Tagalog

Ang Tagumpay ni Zacarias

Sabado, Disyembre 23, 2023
Araw sa Panahon ng Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayon

San Juan ng Kanty, Pari—Opsiyonal na Paggunita

Video

Kaagad na nabuksan ang kanyang bibig, nakalag ang kanyang dila, at nagsalita siya na nagpupuri sa Diyos.  Luke 1:64

Ipinakikita ng talatang ito ang masayang kinahinatnan ng unang pagkabigo ni Zacarias na maniwala sa ipinahayag sa kanya ng Diyos. Alalahanin na siyam na buwan bago nito, habang ginagampanan ni Zacarias ang kanyang tungkulin bilang pari na mag-alay ng handog sa loob ng Kabanal-banalang Dako sa Templo, dinalaw siya ng maluwalhating Arkanghel Gabriel, na nakatayo sa harapan ng Diyos. Ipinahayag ni Gabriel kay Zacarias ang mabuting balita na maglilihi ang kanyang asawa sa katandaan nito at ang batang ito ang maghahanda sa bayan ng Israel para sa dumarating na Mesiyas. Kaylaking pribilehiyo sana nito! Ngunit hindi naniwala si Zacarias. Dahil dito, ginawa siyang pipi ng Arkanghel sa loob ng siyam na buwan ng pagbubuntis ng kanyang asawa.

Ang mga parusa ng Panginoon ay laging mga kaloob ng Kanyang biyaya. Hindi pinarusahan si Zacarias dahil sa galit o para lamang maparusahan. Sa halip, ang parusang ito ay higit na katulad ng isang penitensiya. Ibinigay sa kanya ang nakapagpapakumbabang penitensiya ng pagkawala ng kakayahang magsalita sa loob ng siyam na buwan, at may mabuting dahilan ito. Tila alam ng Diyos na kailangan ni Zacarias ng siyam na buwan upang tahimik na pagnilayan ang sinabi ng Arkanghel. Kailangan niya ng siyam na buwan upang pagbulayan ang mahimalang pagbubuntis ng kanyang asawa. At kailangan niya ng siyam na buwan upang pagbulayan kung sino ang magiging batang ito. At ang siyam na buwang iyon ay nagbunga ng nilalayong ganap na pagbabagong-loob.

Matapos isilang ang bata, inaasahang ang panganay na anak na lalaking ito ay ipapangalan sa kanyang amang si Zacarias. Ngunit sinabi ng Arkanghel kay Zacarias na Juan ang dapat ipangalan sa bata. Kaya, sa ikawalong araw, ang araw ng pagtutuli sa kanyang anak nang ito ay iharap sa Panginoon, isinulat ni Zacarias sa isang sulatang tapyas na Juan ang pangalan ng sanggol. Isa itong pagpapahayag ng pananampalataya at tanda na lubusan na siyang tumalikod sa kawalan ng paniniwala at sumampalataya. At ang pagpapahayag na ito ng pananampalataya ang pumawi sa kanyang dating pag-aalinlangan.

Ang buhay ng bawat isa sa atin ay magkakaroon ng mga pagkakataong mabibigo tayong maniwala sa pinakamalalim na antas ng pananampalataya. Dahil dito, si Zacarias ay huwaran para sa atin kung paano natin dapat harapin ang ating mga pagkabigo. Hinaharap natin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapahintulot na ang mga bunga ng ating nakaraang mga pagkabigo ay magbago sa atin tungo sa kabutihan. Natututo tayo sa ating mga pagkakamali at nagpapatuloy nang may mga bagong pasiya. Ito ang ginawa ni Zacarias, at ito rin ang dapat nating gawin kung nais nating matuto sa kanyang mabuting halimbawa.

Pagnilayan mo ngayon ang anumang kasalanang nagawa mo na nagdulot ng masasakit na bunga sa iyong buhay. Habang pinagbubulayan mo ang kasalanang iyon, ang tunay na tanong ay kung anong landas ang tatahakin mo mula ngayon. Hinahayaan mo bang manaig at mamahala sa iyong buhay ang nakaraang kasalanang iyon, o ang iyong kakulangan sa pananampalataya? O ginagamit mo ba ang iyong nakaraang mga pagkabigo upang gumawa ng mga bagong pasiya at pagpapasya para sa hinaharap nang sa gayon ay matuto ka sa iyong mga pagkakamali? Kailangan ang tapang, pagpapakumbaba, at lakas upang tularan ang halimbawa ni Zacarias. Sikapin mong isabuhay ang mga birtud na ito sa araw na ito.

Panginoon, alam kong kulang ang aking pananampalataya.  Hindi ko lubos na pinaniniwalaan ang lahat ng sinasabi Mo sa akin.  Dahil dito, madalas kong hindi naisasabuhay ang Iyong mga salita.  Mahal na Panginoon, kapag nagdurusa ako dahil sa aking kahinaan, tulungan Mo akong maunawaan na ito at ang lahat ng pagdurusa ay maaaring magbigay ng kaluwalhatian sa Iyo kung paninibaguhin ko ang aking pananampalataya.  Tulungan Mo akong laging manumbalik sa Iyo, tulad ni Zacarias, at gamitin Mo ako bilang kasangkapan upang mahayag ang Iyong kaluwalhatian.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Bago para sa 2024!
Isang napakagandang regalo sa Pasko…

Tingnan ang aming mga materyal para sa Adbiyento at Pasko!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

Mga Antiponang O ng Adbiyento
Disyembre 17–23

Nobenang Pamasko kay San Andres
Ayon sa tradisyon, dinarasal nang 15 beses bawat araw mula Nobyembre 30 hanggang Bisperas ng Pasko.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Juan de Kanty, Pari

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Pagsilang at Pagpapangalan kay San Juan Bautista ni Barent Fabritius, mula sa Städel Museum, Frankfurt am Main