Hunyo 28, 2023
Miyerkules ng Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Ireneo, Obispo at Martir—Paggunita

“Namimitas ba ang mga tao ng ubas sa mga palumpong na matinik, o ng igos sa mga dawag? Gayundin, ang bawat mabuting puno ay nagbubunga ng mabuti, at ang bulok na puno ay nagbubunga ng masama.” Matthew 7:16–17
“Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.” Ganito nagtatapos ang sipi ng Ebanghelyo natin ngayon. Nagbibigay ito sa atin ng isang lubhang praktikal na paraan upang makilatis ang pagkilos ng Diyos sa sarili nating buhay at sa buhay ng iba.
Kapag tinitingnan mo ang sarili mong buhay, anong mabuting bunga ang nakikita mong naibunga para sa pagtataguyod ng Kaharian ng Diyos? Maaaring kaunti lamang o wala halos makitang bunga ang ilang tao, mabuti man o masama. Ang gayong pagkakampante ay masamang bunga na sa sarili nito. Maaaring makakita naman ang iba ng masaganang bunga, na nagdudulot ng maraming epekto sa mundong ito. Naiimpluwensiyahan nila ang buhay ng marami, at ang kanilang mga pagkilos sa harap ng publiko ay nagdudulot ng tunay na pagbabago. Kung minsan ay para sa kabutihan…at kung minsan naman ay para sa kasamaan.
Sa pagkilatis sa mga pagkilos ng Diyos sa ating mundo, kailangan muna nating maging lubos na obhetibo. Ang diyablo ay laging lubhang mapanlinlang at madalas niyang ipinakikita bilang mabuti ang kanyang masasamang bunga. Halimbawa, ang pagsasalegal ng aborsiyon ay madalas iharap ng marami sa ating mundo bilang isang “karapatang pumili” o isang “serbisyong pangkalusugan.” Ngunit ang sadyang pagkitil sa buhay ng sinumang sanggol na hindi pa isinisilang ay malinaw na “masamang bunga” mula sa isang “bulok na puno.” Marami pa ngang tinatawag na “mga pangkat na makatao” o napakayayamang “pilantropo” na ipinakikita ang kanilang gawain bilang “mabuting bunga,” gayong hindi naman ito mabuti. Sa kabilang banda, marami ang nagsisikap upang higit na igalang ang buhay mula sa sandali ng paglilihi hanggang sa likas na kamatayan, o nagsusumikap na itaguyod ang kabanalan ng pag-aasawa ayon sa disenyo ng Diyos, o kumikilos upang itaguyod ang kalayaang sumamba alinsunod sa kalooban ng Diyos, ngunit binabansagan sila ng sekular na mundo bilang mapanghusga, sarado ang isip, mga tagapaghasik ng takot, at maging mga taong puno ng poot. Ngunit ang kanilang gawaing ginagampanan nang may malaking pagsasakripisyo ay tunay na nagbubunga ng mabuti para sa Kaharian ng Diyos.
Kumusta naman ang sarili mong buhay? Kapag sinusuri mo ang iyong mga kilos at ang bungang dulot ng mga iyon, saan nagmumula ang bungang iyon? Nagmumula ba ito sa isang huwad na pagkaunawa sa habag, sa isang maling pagkaunawa sa “pag-ibig sa kapwa,” at sa takot na mapuna dahil sa paninindigan para sa katotohanan? O nagmumula ito sa malalim na pag-ibig sa Diyos, sa kamalayan sa katotohanang ipinahayag ng Diyos sa atin, at sa pamamagitan ng matapang na pagpapahayag ng dalisay na Ebanghelyo?
Ang mabuting bunga, na nagmumula sa puso ng Ama sa Langit, ay laging sasalamin sa mga katotohanan ng ating pananampalataya. Ang huwad na pagkaunawa sa habag, mga maling paratang, pag-uusig, at mga katulad nito ay magmumula sa mga bulok na puno sa ating mundo. Dapat tayong magsikap nang buong tiyaga na maging yaong mabubuting punong namumunga ng mabuting bungang nagmumula sa Diyos. Nangangailangan ito ng isang ganap na pagtatalaga ng sarili sa paggawa ng tama sa harap ng kasamaang nakapaligid sa atin.
Pagnilayan mo ngayon ang mga larawang ito na inilalahad ni Jesus. Malinaw mo bang nakikita kapwa ang mabuti at masamang bunga sa paligid mo? Nakatutulong ba ang iyong buhay sa pagpapalaganap ng mga kasinungalingan ng Masama o ng katotohanan at pag-ibig ng Diyos? Suriin nang walang kinikilingan ang bungang idinudulot ng iyong buhay, gayundin ang bunga sa ating daigdig, at ihambing ito sa malinaw at hindi malabong mga aral ni Jesus. Hanapin mo nang buong puso ang mabuting bungang iyon at gawin ang lahat ng iyong makakaya upang mamunga ito, anuman ang kapalit. Sa gayon, hindi mo lamang maililigtas ang iyong kaluluwa, kundi makatutulong ka rin na pakainin ang iba ng mabuting bunga ng Langit.
Aking Panginoon na ganap na tapat sa katotohanan, Ikaw at Ikaw lamang ang nagtatakda kung ano ang mabuti at masama sa aming daigdig. Inihahayag ng Iyong katotohanan ang mabuting bungang umuusbong upang magbigay ng sustansiya sa paglago ng Iyong maluwalhating Kaharian. Pagkalooban Mo ako ng lakas ng loob at kalinawan ng isip at puso upang patuloy kong magawa ang lahat ng ipinagagawa Mo sa akin, nang maihatid ko ang mabuting bunga ng Kaharian sa lahat ng nangangailangan. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Santo ng Araw – San Ireneo, Obispo at Martir
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa



