Tagalog

Mga Tunay na Kristiyano

Disyembre 1, 2022
Huwebes ng Unang Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa Kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”  Matthew 7:21

Nakapangingilabot isipin ang kalagayan ng mga taong tinutukoy ni Hesus. Isipin mong humaharap ka sa trono ng Diyos matapos kang pumanaw mula sa buhay na ito sa lupa, at sumisigaw ka sa Kanya, “Panginoon, Panginoon!” Inaasahan mong ngingiti Siya at tatanggapin ka, ngunit sa halip ay nahaharap ka sa katotohanan ng iyong patuloy at matigas na pagsuway sa kalooban ng Diyos sa buong buhay mo. Bigla mong napagtatanto na kumilos ka na para bang isa kang Kristiyano, ngunit pakitang-tao lamang pala iyon. At ngayon, sa araw ng paghuhukom, nahahayag ang katotohanan upang makita mo at ng lahat. Talagang nakapangingilabot na tagpo.

Kanino ito mangyayari? Siyempre, ang ating Panginoon lamang ang nakaaalam. Siya ang nag-iisang Makatarungang Hukom. Siya at Siya lamang ang nakaaalam ng puso ng isang tao, at sa Kanya lamang ipinauubaya ang paghatol. Ngunit dapat nating bigyang-pansin ang katotohanang sinabi ni Hesus sa atin na “Hindi lahat” ng umaasang makapapasok sa Langit ay makapapasok.

Ang nararapat ay ginagabayan ang ating buhay ng malalim at dalisay na pag-ibig sa Diyos, at ang pag-ibig na ito lamang ang gumagabay sa ating buhay. Ngunit kapag hindi malinaw na naroroon ang dalisay na pag-ibig sa Diyos, maaaring ang kasunod na pinakamabuting bagay ay ang banal na takot. Dapat pukawin ng mga salitang sinabi ni Hesus ang “banal na takot” na ito sa bawat isa sa atin.

Sa salitang “banal,” ang ibig nating sabihin ay may isang uri ng takot na maaaring mag-udyok sa atin na tunay na baguhin ang ating buhay. Maaaring malinlang natin ang iba, at marahil maging ang ating sarili, ngunit hindi natin malilinlang ang Diyos. Nakikita at nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay, at alam Niya ang sagot sa nag-iisang tanong na mahalaga sa araw ng paghuhukom: “Tinupad ko ba ang kalooban ng Ama sa Langit?”

Isang karaniwang gawain, na paulit-ulit na inirerekomenda ni San Ignacio de Loyola, ang suriin ang lahat ng ating kasalukuyang pasiya at kilos mula sa pananaw ng araw ng paghuhukom. Sa sandaling iyon, ano kaya ang nanaisin kong ginawa ko? Napakahalaga ng sagot sa tanong na ito para sa paraan ng ating pamumuhay ngayon.

Pagnilayan mo ngayon ang mahalagang tanong na ito sa iyong sariling buhay. “Tinutupad ko ba ang kalooban ng Ama sa Langit?” Kapag nakatayo na ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Kristo, ano kaya ang nanaisin kong ginawa ko rito at ngayon? Anuman ang pumasok sa iyong isip, paglaanan mo iyon ng panahon at sikaping patatagin ang iyong pasiyang sundin ang anumang inihahayag sa iyo ng Diyos. Huwag mag-atubili. Huwag nang maghintay. Maghanda ka na ngayon upang ang araw ng Paghuhukom ay maging araw din ng nag-uumapaw na kagalakan at kaluwalhatian!

Diyos kong Tagapagligtas, idinadalangin kong magkaroon ako ng malalim na pag-unawa sa aking buhay. Tulungan Mo akong makita ang aking buhay at lahat ng aking kilos sa liwanag ng Iyong kalooban at ng Iyong Katotohanan. Mapagmahal kong Ama, hangad kong mamuhay nang lubos na naaayon sa Iyong ganap na kalooban. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang maituwid ang aking buhay, nang ang araw ng paghuhukom ay maging araw ng pinakadakilang kaluwalhatian. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7

Tingnan ang lahat ng aming Materyal para sa Adbiyento

Nobena ni San Andres para sa Pasko
Ang panalangin sa ibaba para sa Nobena ni San Andres para sa Pasko ay tradisyonal na dinarasal nang 15 ulit bawat araw mula Nobyembre 30, Kapistahan ni San Andres, hanggang sa Bisperas ng Pasko.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Adbiyento

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Kristong Pantokrator ni Petar Milošević, mula sa Wikimedia Commons