Tagalog

Pundasyong Bato

Setyembre 10, 2022
Sabado ng Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon

Video

“Ipapakita Ko sa inyo kung sino ang katulad ng taong lumalapit sa Akin, nakikinig sa Aking mga salita, at isinasabuhay ang mga ito. Siya ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay, na humukay nang malalim at naglatag ng pundasyon sa ibabaw ng bato; nang dumating ang baha, humampas ang agos ng ilog sa bahay na iyon ngunit hindi ito natinag sapagkat matibay ang pagkakatayo nito.” Lucas 6:47-48

Kumusta ang iyong pundasyon? Matibay ba itong bato? O buhangin? Ipinapakita ng talatang ito ng Ebanghelyo ang kahalagahan ng matibay na pundasyon sa buhay.

Bihirang pag-isipan o alalahanin ang isang pundasyon maliban na lamang kung bumigay ito. Mahalagang pagnilayan ito. Kapag matibay ang pundasyon, madalas ay hindi ito napapansin at wala gaanong pangamba kahit kailan dumating ang mga bagyo.

Gayon din ang ating espirituwal na pundasyon. Tinatawag tayong magkaroon ng espirituwal na pundasyong binubuo ng malalim na pananampalatayang nakaugat sa panalangin. Ang ating pundasyon ay ang araw-araw nating pakikipag-ugnayan kay Kristo. Sa panalanging iyon, si Jesus mismo ang nagiging pundasyon ng ating buhay. At kapag Siya ang pundasyon ng ating buhay, walang makapipinsala sa atin at walang makahahadlang sa pagtupad natin sa ating misyon sa buhay.

Ihambing ito sa isang mahinang pundasyon. Mahina ang pundasyong umaasa sa sarili bilang pinagmumulan ng katatagan at lakas sa panahon ng kahirapan. Ngunit ang totoo, wala sa atin ang sapat ang lakas upang maging sariling pundasyon. Ang mga nagtatangkang mamuhay sa ganitong paraan ay mga hangal na natututo sa masakit na karanasan na hindi nila kayang tiisin ang anumang bagyong iharap sa kanila ng buhay.

Pagnilayan mo ngayon kung gaano katibay ang pagkakatayo ng pundasyon ng iyong buhay. Kapag matibay ito, maibabaling mo ang iyong pansin sa marami pang ibang aspeto ng iyong buhay. Kapag mahina ito, patuloy kang magsisikap na mapigil ang pinsala habang sinisikap mong huwag gumuho ang iyong buhay. Muli mong italaga ang iyong sarili sa isang buhay ng malalim na panalangin upang si Kristo Jesus ang maging matibay na pundasyong bato ng iyong buhay.

Panginoon, Ikaw ang aking bato at aking lakas. Ikaw lamang ang umaalalay sa akin sa lahat ng bagay sa buhay. Tulungan Mo akong higit pang umasa sa Iyo, upang magawa ko sa bawat araw ang lahat ng ipinagagawa Mo sa akin. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Mahal na Birhen ng mga Hapis
Tradisyonal na dinarasal tuwing Setyembre 7–15
Ikaapat na Araw—Setyembre 10

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawan: Si Jesus ay umahon sa bundok nang mag-isa, likha ni William Hole, mula sa Wikimedia Commons