Linggo, Oktubre 14, 2018
Ikadalawampu’t Walong Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
San Calixto I, Papa at Martir – Opsiyonal na Paggunita

Nang paalis na si Hesus upang maglakbay, isang lalaki ang tumakbo palapit sa Kanya, lumuhod sa harap Niya, at nagtanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Marcos 10:17
Maganda ang simula ng kuwentong ito. Narito ang isang napakayamang binata na lumapit kay Hesus na may tanong na nakaugat sa pananampalataya. Sa pagtatanong niya kay Hesus kung ano ang dapat niyang gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan, malamang na naniniwala siyang nasa kay Hesus ang sagot. At sa kanyang pananabik, nais niyang magabayan ni Hesus.
Sinabi sa kanya ni Hesus na dapat niyang sundin ang mga Utos, at sumagot ang binata na tinutupad na niya ang mga ito mula pa sa kanyang kabataan. Ngunit may sinabi si Hesus na hindi kailanman inasahan ng binatang ito na maririnig mula sa Kanya. Sinabi Niya, “May isang bagay ka pang kulang. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian, at ibigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos, halika at sumunod ka sa Akin.” Aray! Tiyak na tumimo ito sa puso ng mayamang binata. Nagpatuloy ang talata sa pagsasabing malungkot na umalis ang binatang ito dahil sa sinabi ni Hesus.
Malinaw na nagsimula ang binata nang may mabuting hangarin. Ngunit hindi sapat ang mabuting hangarin. Ang pagsunod kay Hesus at pagkamit ng buhay na walang hanggan ay nangangailangan ng lubos at radikal na pagtatalaga ng bawat bahagi ng ating buhay. Hindi sapat na sabihin kay Hesus na susundin natin ang mga Utos at hanggang doon na lamang. Maaaring sapat iyon para makarating tayo sa Purgatoryo, pero Langit ang dapat nating hangarin! Kung gayon, paano natin makakamit ang Langit?
Makakamit lamang natin ang Langit sa pamamagitan ng isang ganap na buhay. Oo, totoo ito. Kung nais nating makarating sa Langit, kailangan nating maging ganap sa lahat ng bagay sa bandang huli. Kailangang mawala ang bawat pagkakapit sa mga bagay na makamundo at mapagtagumpayan ang bawat kasalanan. Ang mabubuti nating hangarin ay kailangang mauwi sa radikal at ganap na pag-aalay ng ating sarili kay Hesus, na Siya lamang ang ating hinahanap.
Malungkot na umalis ang mayamang binata dahil hindi niya naunawaan na ang paanyaya ni Hesus na ipamigay niya ang lahat ay isa palang pagpapahayag ng pag-ibig. Hindi niya naunawaan na matatagpuan niya ang kaligayahan sa radikal na pagtatalagang ito na sundin si Kristo.
Pagnilayan ngayon ang radikal na tawag ni Hesus sa iyong buhay. Nais Niya ang bawat bahagi ng iyong buhay. Maaaring mabuti ang iyong layunin na sikaping maging mabuti, ngunit handa ka bang sumunod kay Kristo nang lubusan at walang hangganan?
Panginoon, mahal Kita at nais kong lalo Ka pang mahalin. Nais kong mahalin Ka nang buong pagkatao ko. Tulungan Mo akong maunawaan na ang pagsunod sa Iyo ay nangangailangan ng radikal at ganap na pag-aalay ng aking sarili sa Iyo. Nawa’y maging handa ako at kusang bumitaw sa anumang kinakapitan ko sa buhay na humahadlang sa pagsunod ko sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.



