Tagalog

Ang Kapangyarihang Nagpapabago ni Kristo

Disyembre 14, 2022
Miyerkules ng Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Juan ng Krus, Pari at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Video

At sumagot si Jesus sa kanila, “Humayo kayo at sabihin kay Juan ang inyong nakita at narinig: muling nakakakita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, nalilinis ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling binubuhay ang mga patay, at ipinahahayag sa mga dukha ang mabuting balita.” Luke 7:22

Isa sa mga pinakamabisang paraan ng pagpapahayag ng kapangyarihang nagpapabago ng Ebanghelyo ay sa pamamagitan ng mga gawang isinakatuparan ng ating Panginoon. Sa talatang ito ng Ebanghelyo, itinuturo ni Jesus ang mga ginawa Niya upang sagutin ang isang tanong tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan. Dumating ang mga alagad ni Juan Bautista upang tanungin Siya kung Siya nga ang Mesiyas na darating. At tumugon si Jesus sa pamamagitan ng pagtukoy sa katotohanang nabago ang mga buhay. Ang mga bulag, pilay, ketongin, bingi at patay ay pawang tumanggap ng mga himala ng biyaya ng Diyos. At ang mga himalang ito ay ginawa upang makita ng lahat.

Bagama’t ang mga himala ni Jesus na nagpagaling sa katawan ay tiyak na lubhang kamangha-mangha sa lahat ng aspeto, hindi natin dapat ituring ang mga ito bilang mga gawang minsan lamang naganap noong unang panahon at hindi na nangyayari ngayon. Ang totoo, maraming paraan kung paano patuloy na nagaganap ngayon ang mga gawang ito na nagdudulot ng pagbabago.

Paano ito nangyayari? Magsimula sa sarili mong buhay. Paano ka nabago ng kapangyarihang nagpapabago ni Kristo? Paano Niya binuksan ang iyong mga mata at tainga upang makita at marinig Siya? Paano Niya inalis ang iyong mga pasanin at pinagaling ang iyong mga karamdamang espirituwal? Paano ka Niya inakay mula sa kamatayan ng kawalan ng pag-asa tungo sa bagong buhay ng pag-asa? Nagawa na ba Niya ito sa iyong buhay?

Kailangan nating lahat ang kapangyarihang nagliligtas ng Diyos sa ating buhay. At kapag kumikilos ang Diyos sa atin, binabago tayo, pinagagaling tayo at pinanunumbalik ang ating pagkatao, dapat muna natin itong makita bilang isang gawa ng ating Panginoon para sa atin. Ngunit ikalawa, dapat din nating makita ang bawat pagkilos ni Kristo sa ating buhay bilang isang bagay na nais ng Diyos na maibahagi sa iba. Ang pagbabago ng ating buhay ay dapat maging patuloy na patotoo sa kapangyarihan ng Diyos at sa kapangyarihan ng Ebanghelyo. Kailangang makita ng iba kung paano tayo binago ng Diyos, at dapat nating sikaping maging isang bukás na aklat ng kapangyarihan ng Diyos nang may kababaang-loob.

Pagnilayan ngayon ang tagpong ito sa Ebanghelyo. Isipin na ang mga alagad na ito ni Juan ay ang maraming taong nakakasalamuha mo araw-araw. Gunigunihin silang lumalapit sa iyo, na nagnanais malaman kung ang Diyos na iyong minamahal at pinaglilingkuran ay ang Diyos na dapat nilang sundin. Paano ka tutugon? Paano ka makapagpapatotoo kay Kristo Jesus? Ituring mong tungkulin ang maging isang bukás na aklat na sa pamamagitan nito ay ibinabahagi ng Diyos sa iba ang kapangyarihang nagpapabago ng Ebanghelyo sa pamamagitan mo.

Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo sa di-mabilang na paraan ng pagbabago Mo sa aking buhay, sa pagpapagaling sa aking mga karamdamang espirituwal, sa pagbubukas ng aking mga mata at tainga sa Iyong katotohanan, at sa pagbangon ng aking kaluluwa mula sa kamatayan tungo sa buhay. Gamitin Mo ako, mahal kong Panginoon, bilang saksi sa Iyong kapangyarihang nagpapabago. Tulungan Mo akong magpatotoo sa Iyo at sa Iyong ganap na pag-ibig upang makilala Ka ng iba sa pamamagitan ng paraan ng paghipo Mo sa aking buhay. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan ang aming mga sanggunian para sa Adbiyento!

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan

Nobena ni San Andres para sa Pasko
Ang panalangin sa ibaba para sa Nobena ni San Andres para sa Pasko ay tradisyonal na dinarasal nang 15 ulit bawat araw mula Nobyembre 30, Kapistahan ni San Andres, hanggang sa Bisperas ng Pasko.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Juan de la Cruz, Pari at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Pangaral sa mga Apostol ni James Tissot, mula sa Brooklyn Museum