Enero 23, 2023
Lunes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Vicente, Diyakono at Martir—Malayang Paggunita
(Ipinagdiriwang tuwing Enero 23 sa USA)
Araw ng Panalangin para sa Legal na Proteksiyon ng mga Batang Hindi Pa Isinisilang—Paggunita sa USA
(Inililipat sa Enero 23 kapag Linggo ang Enero 22)
Santa Marianne Cope, Birhen—Opsiyonal na Paggunita sa USA

Sinabi ng mga eskribang dumating mula sa Jerusalem tungkol kay Hesus, “Sinasapian Siya ni Beelzebul,” at “Sa kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo.” Mark 3:22
Sa panahong ito, lubos nang abala si Hesus sa Kanyang hayag na ministeryo. Nagpagaling na Siya ng mga maysakit at mga pilay, nagpalayas ng maraming demonyo, tumawag sa Labindalawang Apostol at nagbigay sa kanila ng kapangyarihan laban sa masasamang espiritu, at nangaral ng Mabuting Balita sa marami. Bago ang talatang ito sa Ebanghelyo, pinuna Siya ng ilan sa Kanyang mga kamag-anak, na nagsasabing wala sa sariling pag-iisip si Hesus. Pagkatapos ay sinimulan naman ng mga eskriba ang hayagang paghatol sa ating Panginoon.
Naharap ang mga eskriba sa isang suliranin. Nakita nilang nagpapalayas si Hesus ng mga demonyo mula sa mga sinasapian, kaya kinailangan nilang makaisip ng paliwanag. Nagpasiya silang nakapagpapalayas si Hesus ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo. Tinugon ni Hesus ang pamumuna ng mga eskriba sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang paghatol bilang isang kasalanan laban sa Espiritu Santo. Ipinaliwanag ni Hesus na mapatatawad ang bawat kasalanan maliban sa kasalanan laban sa Espiritu Santo. Sinabi Niya na “ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi kailanman patatawarin, kundi mananagot sa isang kasalanang walang hanggan.” Bakit gayon?
Sa pagkakataong ito, ang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay hindi lamang ang maling paghatol na binigkas ng mga eskriba laban kay Hesus. Una sa lahat, ang kanilang kasalanan ay ang pagmamatigas. Nagsalita sila ng kasinungalingan tungkol sa ating Panginoon, na isang mabigat na kasalanan, ngunit ang mas masama ay ginawa nila ito nang buong pagmamatigas sa kanilang kamalian. Tumanggi silang magpakumbaba at muling suriin ang kanilang kamalian. At ang katigasang ito ng ulo ang nag-iiwan sa kanila ng isang “kasalanang walang hanggan.”
Marahil ang pinakamahalagang aral na matututuhan natin mula sa talatang ito ay dapat nating iwasang manatiling nakakapit sa ating kapalaluan nang may pagmamatigas. Dapat tayong laging maging mapagpakumbaba at maging handa at bukas na muling suriin ang ating mga kilos. Tutulungan tayo ng pagpapakumbaba na laging alalahaning madali tayong maligaw sa buhay. At bagaman mangyayari ito paminsan-minsan sa iba’t ibang paraan, kung mananatili tayong mapagpakumbaba at bukas sa pagbabago, lagi nating matatanggap ang awa ng Diyos at makakamit ang kapatawaran. Ngunit kung tayo ay palalo at patuloy na tumatangging aminin ang ating mga pagkakamali, maaari rin tayong magkasala laban sa Espiritu Santo.
Pagnilayan mo ngayon ang anumang pagkahilig mong magmatigas sa iyong buhay. Ang katatagan ay maaaring maging isang birtud kapag ito ay isang hindi natitinag na katapatan sa Ebanghelyo at sa kalooban ng Diyos. Gayunman, dapat mong laging sadyang muling suriin ang landas na iyong tinatahak upang makapagbago ka kapag nagsisimula nang lumihis ang landas na iyon sa Katotohanan ng Diyos. Magpakumbaba ka sa araw na ito at hayaang akayin ka ng tinig ng Diyos pabalik mula sa anumang kamaliang kasalukuyan mong pinakikipaglabanan.
Maawain kong Hesus, nagkakasala ako araw-araw at patuloy akong magkukulang sa ganap na pagsunod sa Iyo. Dahil dito, nagpapasalamat ako sa Iyo para sa Iyong masaganang awa. Tulungan Mo po akong laging maging bukas sa awang iyon sa pamamagitan ng regular na muling pagsusuri sa aking mga pasiya sa buhay. Bigyan Mo ako ng pagpapakumbaba, mahal na Panginoon, upang lagi akong magsisi at manumbalik sa Iyo kapag ako ay naliligaw. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobena ng 9 na Araw para sa Buhay
Enero 19–27
Ikalimang araw: Enero 23
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Karagdagang Babasahin –
San Vicente, Diyakono at Martir
(Ipinagdiriwang tuwing Enero 23 sa USA)
Araw ng Panalangin para sa Legal na Proteksiyon ng mga Batang Hindi Pa Isinisilang
(Inililipat sa Enero 23 kapag Linggo ang Enero 22)
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




