Tagalog

Paghanga at Banal na Pagkamangha sa Harap ng Eukaristiya

Linggo, Hunyo 6, 2021

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo (Taon B)

Mga Pagbasa Ngayon

Video

Habang kumakain sila, kumuha siya ng tinapay, binigkas ang pagpapala, pinagputol-putol ito, ibinigay sa kanila, at sinabi, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” Pagkatapos, kumuha siya ng kopa, nagpasalamat, at ibinigay ito sa kanila, at uminom silang lahat mula rito. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan, na ibubuhos para sa marami.” Marcos 14:22–24

Sa banal na Misa, matapos bigkasin ng pari ang mga salita ng pagtatalaga, na nagpapabago sa tinapay at alak upang maging Katawan at Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos ni Hesukristo na ating Panginoon, lumuluhod siya nang isang tuhod, tumatayo, at saka sinasabi, “Ang misteryo ng pananampalataya.” Ano ang “misteryo ng pananampalataya?” Kadalasan, kapag sinasabi nating misteryo ang isang bagay, ang ibig nating sabihin ay hindi pa alam ang kasagutan ngunit may ilang pahiwatig na makatutulong upang malutas ang misteryo. At kapag nalutas na ang misteryo, nagiging malinaw ang lahat at hindi na ito isang misteryo.

Ibang-iba naman ang “misteryo ng pananampalataya.” Binibigkas ang mga salitang ito sa Banal na Misa kaagad pagkatapos ng konsekrasyon upang akayin ang mga mananampalataya sa banal na pagpipitagan at pagkamangha sa kagaganap pa lamang. Ngunit magbubunga lamang ang misteryong ito ng pagkamangha at pagpipitagan kung mauunawaan natin, sa pamamagitan ng kaloob na pananampalataya, ang realidad ng kagaganap pa lamang. Ang pananampalataya ay ang pagkaalam at paniniwala sa realidad na nasa harap natin kahit hindi natin ito napapansin sa pamamagitan ng ating limang pandama o nahihinuha sa pamamagitan ng lohikal na pangangatwiran. Sa madaling salita, ang pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng tunay na kaalaman tungkol sa isang espirituwal na realidad na makikilala, mauunawaan at mapaniniwalaan lamang sa pamamagitan ng espirituwal na pagkabatid. Kaya kung dumadalo tayo sa Banal na Misa at ipinagkaloob sa atin ang kaalamang dulot ng pananampalataya, sa sandaling makonsekrasyunan ang tinapay at alak, ibubulalas natin sa ating kalooban, “Panginoon ko at Diyos ko!” Malalaman nating naririto sa ating harapan ang Diyos Anak, bagaman nalilihim Siya sa ating paningin. Hindi nakikita ng ating mga mata ang dakilang realidad na nasa harap natin, at hindi rin ito nahahayag sa atin ng alinman sa ating mga pandama. Hindi natin mahihinuha sa pangangatwiran ang kagaganap pa lamang. Sa halip, nakikilala at pinaniniwalaan natin na ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan, ay naririto na sa ating harapan sa Kanyang kabuuan, bagaman ang nakikita natin ay anyo lamang ng tinapay at alak.

Bukod sa banal na presensiya ng ating Panginoon at ating Diyos, ang buong Misteryo ng ating Pagtubos ay nagiging tunay na naroroon. Sinasabi sa atin ni Santo Papa Juan Pablo II na sa sandaling ito ay may “pagkakaisa sa panahon” na nag-uugnay sa Misteryo Paskuwal, ibig sabihin, ang Buhay, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus, sa bawat sandaling ipinagdiriwang ang Eukaristiya at nagiging tunay na naroroon sa pamamagitan ng mga salita ng konsekrasyon. At ang pagkakaisang iyon ng bawat Misa at ng Misteryo Paskuwal ay “umaakay sa atin sa matinding pagkamangha at pasasalamat” (Ecclesia de Eucharistia, #5). Nadarama at nararanasan mo ba ang matinding pagkamangha at pasasalamat na ito sa tuwing dumadalo ka sa Banal na Sakripisyo ng Misa? Nauunawaan mo ba, habang dumadalo ka sa Misa at binibigkas ang mga salita ng konsekrasyon, na ang buong Misteryo ng iyong pagtubos ay nagiging tunay na naroroon sa iyong harapan, nakatago sa iyong mga mata ngunit nakikita ng iyong kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya? Nauunawaan mo ba na ang Diyos, ang Ikalawang Persona ng Kabanal-banalang Trinidad, ang bumababa sa atin upang manahan sa ating piling sa sandaling iyon sa maluwalhating Sakramentong ito?

Pagnilayan ngayon ang nakatago ngunit tunay na Misteryo ng Pananampalataya. Hayaan mong mapuno ka ng pagkamangha at pagpipitagan sa nagaganap na mapalad kang madaluhan. Palaguin mo ang iyong pananampalataya sa Kabanal-banalang Eukaristiya sa pamamagitan ng pagbubukas ng iyong kalooban sa pagpapalalim ng kaloob na ito ng pananampalataya, sa tulong ng espirituwal na pagkabatid at paniniwala. Masdan mo ang dakilang Kaloob na ito ng Eukaristiya sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, at mararanasan mo ang pagkamangha at pagpipitagan na nais ipagkaloob sa iyo ng Diyos.

Aking laging maluwalhating Panginoong Eukaristiko, sumasampalataya ako na narito Ka, tunay na naroroon sa aming daigdig sa anyo ng tinapay at alak, sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Puspusin Mo ako ng mas malalim na pananampalataya sa Banal na Kaloob na ito, mahal na Panginoon, upang maakay ako tungo sa pagkamangha at pagpipitagan sa tuwing nasasaksihan ko ang banal na Konsekrasyong ito. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kabanal-banalang Puso ni Hesus
Mga petsa ng nobena: Hunyo 2-10, 2021
Hunyo 11, 2021: Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Karagdagang Babasahin – Corpus Christi

Santo ng Araw – San Norberto, Obispo—Paggunita na Di-sapilitan
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita ngayong taon dahil pumapatak ito sa Linggo

Itinatampok na larawan sa itaas: Ang Huling Hapunan ni Philippe de Champaigne, mula sa Wikimedia Commons