Pebrero 6, 2020
Huwebes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw
Mga San Pablo Miki at mga Kasama, mga Martir—Paggunita

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at sinimulan silang isugo nang dala-dalawa, at binigyan Niya sila ng kapangyarihan laban sa mga maruruming espiritu. Marcos 6:7
Ang unang dapat bigyang-pansin sa talatang ito ay ang “pagtawag” ni Jesus sa Labindalawa. Nangangahulugan ito na inilapit Niya sila sa Kanyang sarili. Maaari nga natin itong unawain na para bang nagpatawag lamang Siya ng isang pagpupulong kasama nila. Ngunit dapat tayong tumingin nang mas malalim. Dapat nating makita sa pagtawag na ito na hindi lamang nagpatawag si Jesus ng isang pagpupulong, kundi inilalapit Niya sila sa Kanya mismong sarili. Sa pagtawag na ito, personal na nakatagpo ng mga Apostol si Jesus, tinanggap ang Kanyang biyaya at kapangyarihan, at sila mismo ay nabago.
Mula roon, isinugo Niya sila nang dala-dalawa. Mahalaga rin ito. Alam ni Jesus ang ating kahinaan bilang tao. Alam Niyang kapag nag-iisa tayo, malamang na mabigo tayo, ngunit sa tulong ng kapwa Kristiyano, lubos tayong napalalakas. Ito ay dahil ang misyon ni Jesus ay hindi lamang isang bagay na ginagawa natin nang mag-isa; isa rin itong gawaing ginagampanan bilang pamayanan. Bawat isa sa atin ay may bahagi sa Kanyang misyon. Ngunit upang maisakatuparan ang misyong iyon, kailangan natin ang pag-ibig at suporta ng iba. Kailangan nating humayo nang dala-dalawa sa pakikipaglaban.
Paano naman ang awtoridad na ito na ibinigay sa kanila ni Jesus? Madalas ay hindi nauunawaan ang tunay na halaga nito. Talagang nais ni Jesus na bigyan tayo ng awtoridad laban sa masama at sa kanyang mga kampon sapagkat higit silang makapangyarihan kaysa sa atin. Kaya kung nais nating magkaroon ng pagkakataong magtagumpay sa labanan, kailangan natin ang awtoridad ni Jesus. Hindi lamang ito isang kapangyarihang higit sa likas upang magpalayas ng mga demonyo; mas malawak pa rito ang saklaw nito. Ano nga ba ang awtoridad na ito at paano natin ito ginagamit?
Una, ito ang kapangyarihan ng tunay na Kristiyanong pag-ibig. Ang karidad, o pag-ibig, ay dumadaig sa masama at nag-aalis ng kanyang kapangyarihan sa ating buhay. Ang pagiging di-makasarili, pagsasakripisyo, pagpapakumbaba, pananampalataya, katotohanan, at iba pa ay kabilang sa pinakamakapangyarihang sandata sa ating pakikipaglaban. Hindi alam ng masama kung paano haharapin ang mga ito. Hindi naman natin kailangang sumabak sa isang matinding espirituwal na pakikidigma upang makipaglaban. Ibigin mo lamang ang Diyos at isabuhay ang pag-ibig na iyon araw-araw, at sa isang diwa, magpapalayas ka ng mga demonyo sa lahat ng dako! Magtatagumpay tayo sa ating pamumuhay bilang Kristiyano sapagkat ang Diyos na ang bahala sa lahat ng iba pa. Misyon Niya ito at Siya ang tumatawag at nagsusugo sa atin. Kaya huwag kang matakot na sumunod sa Kanyang pangunguna!
Pagnilayan mo ngayon ang prosesong ito na may tatlong hakbang na pinasimulan ni Jesus sa Kanyang mga Apostol, at alamin mong ito rin ang nais Niyang gawin sa iyo: 1) Tinatawag ka Niya araw-araw upang lumapit sa Kanya; 2) Isinusugo ka Niya upang dalhin ang Kanyang pag-ibig sa iba; 3) Ibinibigay Niya sa iyo ang awtoridad at kapangyarihang kailangan mo upang tuparin ang Kanyang kalooban. Maging bukas ka sa prosesong ito at gagamitin ka ng ating Panginoon sa maraming paraan.
Panginoon, bigyan Mo ako ng pag-ibig, tapang at lakas na kailangan ko upang maisabuhay ang Iyong banal na plano. Naririnig ko ang Iyong pagtawag sa akin at pinipili kong tumugon nang bukas-palad. Kusang-loob kong tinatanggap na maghari sa buhay ko ang biyayang iyon upang maisakatuparan Mo ang lahat ng ninanais Mo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




