Setyembre 17, 2024
Martes ng Ikadalawampu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Roberto Bellarmino, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang
Santa Hildegarda ng Bingen, Birhen at Pantas ng Simbahan—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Pumunta si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain, at sumama sa Kanya ang Kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na Siya sa pintuang-bayan, inilalabas ang isang lalaking namatay, ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, na isang biyuda. Kasama ng babae ang maraming tao mula sa bayan. Lucas 7:11–12
Sikaping ilarawan sa iyong isip ang inang ito. Nag-asawa siya, nagkaroon sila ng anak ng kanyang asawa, at pinalaki nila ang kanilang anak. Nasaksihan nilang mag-ina ang pagkamatay ng kanyang asawa. Pagkatapos, nasaksihan din niya ang pagkamatay ng kanyang anak at ngayo’y nakikiisa siya sa paglilibing dito. Dahil ito ang kanyang nag-iisang anak na lalaki, nag-iisa na siya ngayon.
Kapag iniisip natin ang babaeng ito, madaling makadama ng habag sa kanya. Tiyak na puspos ng dalamhati ang kanyang puso—isang dalamhating madarama ng sinumang marunong makiramay. Maaaring puspos din ng takot ang kanyang puso. Noong panahong iyon, napakahirap para sa isang biyuda na tustusan ang sariling pangangailangan sa isang nayon. Dahil wala na ang kanyang asawa, kailangan niyang umasa sa kanyang anak upang tustusan siya sa kanyang pagtanda. Ngunit ngayong wala na rin ito, hindi lamang sakit ng pangungulila ang madarama ng kanyang puso, kundi pati takot para sa kanyang kinabukasan. Ano na ang mangyayari sa kanya? Sino ang maglalaan ng kanyang pagkain sa mga darating na taon? Mauuwi ba siya sa pamamalimos at karalitaan?
Sa gitna ng tunay na dalamhati at takot na ito pumasok si Jesus sa kanyang buhay. Hindi natin alam kung may nalalaman siya tungkol kay Jesus. Tila hindi siya isa sa Kanyang mga tagasunod at maaaring ni hindi pa niya narinig ang tungkol kay Jesus, sapagkat hindi pa katagalan noon nang simulan Niya ang Kanyang hayagang ministeryo. Ang pagtatagpo ni Jesus at ng babae kasama ang patay nitong anak ay tila hindi planado at hindi inaasahan. Ano ang nag-udyok kay Jesus na buhayin ang lalaking ito mula sa mga patay? Tila hindi ito tugon sa pananampalataya ng sinuman sa nayon. Hindi rin ito ginawa dahil may humiling. Sa halip, tila ginawa ito dahil lamang sa habag ni Jesus sa inang ito. Ganiyan man lamang ang dating nito sa unang pagbasa. At bagama’t malinaw na kumilos si Jesus dahil sa habag sa kanya, kung isasaalang-alang natin ang buong konteksto, maaaring mayroon ding pangalawang dahilan.
Magkakasamang naglalakad sa bayang ito si Jesus, ang Kanyang mga alagad, at ang napakaraming tao. Yamang karaniwang ginagawa ni Jesus ang Kanyang mga himala bilang tugon sa pananampalataya ng mga tao, malamang na may papel din ang pananampalataya sa himalang ito. Gayunman, ang pananampalatayang nagbunsod sa himalang ito ay maaari lamang nagmula sa mga taong naglalakad kasama ni Jesus mula sa Capernaum. Noong nakaraang araw, nasaksihan mismo ng mga taong ito ang pagpapagaling ni Jesus sa lingkod ng isang senturyon. Malinaw na sumasampalataya sila kay Jesus. Habang naglalakad silang kasama Niya at nasalubong ang prusisyon ng libing na ito, hindi lamang ang puso ni Jesus ang naantig sa habag, kundi pati ang mga puso ng Kanyang mga tagasunod. Kaya naman, habang nasasaksihan ng mga tagasunod ni Jesus ang dalamhati ng inang ito at pagkatapos ay ang sariling dalamhati at habag ni Jesus bilang tao para sa kanya, tiyak na umasa silang may gagawin Siya. Ang kanilang pag-asa ay may pinagmumulang sobrenatural, na nangangahulugang kaisa rin ito ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng pananampalataya, alam nilang kikilos si Jesus. Kaya, sa isang tunay na diwa, ang habag, pag-asa at pananampalataya ng mga taong naglalakbay kasama ni Jesus ang nagbunsod sa Kanyang kapangyarihang walang hanggan na magpagaling, at tumugon si Jesus.
Maraming paraan upang maging mga tagapamagitan ng biyaya ng Diyos. Isa rito ang paglago sa habag sa kapwa at pag-asa sa Diyos. Kapag nasaksihan natin ang pagdurusa ng iba, hinayaan ang ating sarili na mahabag sa kanila, ipinamalas ang pag-asa sa kapangyarihan ng Diyos na magpagaling, at pagkatapos ay nanatili roon nang may pananampalataya, naghihintay na kumilos ang Diyos, mauudyukan ang Diyos na kumilos. Ang ating banal na habag, pag-asa, at pananampalataya ay nagsisilbing panalanging laging tinutugon ng Diyos. Tila ganito ang ginawa ng mga taong kasama ni Jesus sa pagdaan sa nayon ng Nain at, sa inspirasyon ng kanilang patotoo, dapat din tayong mamagitan sa panalangin para sa iba sa gayunding paraan.
Pagnilayan ngayon kung sino sa iyong buhay ang katulad ng biyudang ito ng Nain. Sino ang nais ng Diyos na mapansin mo at kahabagan? Habang napapansin ng iyong pusong marunong makiramay ang mga nangangailangan ng iyong habag, buksan mo rin ang iyong sarili sa higit-sa-kalikás na kaloob ng pag-asa. Magkaroon ng pag-asang mula sa Diyos na pagagalingin Niya sila. Sa paggawa mo nito, hayaang maipamalas ng pag-asang iyon ang pananampalataya sa Diyos, at ialay sa Kanya ang habag, pag-asa, at pananampalatayang iyon bilang iyong panalangin para sa mga nangangailangan.
Panginoong lubos na mahabagin, lagi Mong pinakikinggan ang aming mga pangangailangan at kalungkutan. Ang Iyong Puso ay puspos ng habag para sa lahat. Pagkalooban Mo po ako ng pusong tunay na marunong makiramay upang makita ko ang mga nangangailangan. Habang ginagawa ko ito, puspusin Mo ako ng pag-asa at pananampalatayang ibubuhos Mo ang Iyong awa sa kanila upang ako ay maging tagapamagitan sa panalangin para sa lahat. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mga Santo sa Araw na Ito –
San Roberto Bellarmino, Obispo at Pantas ng Simbahan
Santa Hildegard ng Bingen, Birhen at Pantas ng Simbahan
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Mga Panalangin para sa Halalan at sa Bansa
Siyam na linggong nobena mula Setyembre 3 – Nobyembre 4
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




