Tagalog

Isinugo sa Kapangyarihan ng Diyos

Hunyo 18, 2023
Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon A)
Mga Pagbasa Ngayon

Video

Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila ay nababagabag at napabayaan, tulad ng mga tupang walang pastol. Kaya sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang aanihin ngunit kakaunti ang mga manggagawa; kaya hilingin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala ng mga manggagawa para sa kanyang ani.” Mateo 9:36–38

Nagsisimula ang siping ito mula sa Ebanghelyo ngayon sa pagpapakilala sa atin ng Puso ni Hesus. Ang Kanyang Puso ay “nahahabag.” Habang minamasdan ni Hesus ang napakaraming taong nasa Kanyang harapan, nakita Niyang sila ay “nababagabag at napabayaan, tulad ng mga tupang walang pastol.” Ang pagkakita sa kanila ay pumukaw sa Kanya ng habag, malasakit, at awa. Isa itong magandang larawang pagnilayan nang may panalangin. 

Kapag tumitingin sa iyo si Hesus, pinagmamasdan ka Niya tulad ng pagmasid Niya sa napakaraming tao noon. At sa paggawa Niya nito, ang gayunding malalim na awa at habag ay napupukaw sa Kanyang Kamahal-mahalang Puso. Kung minsan, kapag iniisip natin ang Diyos, hinahayaan nating magkaroon tayo ng maling pagkaunawa kung Sino Siya at kung paano Niya tayo nakikita. Kung hindi mo palaging nakikita ang mahabaging Puso ni Hesus, pagnilayan mo ang siping ito at alamin mong ang pag-ibig ng Kanyang Puso para sa iyo ay katulad din ng pag-ibig Niya para sa napakaraming tao noon.

Inihahayag sa atin ng ikalawang bahagi ng sipi sa itaas ang isa sa mga paraan ng pag-abot sa atin ni Hesus. Siya ang “panginoon ng ani” na tumawag ng iba upang lumapit sa Kanya at pagkatapos ay isinugo sila upang maglingkod sa Kanyang pangalan at taglay ang Kanyang kapangyarihan. Sinasabi sa atin ng mga talatang kasunod ng siniping Ebanghelyo sa itaas na agad na “tinawag ni Hesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan laban sa mga maruruming espiritu upang palayasin ang mga ito at pagalingin ang bawat sakit at bawat karamdaman.” 

Habang sinusuri mo ang sarili mong buhay, ang iyong mga pakikibaka, ang iyong mga pangangailangang espirituwal, at ang iyong hangaring lumago sa pananampalataya, paano ka pinakain ng Diyos? Sa pamamagitan nino Siya nangusap sa iyo? Ang pagpapastol na ito ay magaganap sa pamamagitan ng iyong pakikibahagi sa Misa, ng Sakramento ng Kumpisal, ng banal na pangangaral, ng nakasulat na salita, ng patotoo ng ibang taong kinasihan ng Diyos, at sa marami pang ibang paraan. Makatutulong na pagnilayan na sa tuwing nararanasan mo ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng ibang tao, nangyari iyon dahil pinili ng Panginoon ng Ani na magpadala sa iyo ng isang manggagawa. Kapag may mabuting bungang namumunga sa iyong buhay, ang Diyos ang nagpasimula ng mabuting gawang iyon sa pamamagitan ng ibang tao, dahil sa awa at habag ng Kanyang Kamahal-mahalang Puso.

Pagnilayan mo ngayon ang larawan ni Hesus na buong pagmamahal na nakatingin sa iyo at pinipiling isugo sa iyo ang Kanyang mga lingkod sa Kanyang pangalan at taglay ang Kanyang kapangyarihan. Bigyang-pansin lalo na kung paano nangungusap sa iyo ang Diyos kamakailan. Kung sa pamamagitan ng isang partikular na aklat, patuloy mo itong basahin. Kung sa pamamagitan ng isang tiyak na tagapangaral ng Ebanghelyo, patuloy kang makinig. Kung sa pamamagitan ng isang pag-uusap sa isang kaibigan, asawa, o mahal sa buhay, ipagpatuloy mo ang pakikipag-usap. Mahal ka ng Diyos, may Pusong puspos ng habag para sa iyo, at patuloy Siyang aabot sa iyo sa maraming iba’t ibang paraan, lalo na sa pamamagitan ng pagsusugo ng iba sa iyo sa Kanyang pangalan.

Aking Panginoon at Guro, hangad Ninyong magbunga ng masaganang ani ng biyaya ang aking buhay. Patuloy Ninyong binibigyang-inspirasyon ang iba na maging mga kasangkapan ng Inyong pag-ibig, at nangungusap Kayo sa akin sa pamamagitan nila, na tinatawag akong lumapit sa Inyo. Nawa’y lagi akong maging bukas sa maraming paraan ng Inyong paglapit sa akin, at nawa’y lagi kong tanggapin ang Inyong banal na Salita sa pamamagitan ng mga lingkod na isinusugo Ninyo sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Inyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Nagtitipon ang napakaraming tao habang pinagagaling ni Kristo ang mga maysakit. Litograpiyang batay sa gawa ni Ben, mula sa Wikimedia Commons