Tagalog

Dalawang Paglilinis

Marso 3, 2024
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (Taon B)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
Paunawa: Kapag ginaganap ang mga Pagsusuri sa Misa, maaaring gamitin ang pagninilay at mga pagbasa para sa Taon A bilang kapalit nito.

Video

Gumawa Siya ng isang panghagupit mula sa mga lubid at itinaboy silang lahat palabas ng bakuran ng Templo, pati ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos Niya ang mga barya ng mga nagpapalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa. Sinabi Niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga ito, at huwag ninyong gawing pamilihan ang bahay ng Aking Ama.”  John 2:15–16

Isinasalaysay ng lahat ng apat na Ebanghelyo ang paglilinis ni Hesus sa Templo. Gayunman, may pagkakaiba sa paglalarawan ng pangyayaring ito sa mga Ebanghelyong Sinoptiko (Mateo, Marcos at Lucas) at sa Ebanghelyo ni Juan. Sa Ebanghelyo ni Juan, naganap ito sa pinakasimula ng hayagang ministeryo ni Hesus, sa una sa Kanyang tatlong taunang paglalakbay sa Jerusalem para sa Paskuwa. Ito ang Kanyang unang pagtatangkang linisin ang Templo. Hindi rin gaanong matindi ang pagsaway ni Hesus sa salaysay ni Juan; sinabi lamang Niya na ginawang “pamilihan” ng mga nagpapalit ng salapi ang Bahay ng Kanyang Ama. Sa tatlong Ebanghelyong Sinoptiko, naganap ito sa pinakadulo ng hayagang ministeryo ni Hesus, wala pang isang linggo bago ang Kanyang kamatayan, nang bumalik Siya sa Jerusalem sa huling pagkakataon. Sa mga salaysay na iyon, mas matindi ang pagsaway ni Hesus; sinabi Niyang ginawang “pugad ng mga magnanakaw” ng mga nagpapalit ng salapi ang Bahay ng Kanyang Ama, at hindi lamang isang “pamilihan.” Sa kanilang pagtalakay sa mga pagkakaiba ng salaysay ni Juan at ng mga Ebanghelyong Sinoptiko, naniniwala sina San Agustin at Santo Tomas de Aquino na ang mga ito ay dalawang magkaibang pagkakataon kung kailan naganap ang magkatulad na paglilinis sa Templo.

Noong panahon ng hayagang ministeryo ni Hesus, ang Templo ng mga Judio ang pinupuntahan ng mga tao taun-taon tuwing Paskuwa upang maghandog ng isang korderong walang kapintasan bilang paggunita sa unang Paskuwa sa Ehipto, nang palayain ng Diyos ang mga Judio mula sa pagkaalipin. Sa taunang pagdiriwang na ito, bumibili ng isang korderong ihahandog ang mga pamilyang Judio na naglalakbay patungong Jerusalem. Sa takdang oras, kinakatay nila ang hayop sa patyo ng Templo at pagkatapos ay inihaharap ito sa pari, na kumukuha ng kaunting dugo at nagwiwisik nito sa altar, at saka nag-aalis ng balat, mga laman-loob at taba upang sunugin bilang handog. Ibinabalik ang karne sa pamilya at iniihaw sa isang sanga ng punong granada upang mapagsaluhan nila ito habang ginugunita ang pagliligtas na ipinagkaloob ng Diyos sa kanilang mga ninuno sa Ehipto.

Sa ngayon, nakikita natin ang Templo ng mga Judio bilang isang sagisag at paunang larawan ni Kristo, ang Bagong Templo na Siya ring pari at Korderong inihahandog. Alalahanin din na sa pagkamatay ni Hesus, ang tabing ng Templo ay nahati sa dalawa, na nagbukas dito sa buong daigdig upang ang lahat ay makabahagi sa Sakripisyo ng Kordero ng Diyos. Inaanyayahan na tayo ngayong pumasok sa Dakong Kabanal-banalan na ito upang makabahagi sa bagong buhay ng biyaya na dulot ng Kanyang Sakripisyo. Yamang ang biyaya ng Sakripisyong ito ng ating Panginoon ay pumapasok sa bawat pusong sumasampalataya upang maglinis at magpadalisay, ang bawat taong tumatanggap ng biyayang ito ay nagiging bagong tahanan ng Diyos, isang kasapi ng Kanyang bagong Templo, ang Katawan ni Kristo.

Nang dumating si Jesus sa kapistahan ng Paskuwa at masaksihan ang pagbili at pagbebenta ng mga hayop na ito sa Templo, buong sigasig Niya silang itinaboy. Malinaw na ang banal na pagdiriwang na ito ng Paskuwa ay hindi na gaanong pagdiriwang ng pananampalataya kundi higit na isang pamilihan para sa pagkakakitaan. Ang ginawa ni Jesus ay sagisag din ng marubdob na sigasig Niya ngayong linisin ang templo ng iyong kaluluwa. Sa simula, kapag laganap ang kasalanan at kaguluhan sa ating mga kaluluwa, maaaring banayad na pagsaway ang gamitin ng ating Panginoon, gaya ng ginawa Niya sa Kanyang unang paglilinis sa Templo sa Ebanghelyo ni Juan. Kung magpapatuloy tayo sa ating mga kasalanan, magiging higit na marubdob ang ating Panginoon sa Kanyang paglilinis, gaya ng ginawa Niya sa Kanyang huling pagtatangkang linisin ang Templo noong linggo bago Siya namatay.

Pagnilayan mo ngayon ang dalawang ulit na paglilinis ng ating Panginoon sa Templo sa Jerusalem, at iugnay mo ngayon sa iyong sariling kaluluwa ang mga banal na pagkilos na ito ni Jesus. May mga bago ka bang kasalanang nagawa kamakailan na nangangailangan ng banayad na pagsaway ng ating Panginoon? May mga kasalanan bang ilang taon nang ipinakikita sa iyo ni Jesus ngunit mapagmatigas mo pa ring ipinagpapatuloy? Hayaan mo Siyang sawayin ka nang may pagmamahal at linisin ka upang tunay kang dalisayin ng Kanyang nagliligtas na Sakripisyo bilang Kordero ng Diyos, at hayaan mong “lumampas” sa iyo ang Kanyang paghatol at poot ngayong Kuwaresma.

Panginoon kong naglilinis, nilinis Mo ang Templo ng Jerusalem hindi lamang minsan, kundi dalawang ulit. Malinaw ang Iyong marubdob na sigasig para sa kadalisayan ng pagsamba roon. Pumarito Ka sana at gawin Mong tahanan ang aking kaluluwa ngayon, at linisin Mo ako sa lahat ng kasalanan. Tulungan Mo akong makita lalo na kung paano ako nanatiling mapagmatigas sa aking kasalanan, at linisin Mo sana nang buong sigasig ang mga kasalanang iyon. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Pagninilay para sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma:
40 Araw sa Ilang

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – Santa Katharine Drexel, Birhen
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita ngayong taon sapagkat tumapat ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristo na Naglilinis ng Templo, mula sa flickr