Tagalog

Pagbabagong-anyo — Ang Kaluwalhatian ng Diyos!

Martes, Agosto 6, 2019

Kapistahan ng Pagbabagong-anyo ng Panginoon

Mga Pagbasa Ngayon

Pagbabagong-anyo

Isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at ang kapatid nitong si Juan, at dinala silang bukod sa iba sa isang mataas na bundok. At nagbagong-anyo Siya sa harap nila, at ang Kanyang mga damit ay naging nakasisilaw sa kaputian, na hindi kayang paputiin nang gayon ng sinumang tagapaglaba sa lupa. Marcos 9:2-3

Nakikita mo ba ang kaluwalhatian ng Diyos sa iyong buhay? Madalas, talagang mahirap itong makita. Madali nating mapansin ang lahat ng problemang kinakaharap natin, at maaaring doon mapako ang ating pansin. Dahil dito, madalas na hindi natin napapansin ang kaluwalhatian ng Diyos sa ating buhay. Kaya, nakikita mo ba ang kaluwalhatian ng Diyos sa iyong buhay?

Sa kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon, ginugunita natin kung paanong tunay na inihayag ni Hesus ang Kanyang kaluwalhatian sa tatlo sa mga Apostol. Isinama Niya sila sa isang mataas na bundok, at nagbagong-anyo Siya sa harap nila. Siya ay naging nakasisilaw sa kaputian at nagniningning sa kaluwalhatian. Mahalagang maitanim nila sa kanilang isipan ang tagpong ito bilang paghahanda sa tunay na masasaksihan nila: ang pagdurusa at kamatayang malapit nang danasin ni Hesus.

Isa sa mga aral na dapat nating matutuhan sa kapistahang ito ay hindi nawala sa Krus ang kaluwalhatian ni Hesus. Totoong nahayag noon ang Kanyang pagdurusa at sakit, ngunit hindi nito binabago ang katotohanang nanatiling tunay ang Kanyang kaluwalhatian habang nagdurusa Siya sa Krus.

Gayon din sa ating buhay. Biniyayaan tayo nang higit sa masusukat, at hangad pa rin ng Diyos na baguhin ang ating mga kaluluwa upang maging maningning na tanglaw ng liwanag at biyaya. Kapag ginagawa Niya ito, dapat nating sikaping makita sa tuwina ang pagbabagong ito. At kapag nagdurusa tayo o humaharap sa anumang krus, huwag nating alisin kailanman ang ating paningin sa mga dakilang bagay na ginawa Niya sa ating mga kaluluwa.

Pagnilayan mo ngayon ang maganda at malalim na pagbabagong ginawa ng Diyos at patuloy Niyang ninanais na gawin sa iyong kaluluwa. Alamin mong nais Niyang ituon mo ang iyong paningin sa kaluwalhatiang ito at manatiling mapagpasalamat dito magpakailanman, lalo na habang tinitiis mo ang anumang krus na ibinibigay sa iyo.

Panginoon, makita ko nawa ang Iyong kaluwalhatian at ang kaluwalhatiang ipinagkaloob Mo sa aking sariling kaluluwa. Nawa’y manatiling nakatuon sa biyayang iyon ang aking mga mata magpakailanman. Makita ko nawa Ikaw at ang Iyong kaluwalhatian, lalo na sa mga panahon ng pagsubok. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Karagdagang Babasahin — Pagbabagong-anyo ng Panginoon