Paligid Natin

Hulyo 23, 2022
Sabado ng Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon

Santa Brigida ng Sweden, Relihiyosa—Opsiyonal na Paggunita

Video

“Hayaan ninyong tumubo silang magkasama hanggang sa anihan; at sa panahon ng anihan ay sasabihin ko sa mga manggagapas, ‘Tipunin muna ninyo ang mga damo at bigkisin upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”  Mateo 13:30 

Dapat na malinaw sa mga tumitingin nang may pananampalataya ang kasamaan sa paligid natin.  Kailangan lamang nating ihambing ang lahat ng ipinahayag sa atin ng ating Panginoon sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan at ng Simbahan sa iba’t ibang pinahahalagahan at pananaw ng mundo.  Kapag ginawa natin ito, mapapansin natin ang napakalaking pagkakaiba ng mga ito.

Kung gagamitin natin ang larawan sa talinghagang ito, maihahalintulad ito sa magsasakang lumalabas upang tingnan ang kaniyang tanim na trigo.  Habang ginagawa niya ito, nakikita niya ang mga damong nakahalo sa trigo.  Bagaman nakikita niyang magkasamang tumutubo ang mga ito, alam din niyang hindi niya maaalis ang mga damo nang hindi nabubunot ang trigo.  Kaya sa halip na mabahala sa pagtubo ng mga damo, itinutuon niya ang kaniyang paningin sa panahon ng anihan, kung kailan titipunin ang trigo para sa kabutihan at ang mga damo naman ay titipunin at susunugin.

Gayon din dapat sa ating buhay.  Madali tayong matutuksong mawalan ng pag-asa kung itutuon lamang natin ang ating pansin sa kasamaan sa ating mundo.  Hindi natin ito dapat ipagwalang-bahala, ngunit hindi rin tayo dapat labis na mabahala rito.  Magagawa lamang natin ito kung, tulad ng magsasaka, pananatilihin nating nakatuon ang ating paningin sa “panahon ng anihan.”  Ang dakilang anihang hinihintay natin ay ang sandali ng katarungan ng Diyos, kung kailan itutuwid Niya ang bawat kamalian at ihihiwalay ang mabuti sa masama.  Maghahari ang katarungan sa huli, kahit hindi pa ito malinaw na nakikita sa kasalukuyan.

Pagnilayan mo ngayon kung paano ka naaapektuhan ng mga kasamaan sa ating mundo.  Marahil ay pinanghihinaan ka ng loob dahil sa walang tigil na pagdaloy ng masasamang balita sa midya.  O marahil ay nakararanas ka ng iba’t ibang kasamaang ginagawa ng ibang tao sa iyong pang-araw-araw na buhay.  Anuman ang iyong kalagayan, huwag kang masindak o matisod sa pananampalataya dahil sa mga pagsalakay ng Masama.  Panatilihing nakatuon ang iyong paningin sa ating Panginoon at lubos na magtiwala sa Kaniyang banal na katarungang darating.

Panginoon ng buong katarungan, nagtitiwala ako sa Iyong pangakong maging tapat sa lahat ng bagay.  Habang nakikita at nararanasan ko ang iba’t ibang kasamaan sa mundong ito, tulungan Mo akong huwag kailanman mahulog sa mga bitag o magpadala sa mga pang-aakit ng mga ito.  Palayain Mo ako sa pag-aalinlangan at kawalan ng pag-asa, at pagkalooban Mo ako ng ganap na pag-asa sa Iyong pangako ng katarungan at awa.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santa ng Araw: Santa Brigida ng Sweden

Mga Pagpipiliang Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Museo Nacional Thyssen-Bornemisza, Madrid