Tagalog

Ang Pagdurusa ng Hindi Pagpapatawad

Setyembre 17, 2023
Ikadalawampu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon A)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“‘Masamang lingkod! Pinatawad kita sa buong pagkakautang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. Hindi ba dapat na naawa ka rin sa iyong kapwa lingkod, gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya nito sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran niya ang buong utang. Gayon din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit, kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapatid mula sa puso.” Mateo 18:32–35

Pag-ibig, kabutihang-loob, kahinahunan, awa…madaling pag-isipan ang mga ito at ang marami pang katulad na katangian. Binibigyang-inspirasyon tayo ng mga ito na maging banal sa pamamagitan ng paglago sa kabutihang-asal. Ngunit kung minsan, may higit pa tayong kailangan. Kung minsan, hindi sapat ang pagninilay sa kagandahan ng mga birtud at mga bunga ng Espiritu upang matulungan tayong yakapin ang isang buhay ng kabanalan. Isa ito sa mga dahilan ng ating talinghaga ngayon.

Ang Mga Espirituwal na Pagsasanay ni San Ignacio ng Loyola ay naglalahad ng isang balangkas na magagamit ng isang tagagabay na espirituwal upang akayin ang isang kalahok sa tatlumpung araw na pribadong rekoleksiyon. Binabalangkas ni Ignacio ang mga pagninilay para sa tatlumpung araw. Kapansin-pansin na hindi sinisimulan ni Ignacio ito sa pag-anyaya sa isang tao na pagnilayan ang magagandang birtud na tinatawag siyang isabuhay. Sa halip, sa unang linggo, ipinagninilay niya sa kalahok ang kakilabutan ng kasalanan at ang mapaminsalang epekto nito sa kaluluwa. Sa ganitong paraan, higit na namumulat ang tao sa sarili niyang kasalanan upang, sa susunod na tatlong linggo, maging mas handa ang kanyang kalooban na pagnilayan ang nagbibigay-inspirasyong buhay ni Kristo at ang Kanyang maraming birtud.

Sa isang diwa, ang ating Ebanghelyo ngayon ay napakaangkop pagnilayan sa unang linggong iyon ng isang rekoleksiyon ayon sa pamamaraan ni San Ignacio. At dahil dito, napakaangkop din nitong pagnilayan sa tuwing nais nating maisaayos ang ating buhay espirituwal. Napakadaling maging kampante sa ating pamumuhay bilang Kristiyano. Madaling maging malahininga sa ating pananalangin at maging sa ating buhay moral. Kung ganito ka sa anumang antas, nararapat mong bigyan ang Ebanghelyong ito ng maingat at masusing pansin.

Ang kasalanang tinutukoy ni Hesus sa talatang ito ay ang kasalanan ng hindi pagpapatawad. Malinaw nitong inilalarawan ang poot ng Diyos na ipapataw sa mga tumatangging magpatawad sa kapwa. Ang “masamang lingkod” na pinatutungkulan nito ay isang taong pinatawad ng Diyos sa isang “napakalaking halaga” ng pagkakautang. Tayong lahat ito. Bawat isa sa atin ay pinatawad ng Diyos sa isang pagkakautang na ang naging kabayaran ay ang mismong buhay ni Hesus. Ang naging bunga ng ating mga kasalanan ay ang kamatayan ng Anak ng Diyos. Bawat isa sa atin ay karapat-dapat sa parusang kamatayan. Ngunit ngayon, ang kamatayan ay nabago at naging mismong daan tungo sa bagong buhay sa pamamagitan ng kapatawaran ng mga kasalanan. At kung nais nating matanggap ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang bagong buhay na naghihintay sa atin, dapat tayong ganap na makibahagi sa pagpapatawad ng Diyos. Hindi lamang natin dapat tanggapin ang Kanyang pagpapatawad; dapat din nating patawarin ang mga nagkasala sa atin. Nang lubusan. Nang ganap. Nang walang pasubali.

Sa talinghagang ito, hindi pinatawad ng masamang lingkod ang maliit na pagkakautang ng kanyang lingkod. Sa katunayan, ang bawat kasalanang ginawa laban sa atin, gaano man kabigat sa paningin ng Diyos, ay isang maliit na utang kung ihahambing sa pagkakautang natin sa Diyos. Dahil dito, hindi tayo dapat mag-atubiling magpatawad kailanman. Hinding-hindi. Kung mahirap ito, at kung ang pagninilay sa awa, kabutihang-loob, habag at pag-ibig ng Diyos ay hindi nag-uudyok sa iyong lubusang patawarin ang lahat nang ganap, maglaan ka ng panahon sa pagninilay sa talinghagang ito. “Masamang lingkod! Pinatawad kita sa buong pagkakautang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. Hindi ba dapat na naawa ka rin sa iyong kapwa lingkod, gaya ng pagkaawa ko sa iyo?” Ang mga salitang ito ay nakatuon sa atin kapag hindi tayo nagpapatawad nang lubusan mula sa kaibuturan ng ating puso. Mga salita ito ng awa mula kay Hesus upang tulungan tayong mamulat sa dapat nating gawin.

Sa isang komentaryo ni Santo Tomas de Aquino tungkol sa talatang ito, ang tinutukoy na mga “tagapagpahirap,” na sa kanila tayo ibibigay kung hindi tayo magpapatawad, ay ang mga demonyo. Pahihirapan nila tayo kapag hindi tayo nagpapatawad sa kapwa. Sa ngayon, ang pagpapahirap na ito ay darating sa anyo ng labis na pagtutuon sa ating mga sugat, pagbabad sa mga isipang maghiganti, pagkikimkim ng sama ng loob, at kawalan ng kapayapaan sa kalooban. Ito ang gawain ng mga demonyo, at pahihirapan nila tayo sa ganitong paraan hanggang sa tayo ay magpatawad.

Pagnilayan mo ngayon ang pagpapatawad bilang isang di-maaaring isantabing hinihingi ng buhay Kristiyano. Maaaring tila hindi makatarungan ang awa. Kung ang pagbabatayan ay ang mahigpit na katarungan, gayon nga ito. Ngunit mula sa pananaw ng kalayaan at ng mga birtud ng Langit, lubos na makatuwiran ang awa. Huwag kang mag-atubiling magpatawad, sapagkat kung magagawa mo ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, masaganang ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang mga kayamanan ng Kaharian ng Langit.

Panginoong puspos ng awa, pinatawad Mo ako sa napakalaking pagkakautang. Ang naging kabayaran ng aking kasalanan ay ang Iyong kamatayan sa Krus. Punuin Mo po ang aking puso ng gayong kalaking pasasalamat sa kaloob na ito upang ako naman ay magpakita sa kapwa ng gayunding lalim ng awa. Nawa’y hindi ako kailanman mag-atubili sa pagpapakita ng ganito kalalim na awa upang makalaya ako sa mga pagpapahirap na dulot ng hindi pagpapatawad. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Santo sa Araw na Ito – Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita ngayong taon sapagkat pumapatak ito sa Linggo

San Roberto Bellarmino, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Santa Hildegarda ng Bingen, Birhen at Pantas ng Simbahan—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Talinghaga ng Lingkod na Walang Awa Ni Jan Sanders van Hemessen, mula sa Wikimedia Commons