Tagalog

Hayagang Pagsisisi

Disyembre 4, 2022
Ikalawang Linggo ng Adbiyento (Taon A)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Nang makita niyang maraming Pariseo at Saduceo ang lumalapit upang magpabinyag sa kanya, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa darating na poot? Magbunga kayo ng mabuti bilang katibayan ng inyong pagsisisi.” Mateo 3:7–8

Ang pagtatagpong ito ay kapwa matindi at lubhang banal. Matindi ito sapagkat si San Juan Bautista, na naging tanyag at iginagalang at itinuturing na isang dakilang propeta, ay nagsalita nang marahas sa mga Pariseo at Saduceo. “Kayong lahi ng mga ulupong!” ang sabi niya. Hindi ganito ang karaniwang paraan ng pakikipag-usap sa mga Pariseo at Saduceo.

Ganito magsalita si Juan sapagkat ito ang katotohanan. Walang sinumang nailalapit sa Diyos ang mga pinunong ito ng relihiyon. Kailangan lamang pagnilayan ang lahat ng sasabihin ni Hesus sa mga Pariseo at Saduceo kalaunan upang maunawaan kung anong uri ng mga tao ang kinahinatnan ng mga pinunong ito ng relihiyon.

Kaya talagang matindi ang talatang ito. Ngunit lubhang banal din ito. Banal ito sapagkat kailangang sawayin ang “lahing ito ng mga ulupong.” Kailangang kondenahin at hamunin sila. Kailangang matuto silang magpakumbaba. At wala nang higit na nagtuturo ng pagpapakumbaba kaysa sa tapat at hayagang pagsisisi sa sariling mga kasalanan.

Pansining hindi naman lubusang itinataboy ni Juan ang mga pinunong ito. Sa halip, hinihingan niya sila ng “katibayan” ng kanilang pagsisisi. Bakit? Dahil sa espirituwal na pinsalang idinulot nila sa bayan ng Israel bunga ng kanilang kapalaluan, pag-aakalang sila lamang ang matuwid, pagpapaimbabaw, paghahangad ng parangal sa harap ng madla, paghatol sa kapwa, at iba pa. Labis nilang binaluktot ang pananampalataya kaya kinailangan ang hayagang pagsisisi para sa ikabubuti ng kanilang mga kaluluwa. Kinailangang makita ng lahat ang tapat na mabubuting bungang nagmumula sa kanilang buhay bilang tanda na nagbago na sila. Bagaman napakahirap nitong hingin sa mga Pariseo at Saduceo, ito ang landas tungo sa kabanalan para sa kanila.

Totoo rin ito para sa atin. Kung hinayaan mong mahulog ka sa ilan sa mga patibong na kinasadlakan ng mga Pariseo at Saduceo, malaki rin ang maitutulong sa iyo ng malinaw, mapagpakumbaba, at hayagang pagbabago. Kung nakikipagbuno ka sa pag-aakalang ikaw lamang ang matuwid, sa pananalitang mapamuna, sa pag-uugaling “mas banal ako kaysa sa iyo,” o sa pagiging mapanghusga sa kapwa, maaaring lubhang kailangan mo ang mapagpakumbaba at hayagang pagsisisi.

Pagnilayan mo ngayon ang mga Pariseo at Saduceo. Sikaping unawain ang kanilang kasalanan at kung bakit sila tinawag ni Juan na “lahi ng mga ulupong.” Kung nakikita mo sa iyong sariling kaluluwa ang alinman sa kanilang kapalaluan at pag-aakalang sila lamang ang matuwid, pakinggan mo ang pangaral na ito ni Juan Bautista na para bang tuwirang sinasabi sa iyo. “Magbunga kayo ng mabuti bilang katibayan ng inyong pagsisisi.” Gawin mo ito, at palalayain ka ng Diyos sa pamamagitan ng kaloob na tunay na pagpapakumbaba.

Aking mapagpakumbabang Panginoon, tinatawag Mo ang lahat ng tao na magsisi nang may lubos na pagpapakumbaba at katapatan. Tulungan Mo akong makita ang aking kasalanan at huwag kailanman umiwas sa pagharap dito, upang mapalaya Mo ako mula sa karumihang iyon at mas matatag Mo akong mailagay sa landas tungo sa kabanalan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7

Tingnan ang lahat ng aming Materyal para sa Adbiyento

Higit pang mga Pagninilay sa Video para sa Linggo

Nobena ni San Andres para sa Pasko
Ang panalangin sa ibaba para sa Nobena ni San Andres para sa Pasko ay tradisyonal na dinarasal nang 15 ulit bawat araw mula Nobyembre 30, Kapistahan ni San Andres, hanggang sa Bisperas ng Pasko.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Adbiyento

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Juan Damasceno, Pari, Relihiyoso at Pantas ng Simbahan
Hindi ipinagdiriwang bilang paggunita sa liturhiya ngayong taon sapagkat pumapatak ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si San Juan Bautista sa Ilang ni Titian, mula sa Wikimedia Commons