Tagalog

Naaakit kay Jesus, Nauudyok na Mahabag sa Kapwa

Pebrero 12, 2022
Sabado ng Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Nahahabag ang aking puso sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na silang kasama ko at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko silang gutom, manghihina sila sa daan, at ang ilan sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.” Mark 8:2-3

May ilang kawili-wiling punto sa talatang ito na maaari nating pagnilayan. Tingnan natin nang maikli ang tatlo sa mga ito.

Una, mahalagang pansinin na gayon na lamang ang pagkaakit ng mga tao kay Jesus kaya handa silang gumugol ng tatlong araw kasama Niya, na nakikinig sa Kanya sa isang ilang na lugar kahit wala silang makain. Mas pinili nila si Jesus at ang Kanyang aral kaysa sa pagkain at sa kaginhawahan ng sarili nilang tahanan. Ipinakikita nito ang di-natitinag na interes ng mga tao kay Jesus at sa Kanyang aral. Ipinakikita nito kung gaano sila naaakit sa Kanya. Para bang wala nang iba pang mahalaga. Nais lamang nilang makasama si Jesus.

Ikalawa, ipinakikita ng talatang ito ang malalim na pagmamalasakit ni Jesus sa mga tao. Nahabag ang Kanyang puso sa kanila. Nagpapasalamat Siya sa kanilang presensya, ngunit higit pa ang pag-aalala Niya sa kanilang pisikal na kalagayan kaysa sa sarili nilang pag-aalala rito.

Ikatlo, may ipinakikita rin itong isang bagay na hindi agad napapansin ngunit malalim ang kahulugan. Sa pagtukoy ni Jesus sa suliraning matagal nang walang makain ang mga tao, inaanyayahan Niya ang mga Apostol na makita ang suliranin. Pansining hindi Niya ito nilulutas kaagad. Hindi Niya agad sinasabi sa kanila kung ano ang dapat gawin. Sa halip, ipinapaliwanag lamang Niya ang suliranin. Bakit kaya?

Marahil, isa sa mga dahilan ay nais ni Jesus na linangin sa puso ng mga Apostol ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga tao. Marahil, ito ay isang pagkakataong sinusubok Niya sila at sinasanay na isipin ang mga pangangailangan ng mga tao. Sa simpleng paghaharap muna ng tanong, inilapit sa pansin ng mga Apostol ang mga tao upang lumalim din ang kanilang taos-pusong pagkahabag sa mga ito. Maaaring nais ni Jesus na ang kanilang mga puso ay “mahabag sa mga tao” gaya ng Kanyang puso.

Pagnilayan mo ngayon ang tatlong bagay. Una, gayon na lamang ba katindi ang pagkaakit mo kay Jesus anupat Siya ang nagiging sentro ng iyong buhay? Pinupuspos ba ng pananabik sa Kanya ang iyong puso at ang buo mong kaluluwa? Ikalawa, batid mo ba ang malalim na pagmamalasakit ni Jesus sa iyo? Batid mo bang “nahahabag” ang Kanyang puso sa iyo araw-araw? Ikatlo, hinahayaan mo bang maibahagi rin sa kapwa ang pagmamahal at habag na iniaalok sa iyo ni Jesus? Nakikita mo ba ang “suliranin” ng mga pangangailangan ng iba? At kapag nakikita mo ang mga pangangailangang ito, sinisikap mo bang dumamay sa kanila sa oras ng kanilang pangangailangan? Italaga mo ang iyong sarili sa pagsasabuhay ng tatlong aral na ito. Kung gagawin mo ito, magiging karapat-dapat ka ring tawaging isa sa Kanyang mga alagad.

Panginoong pumupuspos sa aking buong pagkatao, tulungan Mo akong maakit sa Iyo nang may matinding pananabik. Tulungan Mo akong makita Ka bilang bukal ng lahat ng aking hinahangad at kailangan sa buhay. Nawa’y piliin Kita nang higit sa lahat, na nagtitiwala at nakababatid na tutugunan Mo ang bawat hangarin ko. Habang buong-alab akong bumabaling sa Iyo, puspusin Mo ang aking puso ng masaganang awa para sa lahat. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Bintanang yari sa makulay na salamin na naglalarawan sa Kabanal-banalang Puso ni Jesucristo sa dating Moske (Katedral) ng Cordoba, Espanya, mula sa Wikimedia Commons