Tagalog

Mapag-isa Kasama si Jesus

Mayo 21, 2024
Martes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Cristóbal Magallanes, Pari at Martir, at mga Kasama, mga Martir—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Video

Umalis doon si Jesus at ang Kanyang mga alagad at naglakbay sa Galilea, ngunit ayaw Niyang may makaalam nito. Sapagkat tinuturuan Niya ang Kanyang mga alagad at sinasabi sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin nila Siya, at tatlong araw pagkatapos ng Kanyang kamatayan ay muling mabubuhay ang Anak ng Tao.” Marcos 9:30–31

Bakit kaya ayaw ni Jesus na may makaalam na Siya at ang Kanyang mga alagad ay naglalakbay sa Galilea noong panahong iyon? Tila ang dahilan ay lubos na nakatuon si Jesus sa pagtuturo sa Kanyang mga alagad tungkol sa Kanyang nalalapit na pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay. Inilalahad sa atin ng Ebanghelyo ngayon ang tatlong pagkakataong tinuruan ni Jesus ang Kanyang mga alagad nang sarilinan, tuwiran at malinaw: una, habang sila ay naglalakbay; ikalawa, nang dumating sila sa Capernaum at pumasok sa isang bahay; at ikatlo, nang tumawag si Jesus ng isang bata upang lumapit sa Kanya. Bagama’t mahalaga ang nilalaman ng itinuro ni Jesus sa Kanyang mga alagad, makatutulong din na pagnilayan muna ang simpleng katotohanang naglaan si Jesus ng panahon upang makapagsarili kasama ang mga alagad at turuan sila.

Sa maraming paraan, gayundin ang ginagawa sa atin ng ating Panginoon. Patuloy tayong inaanyayahan ni Jesus na mapag-isa kasama Niya sa iba’t ibang paraan upang mapakinggan natin ang lahat ng nais Niyang ituro sa atin. Mahirap ito para sa marami sa ngayon. Napakaraming tao ang walang tigil na dinudumog ng sari-saring ingay ng mundo, palaging nagagambala ng panandalian at lumilipas na mga karanasan, at nahihirapang lumayo upang mapag-isa kasama ang ating Panginoon at maturuan Niya sila ng pinakamahahalagang aral sa buhay.

Habang sinusuri mo ang iyong mga gawain sa bawat linggo, gaano karaming oras ang inilalaan mo upang mapag-isa kasama ang ating Panginoon? Gaano karaming oras ang ginugugol mo sa pananalangin, sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan at sa tahimik na pagninilay na malayo sa iba pang mga nakagagambala? Para sa marami, isa itong hamon.

Makatutulong ding isaalang-alang ang nilalaman ng itinuro ni Jesus sa Kanyang mga alagad nang sarilinan. Sinabi Niya sa kanila ang tungkol sa Kanyang nalalapit na pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay. Ito ang pangunahing layunin ng Kanyang buhay at malinaw na isang bagay na nais ipabatid ni Jesus sa Kanyang mga alagad. Pansinin din na nagsalita si Jesus nang napakatuwiran at hindi gumamit ng anumang talinghaga habang ipinapaliwanag Niya ito. Ihambing ito sa maraming talinghagang isinalaysay Niya sa mga tao. Tila kapag nakapagsasarili si Jesus kasama ang mga nagtalaga ng kanilang buhay sa pagsunod sa Kanya nang may pananampalataya, naipahahayag Niya ang Kanyang mensahe ng kaligtasan nang mas malinaw at tuwiran.

Pagnilayan mo ngayon ang katotohanang nais ng ating Panginoon na akayin ka paminsan-minsan tungo sa katahimikan at pag-iisa. Nais Niyang maglaan ng panahon na ikaw lamang ang kasama. Lalo itong totoo para sa mga nagpasiyang lubusang italaga ang kanilang buhay sa Kanya at sa Kanyang misyon. Kung isa ka sa kanila, hanapin mo ang mga sandaling ito ng pag-iisa kung kailan mas malinaw at tuwirang makapangungusap sa iyo ang ating Panginoon upang lumalim ang iyong pananampalataya at lubhang lumawak ang iyong pag-unawa at kaalaman.

Panginoon, napakarami Mong nais sabihin, ituro, at ihayag. Sa pagpili kong sumunod sa Iyo at ialay ang buo kong buhay sa Iyo, dalangin kong patuloy Mo akong akayin tungo sa mas malalim na katahimikan at pag-iisa upang matanggap ko mula sa Iyo ang malalalim, malinaw, at tuwirang mensaheng kailangan kong marinig, maunawaan, at paniwalaan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Cristobal Magallanes, Pari at Martir, at mga Kasamang Martir

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: mula sa flickr