Setyembre 22, 2022
Huwebes ng Ikadalawampu’t Limang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon

Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko ng ulo si Juan. Sino kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng ganitong mga bagay?” At patuloy siyang nagsikap na makita Siya. Lucas 9:9
Itinuturo sa atin ni Herodes ang ilang masasamang katangian gayundin ang ilang mabubuti. Kitang-kita ang masasamang katangian. Namumuhay si Herodes sa matinding kasalanan at, sa huli, ang kanyang lihis na pamumuhay ang nagtulak sa kanya na ipapugot ang ulo ni San Juan Bautista. Ngunit may isang kapansin-pansing katangiang inihahayag ang sipi sa Kasulatan sa itaas na dapat nating sikaping tularan.
Interesado si Herodes kay Hesus. “Patuloy siyang nagsikap na makita Siya,” sabi ng Kasulatan. Bagaman hindi ito humantong sa pagtanggap ni Herodes sa unang ipinangaral ni Juan Bautista at sa pagsisisi, isa pa rin itong unang hakbang.
Dahil sa kawalan ng mas angkop na katawagan, marahil ay matatawag nating “banal na pag-uusisa” ang pagnanais na ito ni Herodes. Alam niyang may kakaiba kay Hesus at nais niya itong maunawaan. Nais niyang makilala kung sino si Hesus at napukaw ang kanyang interes sa mensahe Niya.
Bagaman tinatawag tayong lahat na higit pang magsikap kaysa kay Herodes sa paghahanap sa katotohanan, makikita pa rin natin na mahusay na kumakatawan si Herodes sa marami sa ating lipunan. Napakarami ang naaakit sa Ebanghelyo at sa lahat ng inilalahad ng ating pananampalataya. Nakikinig sila nang may pag-uusisa sa sinasabi ng Santo Papa at sa kung paano tumutugon ang Simbahan sa mga kawalang-katarungan sa mundo. Bukod dito, madalas tayong tuligsain at punahin ng lipunan sa kabuuan, pati na ang ating pananampalataya. Ngunit nagpapakita pa rin ito ng tanda ng interes at pagnanais nitong makinig sa nais sabihin ng Diyos, lalo na sa pamamagitan ng ating Simbahan.
Pagnilayan mo ngayon ang dalawang bagay. Una, pagnilayan ang sarili mong pagnanais na higit pang makaalam. At kapag natuklasan mo ang pagnanais na ito, huwag kang tumigil doon. Hayaan mong ilapit ka nito sa mensahe ng ating Panginoon. Ikalawa, maging mapagmasid sa “banal na pag-uusisa” ng mga nasa paligid mo. Marahil ay may kapitbahay, kapamilya, o katrabaho kang nagpakita ng interes sa sinasabi ng iyong pananampalataya at ng ating Simbahan. Kapag nakita mo iyon, ipanalangin sila at hilingin sa Diyos na gamitin ka Niya, tulad ng ginawa Niya kay Juan Bautista, upang maihatid ang Kanyang mensahe sa lahat ng naghahanap nito.
Panginoon, tulungan Mo akong hanapin Ka sa lahat ng bagay at sa lahat ng oras. Kapag bumabalot ang kadiliman, tulungan Mo akong matuklasan ang liwanag na Iyong inihayag. Pagkatapos, tulungan Mo akong dalhin ang liwanag na iyon sa mundong lubhang nangangailangan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Unang Araw: Nobena kay Santa Teresita ng Lisieux – Ang Munting Bulaklak
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Larawan: Si Kristo sa Harap ni Herodes Antipas ni Nikolaus Knüpfer, mula sa Wikimedia Commons




