Pebrero 1, 2023
Miyerkules ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

“Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? At hindi ba naririto sa piling natin ang kanyang mga kapatid na babae?” At natisod sila sa kanya. Mark 6:3
Matapos maglakbay sa mga kanayunan, gumawa ng mga himala, magturo sa mga tao at magkaroon ng maraming tagasunod, bumalik si Jesus sa Nazaret kung saan Siya lumaki. Marahil ay nasasabik ang Kanyang mga alagad na makasama si Jesus sa pagbabalik sa Kanyang bayang kinalakhan. Inakala nilang labis na magagalak ang Kanyang mga kababayan na makita Siyang muli dahil sa maraming kuwento tungkol sa Kanyang mga himala at pagtuturong may awtoridad. Ngunit hindi nagtagal ay lubhang nagulat ang mga alagad.
Pagdating sa Nazaret, pumasok si Jesus sa sinagoga upang magturo, at nagturo Siya nang may awtoridad at karunungang ikinamangha ng mga tagaroon. Sinabi nila sa isa’t isa, “Saan nakuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong uri ng karunungan ang ipinagkaloob sa kanya?” Naguguluhan sila dahil kilala nila si Jesus. Siya ang karpintero sa kanilang bayan na maraming taong nagtrabahong kasama ng Kanyang ama na isa ring karpintero. Siya ang anak ni Maria, at kilala nila sa pangalan ang iba pa Niyang mga kamag-anak.
Ang pangunahing naging hadlang sa mga kababayan ni Jesus ay ang pagiging lubhang pamilyar nila sa Kanya. Kilala nila Siya. Alam nila kung saan Siya nakatira. Kilala na nila Siya habang Siya ay lumalaki. Kilala nila ang Kanyang pamilya. Alam nila ang lahat tungkol sa Kanya. Kaya naman nagtaka sila kung paanong maaaring maging natatangi si Jesus. Paano Siya nakapagtuturo ngayon nang may awtoridad? Paano Siya nakakagawa ngayon ng mga himala? Kaya namangha ang mga kababayan Niya, at hinayaan nilang ang pagkamanghang iyon ay mauwi sa pagdududa, panghuhusga at pamumuna.
Ang ganitong tukso ay nararanasan nating lahat nang mas madalas kaysa sa ating napapansin. Kadalasan, mas madaling humanga mula sa malayo sa isang di-kilala kaysa sa isang taong kilalang-kilala natin. Kapag una nating nabalitaan ang isang taong gumagawa ng kahanga-hangang bagay, madali tayong makisalo sa paghanga sa kanya. Ngunit kapag nakarinig tayo ng magandang balita tungkol sa isang taong kilalang-kilala natin, madali tayong matuksong magselos o mainggit, mag-alinlangan at maging mapamuna pa nga. Ngunit ang totoo, bawat santo ay may pamilya. At sa bawat pamilya ay maaaring may mga kapatid, pinsan at iba pang kamag-anak na sa pamamagitan nila ay gagawa ang Diyos ng mga dakilang bagay. Hindi ito dapat ikagulat natin—dapat itong magbigay-inspirasyon sa atin! At dapat tayong magalak kapag ang mga taong malapit at pamilyar sa atin ay ginagamit ng ating mabuting Diyos sa makapangyarihang paraan.
Pagnilayan mo ngayon ang mga taong pamilyar sa iyo, lalo na ang sarili mong pamilya. Suriin mo kung nahihirapan kang tumingin nang higit sa panlabas at tanggapin na nananahan ang Diyos sa bawat isa. Dapat nating patuloy na sikaping matuklasan ang presensya ng Diyos sa ating paligid, lalo na sa buhay ng mga taong kilalang-kilala natin.
Panginoon kong laging naririto, salamat po sa di-mabilang na paraan ng Iyong presensya sa buhay ng mga taong nasa paligid ko. Pagkalooban Mo ako ng biyayang makita Ka at mahalin Ka sa buhay ng mga taong pinakamalapit sa akin. Habang natutuklasan ko ang Iyong maluwalhating presensya sa kanilang buhay, puspusin Mo ako ng malalim na pasasalamat at tulungan Mo akong kilalanin ang Iyong pag-ibig na nahahayag sa pamamagitan ng kanilang buhay. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




