Tagalog

Maningning na Pagliliwanag

Setyembre 19, 2022
Lunes ng Ikadalawampu’t Limang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Jenaro, Obispo at Martir—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Video

“Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay tinatakpan ito ng isang sisidlan o inilalagay sa ilalim ng higaan; sa halip, inilalagay niya ito sa patungan ng ilawan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.”  Lucas 8:16

Tayong lahat ay kailangang “makakita ng liwanag.”  Nangyayari ito, halimbawa, kapag ang iba ay nagsisilbing maningning na mga ilaw ni Kristo para sa atin.  At ang isang paraan naman upang “makakita ng liwanag” ang mga nasa paligid natin ay kapag tayo ay nagiging maningning na mga halimbawa ng liwanag ni Kristo para sa kanila.

Inihahayag ng talatang ito ang ating tungkuling maging liwanag ni Kristo sa isang mundong nangangailangan.  Malinaw sa talatang ito na kapag pinaningas natin ang apoy ni Kristo sa ating mga puso, ang bunga nito ay ang pagliwanag ni Kristo sa pamamagitan natin upang makita Siya ng iba.  Sinasabi ni Jesus, “Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay tinatakpan ito…”  Sa madaling salita, kung hindi ka nagniningning sa liwanag ni Kristo, hindi ito dahil ikinukubli mo Siya, kundi dahil hindi Siya nag-aalab sa iyong kaluluwa.  Kapag nag-aalab Siya sa iyong kaluluwa, hindi mapipigil ang liwanag.  

Ang saligang katotohanang ito ay malaking tulong sa ating pagninilay at pagkilatis hinggil sa ating ugnayan kay Kristo.  Sa madaling salita, kung buhay si Jesus sa ating buhay, kung tunay nating isinasabuhay ang isang ugnayan ng pag-ibig sa Kanya, makikita natin ang bunga nito sa buhay ng mga nasa paligid natin.  Makikita nating ang liwanag na iyon ay sumisinag sa iba. Ang bunga ng pagliwanag ni Kristo sa pamamagitan natin ay magiging parang salamin ng sarili nating kaluluwa.

Pagnilayan mo ngayon ang mga nasa paligid mo at pag-isipan kung ano ang nagiging bunga ng iyong pag-ibig kay Kristo sa kanilang buhay.  Nakikita mo bang naaakay ang iba na mahalin si Kristo sa pamamagitan mo?  Kung hindi, suriin mo ang iyong puso at sikaping muling pag-alabin ang apoy ng pag-ibig ng Diyos.

Panginoon, halina at mag-alab Ka sa aking kalooban, at pagningasin Mo ang aking puso sa Iyong pag-ibig.  Hangad kong maging naglalagablab na apoy ang aking puso upang sa pamamagitan nito ay marami ang mailapit sa Iyo.  Gamitin Mo ako, mahal kong Panginoon, ayon sa Iyong kalooban.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw: San Januario, Obispo at Martir

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa