Tagalog

Tinatawag na Umakyat sa Bundok Kasama si Hesus

Enero 24, 2020
Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw

San Francisco de Sales, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Umakyat si Hesus sa bundok at tinawag ang mga nais Niyang makasama, at lumapit sila sa Kanya. Marcos 3:13

Ipinakikita ng talatang ito sa Banal na Kasulatan na tinawag ni Hesus ang Kanyang mga Apostol na umakyat sa bundok upang atasan silang mangaral at magpalayas ng mga demonyo sa Kanyang pangalan. Isang mahalagang aspeto ng talatang ito ang pagtawag ni Hesus sa mga Apostol na “umakyat sa bundok.”

Lahat ng ginawa ni Hesus sa Kanyang buhay ay puspos ng kahulugan. Ang pagkilos Niyang ito ay may malalim na simbolikong kahulugan. Inatasan lamang ang mga Apostol na mangaral at magpalayas ng mga demonyo matapos silang umakyat sa bundok bilang tugon sa paanyaya ni Hesus. Bakit Niya ito ginawa matapos lamang Niyang tawagin ang Kanyang mga Apostol na umakyat sa bundok?

Ang bundok ay simbolo ng ating paglalakbay patungo sa Diyos. Ipinahihiwatig nito na dapat tayong umakyat patungo sa Kanya. At ipinakikita nito na nagiging handa lamang tayong humayo at tuparin ang kalooban ng Diyos matapos muna tayong umakyat upang makipagtagpo sa Kanya.

Ang “bundok” na tinatawag tayong akyatin ay, una sa lahat, ang panalangin. Dapat tayong umakyat araw-araw upang makipagtagpo sa ating Panginoon, na hinahanap Siya sa pamamagitan ng buhay na may malalim na pagsuko ng sarili. Tinatawag tayo ni Hesus na lumapit sa Kanya, kung saan Niya tayo hinihintay upang makasama natin Siya nang sarilinan, habang ninanamnam ang Kanyang maluwalhating presensya.

Kung hindi tayo aakyat sa bundok na iyon kasama ang ating Panginoon, hindi tayo magiging handa upang tuparin ang Kanyang banal na atas. Hindi magiging sapat ang ating kahandaan upang dalhin ang Kanyang pag-ibig at awa sa mundong nangangailangan.

Pagnilayan mo ngayon ang paanyaya ni Hesus na sumunod ka sa Kanya paakyat sa bundok ng panalangin. Tumugon ka sa paanyayang iyon upang maisugo ka Niya na tuparin ang Kanyang banal na utos ng pag-ibig.

Panginoon, buong loob kong tinatanggap ang Iyong maamong paanyayang umakyat sa bundok ng pananampalataya at panalangin.  Hangad kong hanapin Ka at makasama Ka.  Sa pakikipagtagpo ko sa Iyo sa panalangin, ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang makaya kong humayo pagkatapos at tuparin ang Iyong banal na kalooban.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon


Tatlong magagandang aklat para sa Kuwaresma
Maaaring basahin nang libre online.  Makukuha rin bilang eBook & aklat na may malambot na pabalat.

Mga Pagninilay para sa Kuwaresma at Pasko ng Pagkabuhay
Serye ng Mga Pang-araw-araw na Pagninilay na Katoliko

40 Araw sa Paanan ng Krus
Isang Sulyap ng Pag-ibig mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina

Mga Pang-araw-araw na Pagninilay sa Banal na Awa
365 Araw na Kasama si Santa Faustina

Tingnan ang iba pang mga aklat para sa Kuwaresma