Tagalog

Ang Malungkot na Bunga ng Poot

Hulyo 30, 2022
Sabado ng Ikalabingpitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Pedro Crisologo, Obispo at Pantas ng Simbahan—Opsiyonal na Paggunita

Video

“Ibigay mo sa akin dito sa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.”  Matthew 14:8

Tunay na isang napakasamang araw iyon.  Pinugutan ng ulo si San Juan Bautista sa kahilingan ni Salome, na anak ni Herodias.  Nakabilanggo si Juan dahil sinabi niya kay Herodes ang katotohanan tungkol sa pag-aasawa nito, at nag-uumapaw sa poot kay Juan ang puso ni Herodias.  Kaya pinasayaw ni Herodias ang kanyang anak sa harap ni Herodes at ng mga panauhin nito.  Labis na humanga si Herodes, kaya ipinangako niya kay Salome ang hanggang kalahati ng kanyang kaharian.  Ngunit sa halip, ang hiniling nito ay ang ulo ni Juan Bautista.

Kahit sa unang tingin pa lamang, lubhang kakatwa na ang kahilingang ito.  Pinangakuan si Salome ng hanggang kalahati ng kaharian, ngunit sa halip ay hiniling niya ang kamatayan ng isang mabuti at banal na tao.  Sa katunayan, sinabi ni Jesus tungkol kay Juan na sa lahat ng isinilang ng babae, walang higit na dakila kaysa sa kanya.  Kaya bakit gayon na lamang ang poot ni Herodias at ng kanyang anak?

Ipinakikita ng malungkot na pangyayaring ito ang kapangyarihan ng galit sa pinakamatinding anyo nito.  Kapag kinikimkim ang galit at lalo itong tumitindi, nagbubunga ito ng matinding damdaming nagpapalabo sa pag-iisip at pangangatwiran ng isang tao.  Maaaring lamunin ng poot at paghihiganti ang isang tao at akayin siya sa lubos na kahangalan. 

Sa pangyayaring ito, makikita rin kay Herodes ang matinding kawalan ng katwiran.  Napipilitan siyang gawin ang ayaw niyang gawin dahil natatakot siyang gawin ang tama.  Nadaig siya ng poot na nasa puso ni Herodias at, dahil dito, pumayag siyang ipapatay si Juan, na sa katunayan ay tila kinalulugdan niya at kinagigiliwan niyang pakinggan.

Karaniwan, naghahanap tayo ng inspirasyon sa mabuting halimbawa ng iba.  Ngunit sa pagkakataong ito, nakikita nating maaari tayong magkaroon ng “inspirasyon” sa ibang paraan.  Dapat nating gawing pagkakataon ang pangyayari ng pagpatay kay Juan upang suriin ang anumang pakikibaka natin sa galit, sama ng loob, at lalo na sa poot.  Ang poot ay isang pangit na simbuyo ng damdamin na maaaring palihim na makapasok at magdulot ng malaking kapinsalaan sa ating buhay at sa buhay ng iba.  Maging ang mga unang pagsibol ng di-wastong simbuyong ito ay dapat ipagkumpisal at mapagtagumpayan.

Pagnilayan mo ngayon kung may nakikita kang anumang poot sa iyong puso.  May kinikimkim ka bang hinanakit o kapaitan na hindi mawala-wala?  Tumitindi ba ang damdaming iyon at nagdudulot ng kapinsalaan sa iyong buhay at sa buhay ng iba?  Kung gayon, magpasya kang pakawalan ito at magpatawad.  Iyon ang tamang gawin.

Panginoon kong nagpapalaya, ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang masuri ang aking puso at makita ang anumang pagkiling sa galit, sama ng loob, at poot.  Dalisayin Mo po ako mula sa mga ito at palayain Mo ako.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Simula sa Linggo, Hulyo 31:

Karaniwang Panahon: Mga Linggo 18–34

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw: San Pedro Crisologo

Mga Pagpipiliang Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Caravaggio, Nasa pampublikong dominyo, mula sa Wikimedia Commons