Agosto 11, 2022
Huwebes ng Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon

“‘Ikaw na masamang alipin! Pinatawad ko ang buo mong utang sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa kapwa mo alipin, gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya nito sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran niya ang buong utang. Gayon din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit, malibang patawarin ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapatid nang buong puso.” Mateo 18:32-35
Tiyak na HINDI iyan ang nais mong sabihin at gawin sa iyo ni Hesus! Nakakatakot marinig Siyang magsabi, “Ikaw na masamang alipin!” At pagkatapos ay ibibigay ka Niya sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran mo ang lahat ng pagkakautang mo dahil sa iyong mga kasalanan.
Ang mabuting balita ay lubos na ninanais ni Hesus na maiwasan ang gayong kakila-kilabot na paghaharap. Wala Siyang hangaring papanagutin ang sinuman sa atin sa kapangitan ng ating mga kasalanan. Ang marubdob Niyang hangarin ay patawarin tayo, ibuhos ang Kanyang awa, at pawiin ang ating pagkakautang.
Ang panganib ay may kahit isang bagay na makahahadlang sa Kanya sa pagkakaloob sa atin ng gawang ito ng awa. Ito ay ang ating pagmamatigas sa hindi pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin. Isa itong seryosong hinihingi ng Diyos sa atin na hindi natin dapat ipagwalang-bahala. May dahilan kung bakit isinalaysay ni Hesus ang kuwentong ito: talagang sinadya Niya ang Kanyang sinabi. Madalas nating isipin na si Hesus ay isang taong walang kibo at mahinahon lamang, na laging ngingiti at magbubulag-bulagan kapag tayo ay nagkakasala. Ngunit huwag kalimutan ang talinghagang ito! Huwag kalimutan na sineseryoso ni Hesus ang mapagmatigas na pagtangging magpakita ng awa at magpatawad sa kapwa.
Bakit ganoon na lamang ang Kanyang pagdidiin sa hinihinging ito? Sapagkat hindi mo matatanggap ang hindi mo handang ibigay. Maaaring hindi ito maunawaan sa simula, ngunit isa itong tunay na katotohanan ng buhay espirituwal. Kung nais mo ng awa, dapat kang magpakita ng awa. Kung nais mo ng kapatawaran, dapat kang magpatawad. Ngunit kung nais mo ng malupit na paghatol at pagkondena, sige, humatol ka nang malupit at kumondena. Tutumbasan ni Hesus ang gawang iyon sa gayunding paraan at tindi.
Pagnilayan mo ngayon ang makapangyarihan at tumatagos-sa-pusong mga salitang iyon ni Hesus: “Ikaw na masamang alipin!” Bagaman maaaring hindi ang mga ito ang “pinakanakapagbibigay-inspirasyong” mga salita na pagnilayan, maaaring kabilang ang mga ito sa pinakamakabuluhang pagnilayan. Kailangan nating lahat na marinig ang mga ito paminsan-minsan sapagkat kailangan nating mapagtanto kung gaano kaseryoso ang ating pagmamatigas, pagiging mapanghusga, at kalupitan sa kapwa. Kung ito ang iyong pinagdaraanan, pagsisihan mo ngayon ang ganitong pagkahilig at hayaang alisin ni Hesus ang mabigat na pasaning iyon.
Panginoon, tunay kong pinagsisisihan ang katigasan ng aking puso. Pinagsisisihan ko ang aking kalupitan at hindi pagpapatawad. Sa Iyong habag, patawarin Mo po ako at punuin ang aking puso ng Iyong awa sa kapwa. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santa ng Araw – Santa Clara, Birhen
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na Larawan: Talinghaga ng Di-tapat na Alipin, mula sa Wikipedia




