Tagalog

Halikayo, at Makikita Ninyo

Huwebes, Enero 4, 2024

Paggunita kay Santa Elizabeth Ann Seton, relihiyosa [In the Dioceses of the United States]

Mga Pagbasa Ngayon

Video

Sinabi nila sa Kanya, “Rabbi” (na ang ibig sabihin ay Guro), “saan po Kayo nanunuluyan?” Sinabi Niya sa kanila, “Halikayo, at makikita ninyo.” Kaya sumama sila at nakita kung saan Siya nanunuluyan, at nanatili silang kasama Niya nang araw na iyon. John 1:38–39

Kaymakabuluhan ng pag-uusap na ito. Si Andres ay isa sa dalawang alagad ni Juan Bautista na nakarinig kay Juan na nagsabing si Hesus ang “Kordero ng Diyos.” Dahil dito, iniwan ni Andres at ng isa pang alagad si Juan Bautista at nagsimulang sumunod sa paglakad ni Hesus. Nang magsimula silang sumunod kay Hesus, lumingon Siya sa kanila at tinanong kung ano ang kanilang hinahanap. Ang kanilang tugon, na sinundan ng paanyaya ni Hesus, ay nakatala sa itaas.

Natatangi ang paanyaya ni Hesus: “Halikayo, at makikita ninyo.” Sa paanyayang iyon, sumama ang dalawang alagad at nanatiling kasama ni Hesus nang araw na iyon. Ngunit hindi lamang iyon ang nangyari. Malinaw sa kasunod na talata na sa maghapong pakikisama nila kay Hesus, sumampalataya ang dalawang alagad na ito sa kung sino Siya. Sa bandang huli ng talata, pinuntahan ni Andres ang kanyang kapatid na si Pedro upang sabihin sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesiyas.” Ano kaya sa maghapon nilang kasama si Hesus ang nagpatibay sa kanilang pagkilala kung sino Siya?

Bagaman hindi nakasaad sa Ebanghelyo ang mga detalye ng pananatili nila kay Hesus, waring malinaw na ang makapiling lamang si Hesus ang tanging kailangan ng mga alagad na ito. Muling pagnilayan ang dalawang bahagi ng paanyaya ni Hesus: “Halikayo…” na sinusundan ng “at makikita ninyo.”

Kapag nangungusap ang ating Panginoon sa bawat isa sa atin, ganito rin ang Kanyang paanyaya. Una, aanyayahan Niya tayong sumama sa Kanya. Dapat tayong pumunta sa lugar kung saan nanunuluyan si Hesus. Nasaan iyon? Para sa atin, hindi ito kailangang maging isang pisikal na lugar; sa halip, ito ay una sa lahat isang lugar ng panalangin. Dapat nating marinig ang paanyaya ni Hesus na lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng panloob na paglalakbay ng personal na panalangin. Doon, sa kaibuturan ng ating kaluluwa, tayo magpapahinga kapiling ng ating Panginoon. Inaanyayahan Niya tayong manatili lamang doon sa Kanyang banal na presensiya.

Kapag lumapit tayo sa Kanya at nagpahingang kapiling Niya sa Kanyang presensiya, may isa pang mangyayari: “at makikita ninyo.” Makikita natin Siya, makikilala Siya, maliliwanagan sa pamamagitan Niya, at sasampalataya sa Kanya. Sa simula, nangyayari ito sa pamamagitan ng Kanyang binigkas na Salita. Sa huli, nagaganap ito sa pamamagitan ng isang panloob na paghahayag na matatanggap lamang natin sa panalangin.

Pagnilayan ngayon ang magiliw na paanyayang ito ng ating Panginoon sa mga alagad na ito. Habang pinagninilayan mo ang mga salitang ito, pakinggan mong ipinahahayag din ang mga ito sa iyo. Sa simula, maglaan ng panahon upang pagnilayan lamang ang salitang “halikayo.” Hayaan mong tumagos ito sa iyong kaluluwa. Hayaan mong maging lubos na personal para sa iyo ang paanyayang ito. Alamin mong ito ay isang tunay at mapagmahal na paanyaya mula kay Hesus. Pagkatapos, sikaping maglaan ng panahon upang pagnilayan ang mga salitang “at makikita ninyo.” Ano ang nais ng Diyos na makita mo? Anong personal na paghahayag ng pananampalataya ang nais ipagkaloob sa iyo ng Diyos? “Halikayo, at makikita ninyo.” Hayaan mong baguhin ng mga salitang ito ang iyong buhay, kung paanong binago ng mga ito ang buhay ng mga unang alagad na ito ng ating Panginoon.

Panginoon, patuloy Mo akong inaanyayahang lumapit sa Iyo, makasama Ka, at maupong kasama Mo sa Iyong dibinong presensya. Tulungan Mo po akong marinig ang magiliw na paanyayang ito ng Iyong pag-ibig. Sa pakikinig ko rito, buksan Mo po ang mga mata ng aking kaluluwa upang mas lubos Kitang makita, makilala, at mahalin. At habang nakikita Kita, pagkalooban Mo ako ng biyaya at lakas na sumunod sa Iyo saan Mo man ako akayin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Bago para sa 2024!

Mga Santo at mga Kapistahan sa Taong Liturhiko
Mga Tomo Isa–Apat

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – Santa Elizabeth Ann Seton, Relihiyosa

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: San Andres, ang Unang Tinawag, mula sa flickr