Tagalog

Pagpapatawad Mula sa Puso

Marso 5, 2024
Martes ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Lumapit si Pedro kay Hesus at nagtanong, “Panginoon, kung magkasala sa akin ang aking kapatid, ilang ulit ko siyang dapat patawarin? Hanggang pitong ulit po ba?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi Ko sa iyo, hindi pitong ulit kundi pitumpu’t pitong ulit.” Matthew 18:21–22

Mahirap magpatawad sa kapwa. Mas madaling manatiling galit. Ang mga salitang sinipi sa itaas ay ang pambungad sa Talinhaga ng Lingkod na Ayaw Magpatawad. Sa talinhagang iyon, nililinaw ni Jesus na kung nais nating tumanggap ng kapatawaran mula sa Diyos, kailangan din nating magpatawad sa kapwa. Kung ipinagkakait natin ang kapatawaran, makatitiyak tayong ipagkakait din ito sa atin ng Diyos.

Maaaring inakala ni Pedro na napakabukas-palad na niya sa tanong niya kay Jesus. Malinaw na pinag-iisipan ni Pedro ang mga turo ni Jesus tungkol sa pagpapatawad at handa na siyang humakbang tungo sa malayang pagkakaloob ng kapatawarang iyon. Ngunit nililinaw ng sagot ni Jesus kay Pedro na ang pagkaunawa ni Pedro sa pagpapatawad ay malayong-malayo sa pagpapatawad na hinihingi ng ating Panginoon.

Sa talinhagang isinalaysay ni Jesus pagkatapos nito, ipinakilala Niya sa atin ang isang lalaking pinatawad sa napakalaking utang. Pagkaraan, nang makatagpo ng lalaking iyon ang isang taong may maliit na utang sa kanya, hindi niya ipinagkaloob ang kapatawarang ipinagkaloob sa kanya. Dahil dito, nagalit nang matindi ang amo ng lalaking pinatawad sa napakalaking utang at muli nitong hiningi ang buong kabayaran ng utang. At tinapos ni Jesus ang talinhaga sa isang nakagugulat na pahayag. Sinabi Niya, “Kaya sa galit ng kanyang amo, ipinasa siya nito sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran niya ang buong utang. Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo ang inyong kapatid mula sa inyong puso.”

Pansinin na ang pagpapatawad na inaasahan ng Diyos na ipagkaloob natin sa kapwa ay yaong nagmumula sa puso. At pansinin na ang hindi natin pagpapatawad ay hahantong sa pagkakapasa sa atin “sa mga tagapagpahirap.” Mabibigat ang mga salitang ito. Sa salitang “mga tagapagpahirap,” dapat nating maunawaan na ang kasalanan ng hindi pagpapatawad sa kapwa ay nagdudulot ng matinding pagdurusa sa kalooban. Kapag kinikimkim natin ang galit, “pinahihirapan” tayo ng pagkilos na ito sa isang partikular na paraan. Laging ganito ang epekto sa atin ng kasalanan, at ito ay para sa ating ikabubuti. Isa itong paraan ng patuloy na paghamon sa atin ng Diyos na magbago. Kaya ang tanging paraan upang makalaya sa ganitong pagpapahirap ng ating kasalanan sa ating kalooban ay ang pagdaig sa kasalanang iyon, at sa pagkakataong ito, ang pagdaig sa kasalanan ng pagkakait ng kapatawaran.

Pagnilayan ngayon ang panawagan ng Diyos sa iyo na magpatawad nang lubusan. Kung nakadarama ka pa rin ng galit sa iyong puso laban sa kapwa, patuloy mong sikaping mapatawad siya. Magpatawad nang paulit-ulit. Ipanalangin mo ang taong iyon. Iwasang husgahan o hatulan siya. Magpatawad, magpatawad, magpatawad, at ipagkakaloob din sa iyo ang masaganang awa ng Diyos.

Aking mapagpatawad na Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo dahil sa di-matarok na lalim ng Iyong awa. Nagpapasalamat ako sa Iyong kahandaang patawarin ako nang paulit-ulit. Nawa’y pagkalooban Mo ako ng pusong karapat-dapat sa kapatawarang iyon sa pamamagitan ng pagtulong sa akin na patawarin ang lahat nang gayon din kalubos ng pagpapatawad Mo sa akin. Pinatatawad ko ang lahat ng nagkasala sa akin, mahal kong Panginoon. Tulungan Mo akong patuloy na gawin ito mula sa kaibuturan ng aking puso. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Pagninilay sa Ikalabingwalong Araw:
40 Days in the Desert & 40 Days at the Cross

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristo at ang Kanyang mga Alagad Habang Patungo sa Emaus ni Pieter Cock van Aelst