Enero 26, 2020
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon A
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

“Lupain ng Zebulun at lupain ng Naphtali, daan patungong dagat, sa kabila ng Jordan, Galilea ng mga Hentil, ang bayang nakaupo sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag, at sa mga naninirahan sa lupaing nilililiman ng kamatayan ay sumikat ang liwanag.” Mateo 4:15-16
Ang bahaging ito ng Ebanghelyo ayon kay Mateo ay sipi mula kay Propeta Isaias, na binanggit sa simula ng hayag na ministeryo ni Hesus. Matapos banggitin ang sinabi ni Isaias, humayo si Hesus na nagsasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
Malinaw na natupad ang propesiyang ito ni Isaias sa pagdating ni Hesus. Si Hesus ang “dakilang liwanag” na tinutukoy ni Isaias. Kaya ang ipinahahayag ni Isaias sa kanyang propesiya ay ang mismong sandaling ito sa kasaysayan, nang dumating si Hesus sa ating daigdig upang ipangaral ang Kanyang banal na Salita.
Ngunit ang mga salita ni Isaias ay hindi lamang dapat magpahayag sa atin tungkol sa minsanang pangyayaring ito sa kasaysayan—ang pagdating ni Kristo at ang Kanyang hayag na ministeryo. Dapat din nitong ihayag sa atin na si Hesus ang “dakilang liwanag” na patuloy na sumisinag sa anumang kadilimang hinaharap natin.
Pagmasdan sandali sa isip ang larawang ito. Isipin mong nababalot ng ganap na kadiliman ang buong lupain. Maaari mong gunigunihing nasa ilang ka sa isang gabing napakaulap, na hindi man lamang makita ang mga bituin at buwan. Pagkatapos, isipin mong naghihiwalay ang mga ulap at agad na nagsisimulang sumikat ang araw. Unti-unting napapawi ang kadiliman habang tinatanglawan ng sumisikat na araw ang buong lupain.
Hindi lamang ito larawan ng nangyari noong unang panahon, nang dumating si Hesus at sinimulan ang Kanyang ministeryo. Nangyayari rin ito tuwing taos-puso tayong nakikinig sa Salita ng Diyos at hinahayaan nating tumagos ang Kanyang Salita sa ating isip at puso. Sa pamamagitan ng mga salita ni Hesus, dapat tayong mapuspos ng Kanyang mismong sarili, sapagkat Siya ang Dakilang Liwanag ng Katotohanan.
Pagnilayan mo ngayon ang bahagi ng iyong buhay na tila nababalot ng kadiliman. Ano ang nagdudulot sa iyo ng sakit ng loob, galit o pagkalito? Ano ang pinakamabigat na pasanin ng iyong puso? Higit sa alinmang bahagi ng iyong buhay, ito ang nais pasukin ni Hesus at tanglawan ng mga sinag ng Kanyang kaluwalhatian.
Panginoon, lumapit Ka sa akin at pasukin Mo ang kadiliman ng aking isip at puso. Halika at pawiin Mo ang lungkot at sakit na nararamdaman ko sa araw na ito. Alisin Mo ang aking pagkalito at palitan ito ng maliwanag na pagkabatid sa Iyong mapagmahal na presensya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Sina San Timoteo at San Tito, mga Obispo
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikal na paggunita ngayong taon dahil natapat ito sa Linggo




