Tagalog

Sino Ako Para sa Inyo?

Setyembre 23, 2022
Biyernes ng Ikadalawampu’t Limang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Pio ng Pietrelcina (Padre Pio), Pari—Paggunita

Video

“Sino raw Ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Si Juan Bautista; ayon naman sa iba, si Elias; at ayon pa sa iba, ‘Muling nabuhay ang isa sa mga sinaunang propeta.’” Pagkatapos ay sinabi Niya sa kanila, “Ngunit para sa inyo, sino Ako?” Sumagot si Pedro, “Ang Kristo ng Diyos.”  Luke 9:18c-20

Tama ang sagot ni Pedro.  Si Jesus ay “ang Kristo ng Diyos.”  Marami ang nagsasabing Siya ay isa lamang dakilang propeta, ngunit mas malalim ang nakita ni Pedro.  Nakita niyang si Jesus ang natatanging Pinahiran na mula sa Diyos.  Sa madaling salita, si Jesus ay Diyos.

Bagaman alam nating totoo ito, kung minsan ay hindi natin lubos na nauunawaan ang lalim ng “Misteryo ng Pananampalataya” na ito.  Si Jesus ay tao, at Siya ay Diyos.  Mahirap itong maunawaan.  Mahirap din sanang maunawaan ng mga tao noong panahon ni Jesus ang dakilang misteryong ito.  Isipin mong nakaupo ka sa harap ni Jesus at nakikinig sa Kanyang pagsasalita.  Kung naroon ka sa harap Niya, mahihinuha mo kaya na Siya rin ang ikalawang Persona ng Kabanal-banalang Santatlo?  Mahihinuha mo kaya na Siya ay umiiral na mula pa sa walang hanggan at Siya ang dakilang AKO AY SI AKO NGA?  Mahihinuha mo kaya na Siya ay ganap sa lahat ng bagay at Siya rin ang Lumikha ng lahat at ang nagpapanatili sa pag-iral ng lahat?

Malamang na wala ni isa sa atin ang lubos na makauunawa sa tunay na lalim ng kahulugang si Jesus ay “ang Kristo ng Diyos.”  Malamang na mapapansin nating may natatangi sa Kanya, ngunit hindi natin makikita kung sino talaga Siya sa kabuuan ng Kanyang kalikasan.

Gayon din sa kasalukuyan.  Kapag tumitingin tayo sa Kabanal-banalang Eukaristiya, nakikita ba natin ang Diyos?  Nakikita ba natin ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, Lubos na Makapangyarihan, at Lubos na Mapagmahal, na umiiral mula pa sa walang hanggan, ang bukal ng lahat ng kabutihan at ang Lumikha ng lahat?  Marahil ang sagot ay kapwa “Oo” at “Hindi.”  “Oo” dahil nananampalataya tayo, at “hindi” dahil hindi natin lubos na nauunawaan.

Pagnilayan mo ngayon ang pagka-Diyos ni Kristo.  Pagnilayan mo ang Kanyang presensya sa Kabanal-banalang Eukaristiya, gayundin ang Kanyang presensya sa ating paligid.  Nakikita mo ba Siya?  Nananampalataya ka ba?  Gaano kalalim at kalubos ang iyong pananampalataya sa Kanya?  Muling italaga ang iyong sarili sa mas malalim na pag-unawa kung sino si Jesus sa Kanyang pagka-Diyos.  Sikapin mong humakbang tungo sa mas malalim na pananampalataya.

Panginoon, tunay akong sumasampalataya.  Sumasampalataya akong Ikaw ang Kristo ng Diyos.  Tulungan Mo akong mas maunawaan ang kahulugan nito.  Tulungan Mo akong mas malinaw na makita ang Iyong pagka-Diyos at mas lubos na manampalataya sa Iyo.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikalawang Araw: Nobena kay Santa Teresita ng Lisieux – Ang Munting Bulaklak

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Pio ng Pietrelcina (Padre Pio), Pari

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Ang Pagtawag sa mga Apostol ni Domenico Ghirlandaio, mula sa Wikipedia