Enero 28, 2020
Martes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
Santo Tomas de Aquino, Pari at Pantas ng Simbahan—Paggunita

“Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?” Tumingin siya sa mga nakaupong nakapaligid sa kanya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid. Sapagkat ang sinumang tumutupad sa kalooban ng Diyos ay aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.” Marcos 3:33-35
Maraming sinabi si Hesus na ikinagulat ng mga tao sa buong panahon ng kanyang hayag na ministeryo. “Nakagugulat” ang mga ito dahil madalas na hindi abot ng limitadong pang-unawa ng marami sa mga nakarinig sa kanya ang ibig niyang sabihin. Kapansin-pansin na hindi niya ugaling linawin agad ang mga maling pagkaunawa. Sa halip, madalas niyang hinahayaang manatili sa kanilang kamangmangan ang mga nagkamali ng pagkaunawa sa sinabi niya. Malalim ang aral na matututuhan dito.
Una sa lahat, tingnan natin ang halimbawa sa bahaging ito ng Ebanghelyo ngayon. Malamang na sandaling natahimik ang mga tao nang sabihin ito ni Hesus. Marahil ay inakala ng marami sa mga nakinig na hindi magalang si Hesus sa kanyang ina at mga kamag-anak. Ngunit ganoon nga ba? Ganoon ba ang pagkaunawa rito ng kanyang Mahal na Ina? Tiyak na hindi.
Itinatampok nito na ang Mahal na Ina ni Hesus ay kanyang ina, higit sa lahat, dahil sa pagsunod nito sa kalooban ng Diyos. Mahalaga ang kanilang ugnayan sa dugo. Ngunit lalo pa siyang naging ina ni Hesus dahil tinupad niya ang hinihinging ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sa ganap niyang pagsunod sa Diyos, naging ganap siyang ina ng kanyang Anak.
Ngunit ipinakikita rin ng bahaging ito na madalas ay hindi gaanong ikinababahala ni Hesus na may ilang nagkakamali ng pagkaunawa sa kanya. Bakit ganoon? Sapagkat alam niya kung paano naipararating ang kanyang mensahe at kung paano ito pinakamainam na tinatanggap. Alam niyang tanging ang mga nakikinig nang may bukas na puso at may pananampalataya ang makatatanggap ng kanyang mensahe. At alam niyang mauunawaan ng mga nagbubukas ng kanilang puso nang may pananampalataya ang sinabi niya, o kaya nama’y pagninilayan man lamang nila ito hanggang sa tumimo sa kanila ang mensahe.
Ang mensahe ni Hesus ay hindi maaaring pagtalunan at ipagtanggol sa paraang magagawa iyon sa isang kasabihang pilosopikal. Sa halip, tanging ang mga may bukas na puso ang makatatanggap at makauunawa sa kanyang mensahe. Walang dapat pag-alinlanganan na nang pakinggan ni Maria ang mga salitang iyon ni Hesus nang may ganap na pananampalataya, naunawaan niya ang mga ito at napuspos siya ng kagalakan. Ang ganap niyang “Oo” sa Diyos ang nagbigay sa kanya ng kakayahang maunawaan ang lahat ng sinabi ni Hesus. Dahil dito, lalo siyang nararapat sa banal na titulong “Ina,” higit pa sa pagiging ina niya sa dugo. Walang alinlangang napakahalaga ng kanilang ugnayan sa dugo, ngunit higit na mahalaga ang kanilang espirituwal na ugnayan.
Pagnilayan mo ngayon na ikaw rin ay tinatawag na mapabilang sa malapit na pamilya ni Hesus. Tinatawag kang mapabilang sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagsunod mo sa kanyang banal na kalooban. Tinatawag kang magbigay-pansin, makinig, umunawa, at pagkatapos ay isabuhay ang lahat ng sinasabi niya. Magsabi ka ng “Oo” sa ating Panginoon ngayong araw, at hayaan mong ang “Oo” na iyon ang maging pundasyon ng ugnayan ninyo bilang magkapamilya.
Panginoon, tulungan Mo akong laging makinig nang may bukas na puso. Tulungan Mo akong pagnilayan ang Iyong mga salita nang may pananampalataya. Sa pagpapahayag kong ito ng pananampalataya, hayaan Mong lumalim ang ugnayan ko sa Iyo habang pumapasok ako sa Iyong banal na pamilya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




