Tagalog

Kalayaan Mula sa Kalituhang Dulot ng Kasalanan

Enero 22, 2020
Miyerkules ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw

San Vicente, Diyakono at Martir—Opsiyonal na Paggunita
(Ipinagdiriwang tuwing Enero 23 sa USA)

Araw ng Pananalangin para sa Proteksiyon ng Batas sa mga Batang Hindi Pa Isinisilang – Paggunita sa USA

Mahigpit nilang binantayan si Jesus upang makita kung pagagalingin Niya ang lalaki sa araw ng sabbath, nang sa gayon ay may maiparatang sila laban sa Kanya.  Marcos 3:2

Hindi nagtagal ay hinayaan ng mga Pariseo na palabuin ng inggit ang kanilang pag-iisip tungkol kay Jesus.  Gusto ng mga Pariseo na nasa kanila ang lahat ng pansin.  Nais nilang tingalain at parangalan sila bilang mga tunay na tagapagturo ng kautusan.  Kaya nang dumating si Jesus, at marami ang namangha sa awtoridad ng Kanyang pagtuturo, agad Siyang sinimulang pintasan ng mga Pariseo.

Ang malungkot na katotohanang nakikita natin sa kanilang mga kilos ay tila bulag sila sa sarili nilang masamang hangarin.  Dahil sa inggit na pumupuno sa kanila, hindi nila napapansing lubos nang salungat sa katwiran ang kanilang ikinikilos.  Isa itong mahalaga at napakahirap matutuhang aral.

Nililito tayo ng kasalanan, lalo na ng mga kasalanang espirituwal tulad ng kapalaluan, inggit, at galit.  Kaya kapag ang isang tao ay nilamon ng isa sa mga kasalanang ito, malamang na hindi man lamang niya napapansin kung gaano na nawawala sa katwiran ang kanyang pag-iisip.  Tingnan natin ang halimbawa ng mga Pariseo.

Nalagay si Jesus sa isang sitwasyon kung saan pinili Niyang magpagaling ng isang tao sa araw ng Sabbath.  Isa itong gawa ng awa.  Ginawa ito dahil sa pagmamahal sa lalaking ito upang maibsan ang kanyang pagdurusa.  Bagaman isa itong kahanga-hangang himala, ang magulong pag-iisip ng mga Pariseo ay naghahanap lamang ng paraan upang baluktutin ang gawang ito ng awa at palabasing makasalanan.  Nakapanghihilakbot na tagpo!

Bagaman sa simula ay maaaring hindi gaanong nagbibigay-inspirasyon ang bagay na ito bilang paksa ng pagninilay, kailangan natin itong pagnilayan.  Bakit?  Dahil lahat tayo, sa iba’t ibang antas, ay nakikipagbuno sa mga kasalanang tulad nito.  Lahat tayo ay nahihirapang pigilan ang inggit at galit na palihim na makapasok at pumilipit sa paraan ng ating pakikitungo sa kapwa.  Pagkatapos, napakadalas nating pangatwiranan ang ating mga kilos tulad ng ginawa ng mga Pariseo.

Pagnilayan mo ngayon ang lubhang nakalulungkot na tagpong ito.  Ngunit pagnilayan mo ito nang may pag-asang ang masamang halimbawa ng mga Pariseo ay makatutulong sa iyong matukoy ang alinman sa gayunding mga pagkiling sa sarili mong puso.  Ang pagkilala sa mga pagkiling na ito na kanilang pinakikipagbunuan ay dapat makatulong upang mailayo ka sa pagkahulog sa pag-iisip na salungat sa katwiran na bunga ng kasalanan.

Panginoong Hesus, isinasamo kong patawarin Mo ako sa lahat ng aking kasalanan.  Pinagsisisihan ko ang mga ito at idinadalangin kong makita ko ang lahat ng nagpapalabo sa aking pag-iisip at pagkilos.  Palayain Mo ako at tulungan Mo akong mahalin Ka at ang aking kapwa nang may dalisay na pag-ibig na tinatawag akong taglayin.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon