Pebrero 11, 2021
Huwebes ng Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw
Mahal na Birhen ng Lourdes—Opsiyonal na Paggunita

Di-nagtagal, nabalitaan Siya ng isang babaeng ang anak na babae ay sinasaniban ng masamang espiritu. Lumapit siya at nagpatirapa sa Kanyang paanan. Ang babae ay isang Griego, isang Sirofenicia sa kapanganakan, at nakiusap siya kay Jesus na palayasin ang demonyo mula sa kanyang anak. Marcos 7:25–26
Napakalakas ng pagmamahal ng isang magulang. At malinaw na mahal ng babae sa salaysay na ito ang kaniyang anak na babae. Ang pagmamahal na iyon ang nagtulak sa inang ito na hanapin si Hesus sa pag-asang palalayain Niya ang anak nito mula sa demonyong sumapi rito. Kapansin-pansin na hindi kabilang ang babaeng ito sa pananampalatayang Hudyo. Isa siyang Hentil, isang dayuhan, ngunit tunay na tunay at napakalalim ng kaniyang pananampalataya.
Nang unang makaharap ni Hesus ang babaeng ito, nakiusap ito sa Kaniya na palayain ang anak nitong babae mula sa demonyo. Sa simula, nakagugulat ang tugon ni Hesus. Sinabi Niya sa babae, “Hayaan munang kumain ang mga anak. Sapagkat hindi tama na kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis iyon sa mga aso.” Sa madaling salita, sinasabi ni Hesus na ang Kaniyang misyon ay para muna sa mga taga-Israel, ang bayang hinirang na may pananampalatayang Hudyo. Sila ang “mga anak” na tinutukoy ni Hesus, at ang mga Hentil, gaya ng babaeng ito, ang tinutukoy na “mga aso.” Hindi dahil sa kawalan ng galang kaya ganito ang sinabi ni Hesus sa babae, kundi dahil nakita Niya ang lalim ng pananampalataya nito at nais Niya itong bigyan ng pagkakataong ipakita ang pananampalatayang iyon upang makita ng lahat. At iyon nga ang ginawa ng babae.
Tumugon ang babae kay Jesus, “Panginoon, maging ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga mumo ng mga anak.” Ang kanyang mga salita ay hindi lamang nagpapakita ng pambihirang kababaang-loob, kundi nakaugat din sa malalim na pananampalataya at matinding pagmamahal sa kanyang anak. Dahil dito, bukas-palad na tumugon si Jesus at agad na pinalaya ang kanyang anak mula sa demonyo.
Sa sarili nating buhay, madaling mahulog sa bitag ng pag-aakalang nararapat nating tanggapin ang awa ng Diyos. Maaari nating isipin na may karapatan tayo sa biyaya ng Diyos. At bagaman matindi ang hangarin ni Jesus na ibuhos nang saganang-sagana ang Kanyang biyaya at awa sa ating buhay, napakahalagang lubos nating maunawaan na hindi tayo karapat-dapat sa harap Niya. Ang saloobin ng babaeng ito ay nagbibigay sa atin ng ganap na halimbawa kung paano tayo dapat lumapit sa ating Panginoon.
Pagnilayan ngayon ang magandang halimbawa ng babaeng ito na may malalim na pananampalataya. Basahin nang paulit-ulit ang kanyang mga salita nang may panalangin. Sikaping unawain ang kanyang kababaang-loob, ang kanyang pag-asa, at ang kanyang pagmamahal sa kanyang anak. Habang ginagawa mo ito, manalangin na matularan mo ang kanyang kabutihan upang makabahagi ka sa mga pagpapalang tinanggap niya at ng kanyang anak.
Maaawain kong Panginoon, nagtitiwala ako sa Iyong ganap na pagmamahal sa akin at sa lahat ng bayan. Natatangi kong ipinapanalangin ang mga may mabibigat na pasanin at ang mga taong ang buhay ay malalim na nasasangkot sa kasamaan. Palayain Mo po sila, mahal kong Panginoon, at tanggapin Mo sila sa Iyong pamilya upang maging tunay silang mga anak ng Iyong Ama. Nawa’y taglayin ko ang kababaang-loob at pananampalatayang kailangan ko upang makatulong na maipaabot sa iba ang masaganang biyayang ito. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Maaari na ninyo kaming subaybayan sa Gab at MeWe
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – Mahal na Birhen ng Lourdes
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Larawang itinatampok sa itaas: Si Kristo at ang Babaeng Cananea




