Tagalog

Isang “Banal na Takot”

Abril 28, 2023
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Pedro Chanel, Pari at Martir—Paggunita Kung Ibig

San Luis Grignon de Montfort, Pari—Opsiyonal na Paggunita

Video

“Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang Laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kanyang Dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng Aking Laman at umiinom ng Aking Dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli Ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang Aking Laman ay tunay na pagkain, at ang Aking Dugo ay tunay na inumin.” John 6:53–55

Sa larangan ng pilosopiya, makatutulong na isaalang-alang ang iba’t ibang bagay na tila “magkatunggaling puwersa.” Tila kabaligtaran ng kasamaan ang kabutihan. Ng kadiliman ang liwanag. Ng lamig ang init. At ng kamatayan ang buhay. Ngunit tunay nga ba silang magkasalungat na para bang magkatunggaling puwersa? Kapag maingat na sinuri, malinaw na ang kabutihan at kasamaan, liwanag at dilim, init at lamig, at buhay at kamatayan ay hindi talaga “magkatunggaling puwersa”; sa halip, ang kasamaan ay kawalan lamang ng kabutihan, ang kadiliman ay kawalan ng liwanag, ang lamig ay kawalan ng init, at ang kamatayan ay pagkawala ng buhay. At bagama’t ang pagkakaibang ito sa pilosopiya ay maaaring hindi gaanong kawili-wili para sa ilan, at nakalilito naman para sa iba, isa itong katotohanang makatutulong pagnilayan sa liwanag ng Ebanghelyo ngayon.

Sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ngayon na ang hindi “pagkain sa Laman ng Anak ng Tao at pag-inom sa Kanyang Dugo” ay humahantong sa kamatayan. Ang kamatayan ay pagkawala ng buhay, at ang Eukaristiya ang bukal ng buhay. Sinasabi ni Hesus na kung hindi mo kakainin ang Kanyang Laman at iinumin ang Kanyang Dugo, “wala kayong buhay sa inyong sarili.”

Ang tahasang turong ito ni Hesus ay dapat mag-udyok sa atin na huminto at suriin ang ating saloobin sa Kabanal-banalang Eukaristiya. Kung minsan, nahuhulog tayo sa bitag ng pag-iisip na ang pagdalo sa Misa at pagtanggap ng Komunyon ay isang “pabor” na ginagawa natin para sa ating Panginoon. Ngunit sa katotohanan, ito ang pinakadakilang kagandahang-loob ng Diyos sa atin, sapagkat ang Eukaristiya ang pintuan tungo sa buhay na walang hanggan. At kung wala ito, wala tayong buhay sa ating sarili. Namamatay ang ating mga espiritu sapagkat nawawala sa atin ang presensiya ng Diyos.

Lubhang makatutulong na tingnan ang masamang epekto ng hindi pagtanggap sa Kabanal-banalang Eukaristiya. Kung minsan, kailangan nating isaalang-alang ang mga bunga ng ating mga kilos upang mahikayat tayong maging higit na tapat. Dahil dito, ang pagninilay sa katotohanang ang hindi pagkain sa Laman ng Anak ng Diyos ay humahantong sa kamatayan ay dapat maging matinding udyok para sa atin. Dapat itong magpuspos sa atin ng banal na takot na mawala ang nagbibigay-buhay na presensiya ng Diyos sa ating kalooban. Ang “banal na takot” na ito ay tunay na kaloob ng Diyos at, sa katunayan, isa sa Pitong Kaloob ng Espiritu Santo.

Pagnilayan mo ngayon ang iyong panloob na saloobin sa Kabanal-banalang Eukaristiya. Mas nakikita mo ba ang iyong pakikibahagi sa Banal na Misa bilang isang pabor na iniaalay mo sa ating Panginoon? O nakikita mo ba ito ayon sa tunay nitong diwa: ang nagbibigay-buhay na bukal ng buhay na walang hanggan? Pagnilayan kung gaano nga ba kahalaga ang napakamahal na kaloob na ito at muling italaga ang iyong sarili sa tapat at taimtim na pakikibahagi sa kabanal-banalang Kaloob na ito.

Panginoon kong nasa Eukaristiya, ang Iyong Laman at Dugo ay tunay na bukal ng buhay na walang hanggan para sa lahat ng tumatanggap sa Iyo nang may pananampalataya. Nagpapasalamat ako sa Iyo, mahal na Panginoon, para sa napakamahal na Kaloob na ito ng Kabanal-banalang Eukaristiya, at idinadalangin kong lagi akong mapuspos ng matinding pagkagutom at pagkauhaw sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Panalangin sa Pasko ng Pagkabuhay

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Santo sa Araw na Ito –

San Pedro Chanel, Pari at Martir

San Luis Grignon de Montfort, Pari

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga tampok na larawan sa itaas: Fra Angelico (Guido di Pietro) 1400-1455. Florence. Ang Pangangaral sa Bundok, sa pamamagitan ng flickr