Marso 16, 2022
Miyerkules ng Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa Ngayon

Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inumin ang kalis na iinumin ko?” Sinabi nila sa Kanya, “Kaya namin.” Sumagot Siya, “Tunay ngang iinumin ninyo ang aking kalis, ngunit ang maupo sa aking kanan at kaliwa ay hindi sa akin ang pagpapasya, kundi para iyon sa mga pinaghandaan ng aking Ama.” Matthew 20:22–23
Madaling magkaroon ng mabuting hangarin, ngunit sapat na ba iyon? Ang mga salita sa Ebanghelyo sa itaas ay sinabi ni Jesus sa magkapatid na Santiago at Juan matapos lumapit kay Jesus ang kanilang mapagmahal na ina at hilingin sa Kanya na ipangakong pauupuin Niya ang dalawa niyang anak sa Kanyang kanan at kaliwa kapag lumuklok na Siya sa Kanyang trono bilang Hari. Marahil ay medyo mapangahas ang paghingi niya nito kay Jesus, ngunit malinaw na pagmamahal ng isang ina ang nasa likod ng kanyang kahilingan.
Gayunman, mahalagang pansinin na hindi niya talaga nauunawaan ang kanyang hinihingi. At kung naunawaan niya ang kanyang hinihingi, marahil ay hindi na niya hiniling kay Jesus ang “pabor” na ito. Paakyat noon si Jesus sa Jerusalem, kung saan Siya luluklok sa Kanyang trono ng Krus at ipapako sa krus. At sa ganitong kalagayan hiniling kay Jesus na makasama Niya sina Santiago at Juan sa Kanyang trono. Ito ang dahilan kung bakit tinanong ni Jesus ang dalawang Apostol na ito, “Kaya ba ninyong inumin ang kalis na iinumin ko?” Sumagot naman sila, “Kaya namin.” At pinagtibay ito ni Jesus sa pagsasabi sa kanila, “Tunay ngang iinumin ninyo ang aking kalis.”
Inanyayahan sila ni Jesus na sumunod sa Kanyang mga yapak at buong tapang na ialay ang kanilang buhay bilang sakripisyo dahil sa pagmamahal sa kapwa. Kailangan nilang talikuran ang lahat ng takot at maging handa at kusang-loob na magsabi ng “Oo” sa sarili nilang mga krus habang sinisikap nilang paglingkuran si Kristo at ang Kanyang misyon.
Ang pagsunod kay Jesus ay hindi natin dapat gawin nang kulang sa buong puso. Kung nais nating maging tunay na tagasunod ni Kristo, kailangan din nating inumin ang kalis ng Kanyang Kamahal-mahalang Dugo, hayaang tumagos ito sa kaibuturan ng ating kaluluwa, at matustusan ng kaloob na iyon upang maging handa at kusang-loob tayong magbigay ng ating sarili hanggang sa ganap na pagsasakripisyo. Kailangan nating maging handa at kusang-loob na walang ipagkait, kahit mangahulugan ito ng pinakadakilang sakripisyo.
Totoo, kakaunti lamang ang tatawaging maging mga martir sa literal na kahulugan, ngunit TAYONG LAHAT ay tinatawag na maging mga martir sa espiritu. Nangangahulugan ito na dapat tayong lubusang magpaubaya kay Kristo at sa Kanyang kalooban, hanggang sa mamatay tayo sa ating sarili.
Pagnilayan ngayon ang tanong na ito ni Jesus sa iyo: “Kaya mo bang inumin ang kalis na iinumin ko?” Kaya mo bang kusang-loob na ibigay ang lahat, nang walang ipinagkakait? Maaari bang maging gayon kaganap at kalubos ang pagmamahal mo sa Diyos at sa kapwa na ikaw ay maging isang martir sa pinakatunay na kahulugan ng salita? Magpasiyang magsabi ng “Oo,” uminom sa kalis ng Kanyang Kamahal-mahalang Dugo, at ialay araw-araw ang iyong buhay bilang ganap na sakripisyo. Sulit ito, at kaya mo itong gawin!
Panginoon kong nag-alay ng sarili, nawa’y maging ganap ang pagmamahal ko sa Iyo at sa kapwa upang wala akong ipagkait. Nawa’y ilaan ko ang aking isip sa Iyong Katotohanan lamang at ang aking kalooban sa Iyong Daan. At nawa’y ang kaloob ng Iyong Kamahal-mahalang Dugo ang maging lakas ko sa paglalakbay na ito upang matularan ko ang Iyong ganap at mapagsakripisyong pagmamahal. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
40 Araw sa Paanan ng Krus:
Isang Titig ng Pag-ibig Mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina
Ikalabindalawang Pagninilay – Pinagsasaluhang Pagdurusa
(Miy. ng Ikalawang Linggo ng Kuwaresma)
Nobena kay San Jose
Marso 10–18
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Sanggunian para sa Kuwaresma
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Kuwaresma
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




