Tagalog

Sigasig at Determinasyon

Hulyo 21, 2024
Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon B)
Mga Pagbasa Ngayon

Video

Pagbaba Niya sa bangka, nakita Niya ang napakaraming tao, at nahabag Siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol; at sinimulan Niya silang turuan ng maraming bagay. Mark 6:34

Parehong puspusang nagpagal si Hesus at ang Labindalawang Apostol. Nagsagawa ng misyon ang Labindalawa sa marami sa mga kalapit na bayan, na nangangaral, nagpapagaling ng mga maysakit, at nagpapalayas ng mga demonyo. Nang matapos ang kanilang misyon, bumalik sila kay Hesus at ibinalita ang lahat ng kanilang ginawa. Inanyayahan naman sila ni Hesus, “Halikayo sa isang ilang na lugar na kayo-kayo lamang at magpahinga muna nang kaunti.” Ngunit nabalitaan ng mga tao ang kanilang pag-alis sakay ng bangka at dali-daling nagtungo sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea upang mauna silang makarating doon kaysa kay Hesus at sa Labindalawa.

Ipinahahayag ng siping nasa itaas ang nadama ni Hesus sa Kanyang puso para sa mga tao nang bumaba Siya at ang Labindalawa mula sa bangka. Bagaman sinikap nilang magkakasamang pumunta sa isang tahimik na lugar upang magpahinga, determinado ang mga tao na makasama sila. Siyempre, hindi nagalit si Hesus dahil nahadlangan ng mga tao ang hangarin Niyang magkaroon ng tahimik na sandali kasama ang Labindalawa. Sa halip, napuspos ng habag ang Kanyang puso. Nakita Niyang naghahangad pa ng higit ang mga tao at na sila ay “parang mga tupang walang pastol.” Dahil dito, agad silang sinimulang busugin ni Hesus ng Kanyang mga aral.

Isang mahalagang puntong mapagninilayan sa siping ito ang paglalarawan sa mga nagtipon bilang “napakaraming tao.” Mula sa kasunod na salaysay sa Ebanghelyo ni Marcos, nalaman nating matapos silang turuan ni Hesus ng maraming bagay, ginawa Niya ang himala ng pagpaparami ng isda at tinapay at pinakain ang 5,000 lalaki, hindi pa kabilang ang mga babae at mga bata. Dahil tinatayang ang proporsiyon noon ng mga lalaking nasa hustong gulang sa mga babae at mga bata ay hindi bababa sa 5:1, maaaring umabot sa 25,000 katao ang naroon. Para sa isang pagtitipon ng mga taong kusang nagtipon sa isang liblib na lugar sa tabi ng Dagat ng Galilea, napakalaki ng bilang na iyon. Lalo itong kapansin-pansin sapagkat tinatayang mga 1,500 katao lamang ang naninirahan noon sa Capernaum. Dumagsa ang mga tao sa ating Panginoon mula sa napakalalayong lugar.

Ipinakikita sa atin ng napakalaking pagtitipong ito ng mga taong kusang dumating ang pananabik na pinukaw ni Hesus sa puso ng napakarami. Ang ilan sa kanila ay nakarinig na kay Hesus na magsalita at nakasaksi na sa Kanyang mga himala. Ang iba naman ay yaong katatapos lamang pangaralan ng Labindalawa sa mga nakapaligid na nayon. Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, malinaw at kapani-paniwalang nagsalita ang Labindalawa tungkol kay Hesus, at maraming tao ang tumugon, na nagnanais na higit pang makilala ang ating Panginoon.

Habang pinagninilayan mo ang pananabik ng napakaraming tao, subukan mong ihambing iyon sa sarili mong pananabik para kay Hesus. Nauudyukan ka bang hanapin Siya taglay ang gayunding marubdob na pagnanais at sigasig na nag-alab sa mga unang tagasunod na ito? O napapansin mong kung minsan ay kulang ang iyong sigasig at pananabik? Ang napakaraming taong ito, sa kanilang sigasig at determinasyong hanapin ang ating Panginoon, ay dapat magsilbing inspirasyon at mag-udyok sa ating lahat na suriin ang ating sarili.

Pagnilayan mo ngayon ang napakaraming taong ito. Subukan mong ilarawan ang iyong sarili na sumasama sa kanila. Isipin mong labis kang naantig ng pangangaral ng mga Apostol anupat nakatuon na lamang ang iyong buong pagpapasiya sa hangaring mabusog ng banal na aral ni Hesus. Kung mahirap para sa iyo na isiping ganito ka kumikilos, mapagpakumbaba mong aminin na maaaring kailangan mo ng higit na sigasig para kay Hesus sa iyong buhay. Ipanalanging mag-alab sa iyong kalooban ang mga banal na hangaring ito, at gawin ang lahat ng iyong makakaya upang pagyamanin ang gayong sigasig.

Mahabagin kong Panginoon, hinanap Ka ng napakaraming tao upang makinig sa Iyo at mabusog ng Iyong banal na Salita. Nag-alab sa kanilang puso ang pagnanais na makasama Ka, at tumugon Ka sa kanila nang may dakilang awa. Punuin Mo po ang aking puso ng gayunding sigasig at pagnanais para sa Iyo. Turuan Mo ako, Panginoon, busugin Mo ako at ilapit sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Lorenzo ng Brindisi, Pari at Pantas ng Simbahan
Hindi ipinagdiriwang bilang paggunita sa liturhiya ngayong taon dahil pumapatak ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Himala ng mga Tinapay at Isda, mula sa flickr