Tagalog

Ang Pinakadakilang Gawa ng Diyos

Biyernes, Agosto 2, 2019

Biyernes ng Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon

Mga Pagbasa Ngayon

San Eusebio ng Vercelli, Obispo, o San Peter Julian Eymard, Pari – Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

At hindi siya gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa dahil sa kakulangan nila sa pananampalataya. Mateo 13:58

Ano ang mga “makapangyarihang gawa”? Ano ang hindi lubusang nagawa ni Hesus sa sarili Niyang bayan dahil sa kakulangan ng mga tao sa pananampalataya? Siyempre, mga himala ang unang pumapasok sa isip. Malamang na hindi Siya nagpagaling ng maraming maysakit, bumuhay ng sinumang patay, o nagparami ng pagkain upang mapakain ang napakaraming tao. Ngunit ito nga ba ang mga makapangyarihang gawang tinutukoy?

Ang tamang sagot ay kapwa “Oo” at “Hindi.” Oo, nalimitahan si Hesus sa paggawa ng mga himala, at tila kakaunti lamang ang ginawa Niya sa sarili Niyang bayan. Ngunit may mga gawa Siyang palaging ginagawa na higit na “makapangyarihan” kaysa sa mga himalang nakikita sa pisikal na daigdig. Ano ang mga iyon? Ang mga iyon ay ang pagbabago ng mga kaluluwa.

Sa huli, ano ang kabuluhan ng maraming himalang ginagawa ni Hesus kung hindi naman nagbabalik-loob ang mga kaluluwa? Aling gawa ang higit na “makapangyarihan” kung ang pag-uusapan ay ang pangmatagalan at makabuluhang bunga nito? Tiyak na ang pagbabago ng mga kaluluwa ang pinakamahalaga!

Ngunit nakalulungkot na hindi rin naganap ang makapangyarihang gawa ng pagbabago ng mga kaluluwa dahil sa kakulangan nila sa pananampalataya. Maliwanag na matigas ang kanilang kalooban at ayaw nilang hayaang tumimo sa kanilang isip at puso ang mga salita at presensya ni Hesus. Dahil dito, hindi nagawa ni Hesus ang pinakadakila sa mga gawa sa sarili Niyang bayan.

Pagnilayan mo ngayon kung gumagawa ba si Hesus ng mga makapangyarihang gawa sa buhay mo. Hinahayaan mo ba Siyang baguhin ka araw-araw upang maging isang bagong nilikha? Hinahayaan mo ba Siyang gumawa ng mga dakilang bagay sa buhay mo? Kung nag-aatubili kang sagutin ang tanong na ito, malinaw na palatandaan iyon na nais ng Diyos na gumawa ng higit pa sa buhay mo.

Panginoon, dalangin kong maging matabang lupa ang aking kaluluwa para sa Iyong pinakadakilang gawa. Dalangin kong magbago ang aking kaluluwa sa pamamagitan Mo, ng Iyong mga salita, at ng Iyong presensya sa buhay ko. Pumasok Ka sa aking puso at baguhin Mo ako upang maging pinakamagandang likha ng Iyong biyaya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo ng Araw – San Eusebio ng Vercelli – San Peter Julian Eymard


Ang Mistikong Paglalakbay Tungo sa Pakikipagkaisa sa Diyos:
Espirituwal na Karunungan mula kay San Juan de la Cruz