Tagalog

Mga Kasangkapan ng Diyos

Setyembre 30, 2022
Biyernes ng Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Jeronimo, Pari at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Video

“Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin. Ang tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin. At ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin.” Lucas 10:16

Sa talatang ito, inilalahad ni Jesus ang isang tatluhang ugnayan. Iniuugnay ka Niya sa Kanya, at ang Kanyang sarili sa Ama. Kaya kapag kumikilos ka bilang tunay na kasangkapan ng Panginoon, at pinakikinggan o tinatanggihan ng iba ang inihahatid mo sa kanila, hindi lamang ikaw ang kanilang pinakikinggan o tinatanggihan kundi pati ang ating Panginoon at ang Ama sa Langit.

Isa sa mga ipinahahayag nito ay ang napakalaking pananagutan nating lahat na ihatid ang pag-ibig at awa ng Ama sa Langit sa mga nakakasalamuha natin araw-araw. Maaari tayong maging tunay na mga kasangkapan ng Diyos. Sa pagtatatag ng gayong katibay na ugnayan sa pagitan natin, ng Kanyang sarili, at ng Ama sa Langit, itinataas ni Jesus ang ating dignidad bilang tao sa isang antas na di-matatawaran.

Ipinahahayag din ng talatang ito na ang ibang tao ay magsisilbing mga kasangkapan ng Diyos para sa atin. Mahalagang maunawaan ito sapagkat napakalinaw ng sinabi ni Jesus. Kung may lumapit sa atin at kumikilos sa ngalan ni Kristo, at tinanggihan natin ang taong iyon, ang talagang tinatanggihan natin ay ang Ama sa Langit. Dapat itong mag-udyok sa atin na huminto sandali at bigyang-pansin nang buong ingat ang paraan ng pakikitungo natin sa iba. Lalo nating dapat alalahanin na malaki ang kakayahan ng ibang tao na maging mga kasangkapan ng Diyos para sa atin. Nagsasalita ang Panginoon sa pamamagitan nila sa maraming paraan.

Pagnilayan mo ngayon ang mga pahayag na ito. Pagnilayan kung gaano kalaking kaloob ang magsilbing kasangkapan ng Ama sa Langit. Isa itong banal na tungkulin at dakilang pribilehiyo na hindi natin dapat ipagwalang-bahala. Hanapin mo rin ang mga paraan kung paano nagsasalita sa iyo ang Ama sa pamamagitan ng iba. Kapag nagsasalita Siya, ibigay mo sa Kanya ang iyong buong pansin at magpasalamat sa mga nagsisilbing kasangkapan ng pag-ibig ng Diyos.

Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo sa karangalan at pribilehiyong magsilbing kasangkapan ng Iyong banal na tinig. Nawa’y lagi kong hangaring yakapin ang panawagang ito nang may pananampalataya at katapatan. Nawa’y maging bukas din ako sa bawat paraan ng Iyong pakikipag-usap sa akin sa pamamagitan ng iba. Ipagkaloob Mo sa akin ang kababaang-loob na kailangan ko upang mapakinggan ang Iyong tinig sa pamamagitan nila. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikasiyam na Araw: Nobena kay Santa Teresita ng Lisieux – Ang Munting Bulaklak

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Jeronimo, Pari at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Ang Pangangaral sa Bundok sa Black Forest ni Rudolph Yellin, mula sa Wikimedia Commons