Tagalog

Pagtitiyaga sa Mapagpakumbabang Pananampalataya

Agosto 7, 2024
Miyerkules ng Ikalabingwalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Sixto II, Papa at Martir, at mga Kasamang Martir—Paggunita Kung Nais

San Cayetano, Pari—Paggunita Kung Nais

Video

Noong panahong iyon, umalis si Jesus at nagtungo sa lupain ng Tiro at Sidon. At narito, isang babaeng Cananea mula sa lupaing iyon ang lumapit at sumigaw, “Maawa po kayo sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang aking anak na babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” Ngunit hindi Siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Mateo 15:21–23

Ang lupain ng Tiro at Sidon ay hindi teritoryo ng mga Judio. Sinasabing ang mga tao roon ay mga inapo ni Cain, ang anak nina Adan at Eva na pumatay sa kanyang kapatid na si Abel at ipinatapon. Siya at ang kanyang mga inapo ay nanirahan sa lupain ng Tiro at Sidon at hindi mga tagapagmana ng pananampalatayang ipinagkaloob sa pamamagitan nina Abraham, Moises, at ng mga propeta, kaya sila ay mga Hentil. Mula sa Galilea, naglakad si Jesus at ang Kanyang mga alagad nang humigit-kumulang 40 milya patungo sa lupaing ito upang makaiwas kay Herodes at sa mga Pariseong naghahangad na patayin Siya. Habang naroon, nilayon ni Jesus na huwag mapansin, ngunit kumalat ang balita na naroon Siya, at lumapit sa Kanya ang babaeng Cananeang ito upang magsumamong pagalingin Niya ang kanyang anak na babae.

Sa una, nakapagtataka na nanatiling tahimik si Jesus. Lumapit ang babae sa Kanya nang may malalim na pananampalataya at pagtitiwala, ngunit hindi Niya siya agad sinagot. Nais ng Kanyang mga alagad na tumigil na ang babae sa panggugulo sa kanila, at nang lumaon ay tumugon si Jesus mismo sa kanya at sinabing ang Kanyang misyon sa panahon ng Kanyang hayagang ministeryo ay para sa “mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel,” ibig sabihin, sa mga Judio. Siyempre, kalaunan ay palalawakin ni Jesus ang Kanyang misyong ipinagkatiwala sa mga Apostol upang isama ang mga Hentil. Ngunit sa simula, ang misyon ni Jesus ay para sa mga inapo ni Abraham.

Sa pagbasa natin sa salaysay na ito ngayon, malinaw na dahil sa kalinga at paggabay ng Diyos kaya lumapit ang babaeng ito kay Jesus sa gayong paraan. Inakay siya ng Ama patungo kay Jesus, at nakipag-usap sa kanya si Jesus, hindi upang maging bastos o ipagwalang-bahala siya, kundi upang bigyan siya ng pagkakataong maipamalas ang pananampalatayang malinaw na kulang sa buhay ng marami.

Sa ating buhay, may mga pagkakataong tila tahimik ang Diyos. Ngunit kung Siya ay tahimik, dapat nating malaman na may mabuting dahilan ito. Hindi tayo kailanman binabalewala ng Diyos; sa halip, ang Kanyang katahimikan ay isang paraan upang lalo tayong mapalapit sa Kanya kaysa kung agad Siyang mangungusap nang “malakas at malinaw,” wika nga. Ang katahimikan ng Diyos ay hindi nangangahulugang hindi Niya tayo kinalulugdan. Kadalasan, tanda ito ng Kanyang pagkilos na nagpapadalisay sa atin at umaakay sa atin tungo sa higit na ganap na pagpapamalas ng ating pananampalataya.

Tungkol naman sa babaeng Hentil, di-tulad ng marami sa mga Judio, ipinamalas niya ang pananampalatayang si Jesus ang Mesiyas. Makikita ito sa pagtawag niya sa Kanya na “Anak ni David.” Ipinahayag niya sa napakasimple at malinaw na mga salita ang kanyang pagtitiwala sa kakayahan ni Jesus na pagalingin ang kanyang anak na babae. Hindi niya kailangang ipakitang karapat-dapat siya sa Kanyang tulong, sapagkat ang kanyang pagtitiwala sa Kanya lamang ang kailangan. Bukod dito, nagtiyaga siya sa kanyang panalangin. Una, tahimik si Jesus. Pagkatapos, sinikap ng Kanyang mga alagad na paalisin siya. At pagkatapos, tila tinanggihan ni Jesus ang kanyang kahilingan. Ang lahat ng ito ay hindi humantong sa panghihina ng kanyang loob kundi sa pagtitiyaga at pag-asa. At ang pag-asang iyon ay may pambihirang pagpapakumbaba rin. Natupad ang layunin ni Jesus na bigyan siya ng pagkakataong palalimin ang kanyang pananampalataya at maipamalas ito upang makita ng lahat.

Pagnilayan mo ngayon ang mga katangian ng panalangin ng babaeng ito. Sikapin mong tularan siya sa pamamagitan ng pagkilala muna sa katotohanan kung sino si Jesus. Siya ang Mesiyas, ang Anak ni David, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan, ang Diyos na Nagkatawang-tao, at higit pa rito. Ang pagsasaisip kung sino talaga si Jesus ay isang napakagandang paraan upang simulan ang pananalangin. Mula roon, gawin mong payak, malinaw at mapagpakumbaba ang iyong panalangin. Huwag mong ilahad ang iyong mga kagustuhan; ilahad mo ang iyong mga pangangailangan. Ano ang kailangan mo mula sa Tagapagligtas ng Sanlibutan? Siyempre, higit na alam ng Diyos kaysa sa atin ang ating mga pangangailangan, ngunit ang paghingi ay isang pagpapahayag ng pagtitiwala, kaya humingi ka. Panghuli, magtiyaga ka. Huwag kang panghinaan ng loob sa pananalangin. Manalangin nang buong alab, walang humpay at walang pag-aalinlangan. Magpakumbaba ka sa harap ng walang-hanggang kapangyarihan at awa ng Diyos, at gawin mo ito nang walang tigil. Lagi namang tutugunin ng Diyos ang iyong panalangin ayon sa Kanyang banal na kalooban.

Aking Panginoong Tagapagligtas, tunay na Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ni David, ang Anak ng Diyos. Ikaw at Ikaw lamang ang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, kaluwalhatian at papuri. Habang nakikilala ko kung sino Ka talaga, puspusin Mo po ako ng malalim na pagtitiwala at di-natitinag na pananampalataya sa Iyo. Nawa’y magtiyaga ako sa lahat ng bagay at hindi kailanman tumigil sa paglalagak ng lahat ng aking pag-asa sa Iyo. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw –

San Sixto II, Papa at Martir, at mga Kasama, mga Martir

San Cayetano, Pari

San Cayetano, Pari

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Cristo at ang babaeng taga-Canaan ni Pieter Lastman, mula sa Wikimedia Commons