Hunyo 26, 2023
Lunes ng Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon
San Josemaría Escrivá, Pari–Opsiyonal na Paggunita
(sa iba’t ibang lalawigang eklesiastiko)

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Sapagkat kung paano kayo humatol, gayon din kayo hahatulan, at ang panukat na ginagamit ninyo ay siya ring gagamiting panukat sa inyo. Bakit mo napapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo nakikita ang tahilan sa sarili mong mata?” Matthew 7:1–3
Nakalulungkot na higit na laganap ang ganitong pagkiling kaysa sa nais aminin ng karamihan sa atin. Nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan karaniwan na ang pagkondena, pamumuna, at panghuhusga. Ang lumalaganap na sekular na pagkiling na ito ay malakas namang nakaiimpluwensiya sa ating pag-iisip at mga kilos.
Bakit napakadaling manghusga ng kapwa? Bakit napakadaling makita ang mga pagkukulang ng iba, pagtuunan ng pansin ang kanilang kasalanan, ituro ang kanilang mga kahinaan, at ipagsabi sa iba ang kanilang mga pagkakamali? Marahil, bahagi ng dahilan ay ang kawalan ng kapayapaan sa kaibuturan ng kaluluwa ng maraming tao. Nakalulungkot na ang pagkondena sa kapwa ay nagdudulot ng isang uri ng baluktot na kasiyahan. Ngunit ito ay isang “kasiyahang” hindi kailanman makapagbibigay ng tunay na kasiyahan. Lalo lamang titindi ang pagnanais na kumondena, mamuna, at manghusga habang lalong ginagawa ang mga ito. Kung nakikipagbuno ka sa mga kasalanang ito, pakinggan mo ang mga salita ni Jesus. “Huwag kayong humatol…”
Kadalasan, hindi man lamang namamalayan ng taong mapanghusga na nanghuhusga siya ng kapwa. Kaya naman itinatanong ng ating Panginoon, “Bakit mo napapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo nakikita ang tahilan sa sarili mong mata?” Kung tumatagos ito sa iyong damdamin kahit kaunti, alamin mong sa iyo itinatanong ng ating Panginoon ang tanong na iyan. At itinatanong Niya ito nang may malalim na pagmamahal sa iyo, sa pagnanais na pakinggan mo Siya, maunawaan, at tumugon.
Ang totoo, higit na nakapipinsala ang panghuhusga sa taong nanghuhusga kaysa sa taong hinuhusgahan. Tiyak na hindi kanais-nais ang mahusgahan. Ngunit ang mahusgahan ng iba ay hindi isang kasalanan. Gayunman, ang panghuhusga sa kapwa ay isang kasalanan. At maaari itong maging mabigat na kasalanan. Iniiwan ng kasalanang ito ang nanghuhusga na may pusong hungkag at puno ng galit. Nawawala ang pag-ibig sa kaluluwang mapanghusga.
Kung tila hindi kaaya-aya ang mga salitang ito, iyon ay dahil talagang hindi nga kaaya-aya ang mga ito. Ngunit kung minsan, kailangan nating harapin ang hindi kaaya-ayang katotohanan upang magbago. Hindi kaaya-aya ang Krus, ngunit ito rin ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na nakilala kailanman. Hindi kaaya-ayang harapin ang ating kasalanan ng panghuhusga, ngunit ito lamang ang paraan upang maging malaya. Ang pagiging tapat sa ating sarili ay isang gawa ng pag-ibig na iniaalay sa Diyos, sa ating sarili, at sa mga taong dapat na nating tigilang husgahan.
Pagnilayan mo ngayon ang mga mapanghamong salitang ito ni Jesus. Basahin nang ilang ulit ang sipi sa Banal na Kasulatan sa itaas at saka ito pagnilayan nang may panalangin. Gamitin ito sa pagsusuri ng iyong sariling budhi. Sikaping maging tapat, mapagpakumbaba, at mapagmatyag sa anumang paraan ng pagpapahayag sa iyo ni Jesus ng mga salitang ito. Matutuklasan ng ilan na mayroon silang matinding pagkiling sa panghuhusga. Makikita naman ng iba na nanghuhusga sila sa mga paraang hindi gaanong mabigat. Ngunit ang bawat taong hindi pa ganap na perpekto ay makakakita ng mga bagay na kailangan niyang baguhin upang maging higit na mahabagin, maawain, mapagpatawad, at maunawain sa kapwa. Maging bukas ka sa mga katotohanang ito at hayaan mong alisin ng ating Panginoon ang mabigat na pasanin ng kasalanang ito sa iyong buhay.
Maawain kong Panginoon, Ikaw at Ikaw lamang ang tunay na Hukom. Ikaw lamang ang humahatol nang may awa at katarungan. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang talikuran ang aking pagiging mapanghusga at pag-aakalang ako ay matuwid, upang malaya Kitang mahalin at mahalin ang aking kapwa nang buong puso. Palayain Mo ako sa bigat ng mga kasalanang ito, mahal kong Panginoon, upang mas madali kong makita ang Iyong kabutihan sa aking kapwa at magalak sa Iyong presensya sa kanilang buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon
Santo ng Araw – San Josemaría Escrivá, Pari
(sa iba’t ibang lalawigang eklesiastiko)
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na larawan sa itaas: Ang Pangaral sa Bundok ni Bloch, mula sa Web Gallery of Art




