Tagalog

Paglapit sa Salita ng Diyos

Disyembre 16, 2023
Sabado ng Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayon

Video

“Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, ngunit hindi nila siya nakilala at ginawa nila sa kanya ang anumang naisin nila. Gayundin naman, magdurusa ang Anak ng Tao sa kanilang mga kamay.” Noon ay naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy Niya sa kanila. Matthew 17:12–13

Ang huli sa mga propeta ng Lumang Tipan ay si Malaquias. Natapos niya ang kanyang ministeryo mga 400 taon bago ang pagdating ni Kristo. Ipinropesiya ni Malaquias na isang “sugo” ang darating bago ang Mesiyas upang ihanda ang daan para sa Kanya. Sinabi pa ni Malaquias na darating si “Elias na Propeta” bago ang araw ng Panginoon (Tingnan ang Malachi 3:1–24).

Marami sa mga tao noong panahon ni Hesus ang hindi nakaunawa sa propesiyang ito at ni hindi alam ang tungkol dito. Kaya ginamit ng mga eskriba ang propesiyang ito upang lituhin ang marami sa mga tao sa pagsasabing, dahil hindi pa dumarating si “Elias,” malinaw na hindi si Hesus ang ipinangakong Mesiyas.

Nilinaw ni Hesus sa mga alagad na ang “sugo,” na siyang magiging bagong Elias, ay dumating na sa katauhan ni Juan Bautista. Sa paglilinaw na ito, nilinaw rin ni Hesus na hindi tama ang mga eskriba sa kanilang pagtatangkang magpaliwanag ng Banal na Kasulatan at na aktibo nilang inililigaw ang mga tao dahil sa kanilang mga kamalian.

Isang bagay na itinuturo nito sa atin ay dapat nating lapitan ang salita ng Diyos nang may kababaang-loob. Dahil sa kapalaluan ng mga eskriba, naniwala silang nagtataglay sila ng isang pambihirang karunungang wala naman talaga sa kanila. Kaya hindi sila naging mabubuting gurong espirituwal ng bayan ng Diyos.

Mahalaga ang kababaang-loob sa harap ng Salita ng Diyos upang maunawaan natin nang wasto hindi lamang ang mga propesiya sa Lumang Tipan kundi pati ang mismong mga salita ni Hesus. Kung wala tayong kababaang-loob sa harap ng Salita ng Diyos, madali nating mabigyan ng maling kahulugan ang magaganda at banal na mga salitang binigkas ng ating Panginoon.

Lahat ng nasa Banal na Kasulatan ay malalim, makahulugan at totoo. At sa pamamagitan ng banal na Salitang ito ng Diyos, nakakatagpo natin ang Diyos mismo. Ngunit kung hahayaan nating makapasok ang kapalaluan, maaari nating matularan ang mga eskriba at mali ang pagkaunawa natin sa Salita ng Diyos. Ang magiging bunga nito ay isang baluktot na larawan ng Diyos na magiging hadlang sa ating personal na pakikipagtagpo sa ating mapagmahal na Panginoon. Ngunit kung mananatili tayong mapagpakumbaba sa harap ng lahat ng ipinahayag ng Diyos sa atin, mas madali nating mabubuksan ang ating sarili sa pinakamalalim at pinakamagagandang katotohanang nais sabihin ng Diyos sa ating mga puso.

Pagnilayan ngayon ang anumang pagkakataong nalito ka sa Salita ng Diyos. Sikaping buksan nang higit ang iyong puso, nang may kababaang-loob, sa nais sabihin sa iyo ng ating Panginoon. Makinig nang may bukas na isip at puso, at hayaang maging gabay mo ang dalisay na kaloob ng pananampalataya upang maakay ka sa pinakamalalalim na katotohanan ng ating pananampalataya.

Aking mahiwaga at marikit na Panginoon, ipinahayag Mo sa amin ang pinakamalalalim at pinakamakahulugang hiwaga ng buhay sa pamamagitan ng Iyong nasusulat na Salita. Nawa’y lagi kong lapitan ang Iyong Salita nang may kababaang-loob at pagiging bukas upang higit Kitang makilala. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Bago para sa 2024!
Isang napakagandang regalo sa Pasko…

Tingnan ang lahat ng aming Materyal para sa Adbiyento

Nobena kay San Andres para sa Pasko
Tradisyonal na dinarasal nang 15 beses bawat araw mula Nobyembre 30 hanggang sa Bisperas ng Pasko.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Adbiyento

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Binibinyagan ni San Juan Bautista ang mga Tao, likha ni Nicolas Poussin, mula sa Wikimedia Commons