Tagalog

Pusong Nababagabag

Mayo 7, 2023
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Taon A)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Sumasampalataya kayo sa Diyos; sumampalataya rin kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na pupunta ako roon upang maghanda ng lugar para sa inyo?” Juan 14:1–2

Ang mga salitang ito na nagbibigay ng aliw at lakas ng loob ay sinabi ni Hesus sa mga Apostol sa Huling Hapunan, matapos umalis si Judas upang ipagkanulo Siya at matapos Niyang sabihin kay Pedro, sa harap ng iba, na tatlong ulit Siyang itatatwa ni Pedro bago tumilaok ang manok. Dahil dito, malamang na pinanghinaan ng loob ang Labindalawa (na ngayo’y Labing-isa na lamang), lalo na si Pedro. Nadama ito ni Hesus at sinabi Niya, “Huwag mabagabag ang inyong mga puso…”

Sinabihan si Pedro na malapit na siyang gumawa ng isang mabigat na kasalanan laban kay Hesus. Gaya ng isinalaysay sa atin sa bandang huli, pagkagawa ni Pedro ng mga kasalanang ito, lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan. Marahil, habang tumatangis siya, naalala niya ang mga salita ni Hesus: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso…”

Maaaring makapanghina ng loob ang matuksong magkasala. Ngunit maaari itong humantong sa mabuti. Kung hindi tayo nababagabag sa mga tuksong dumarating sa atin, kulang tayo sa pagmamahal sa Diyos. At kung magpadala tayo sa mga tuksong iyon at hindi man lamang malungkot sa ating pagkakasala, mas masahol pa ito. Gayunman, hindi dapat manatili ang panghihina ng loob dahil sa ating mga kasalanan; dapat itong mapalitan ng kabaligtaran nito, ang birtud ng pag-asa. Magbubunga lamang ng pag-asa ang pagkakasala kapag pinakinggan at naunawaan natin ang pangako ni Hesus na nabanggit sa itaas.

Hindi lamang sinasabi ni Hesus sa mga alagad na huwag silang mabagabag; sinasabi rin Niya kung bakit. Ipinangangako ni Hesus sa kanila na maghahanda Siya ng lugar para sa kanila sa Langit at babalik upang dalhin sila sa lugar na iyon sa Bahay ng Kanyang Ama, sa kabila ng kanilang mga pagkukulang. Sa pamamagitan ng pananampalataya, mapapawi ni Pedro at ng iba pang mga apostol ang una nilang nadaramang panghihina ng loob dahil sa kanilang mga pagkukulang, at makababalik sila sa Diyos nang may pananabik sa Langit.

Pinanghihinaan ka ba ng loob dahil sa iyong kasalanan? Magsimula sa paggunita sa anumang kasalanang paulit-ulit mong pinaglalabanan. Lalo na ang nakagawiang kasalanan, maaari itong humantong sa kalungkutan, pagsisisi at pag-asa, o sa panghihina ng loob na nauuwi sa kawalan ng pag-asa at pagtalikod sa pamumuhay nang may birtud. Tulad ni San Pedro, dapat tayong magsikap na tumangis nang buong kapaitan dahil sa ating mga kasalanan. Dapat nating hayaang ang ating mga kasalanan, at ang tuksong mawalan ng pag-asa, ay maging udyok upang muli tayong magkaroon ng pag-asa, lakas ng loob, at matibay na pasiya. Magiging posible lamang ito kung lagi nating pakikinggan si Hesus na nagsasabi sa atin, “Huwag mabagabag ang inyong mga puso…” Dapat nating damhin ang Kanyang habag at pagkalinga at hayaang punuin tayo ng pag-ibig na iyon ng pagtitiwalang balang araw ay mapagtatagumpayan natin ang lahat ng kasalanan at malugod tayong tatanggapin sa Bahay ng Ama.

Pagnilayan mo ngayon ang anumang kasalanang paulit-ulit mong pinaglalabanan. Habang ginagawa mo ito, suriin kung ang panghihina mo ng loob ay humahantong sa kawalan ng pag-asa o sa pag-asa. Ang pag-asa ay hindi nagmumula sa iyong kakayahang mapagtagumpayan ang kasalanan sa sarili mong lakas. Nagmumula ito sa habag ng ating Panginoon at sa Kanyang pangakong tutubusin ka. Kung nababagabag ang iyong puso, mabuti iyon. Iyon ang panimulang hakbang tungo sa pag-asa. Hayaan mong pasiglahin ni Hesus ang iyong pusong nababagabag at ituon Niya ang iyong mga mata sa Langit.

Panginoong puspos ng habag, bagama’t ako’y makasalanan, kinakausap Mo ako nang may pagkalinga at tinatawag Mo akong magsisi upang lagi akong magkaroon ng pag-asa sa Langit. Pagkalooban Mo po ako ng tunay at banal na kalungkutan dahil sa aking mga kasalanan at tulungan Mo akong laging magbalik sa Iyo upang balang araw ay akayin Mo ako tungo sa kaganapan ng Bahay ng Ama. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga pagninilay/homiliya sa video para sa Linggo

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Panalangin sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Huling Hapunan, mula sa flickr