Tagalog

Di-natitinag na Katapatan

Sabado, Hulyo 22, 2023

Kapistahan ni Santa Maria Magdalena

Mga Pagbasa Ngayon

Video

Nanatili si Maria sa labas ng libingan na umiiyak. Habang umiiyak, yumuko siya at sumilip sa loob ng libingan. Nakita niya roon ang dalawang anghel na nakaputi, nakaupo ang isa sa may ulunan at ang isa naman sa may paanan ng pinaglagyan ng Katawan ni Hesus. Juan 20:11–12

Sa unang bahagi ng Kanyang ministeryo, nagpalayas si Hesus ng pitong demonyo mula kay Maria ng Magdala. Dahil dito, naging bukod-tangi ang kanyang katapatan bilang tagasunod ni Hesus. Malamang na kabilang siya sa mga tagasunod na tumutustos sa mga pangangailangan ni Hesus at ng mga alagad mula sa sarili nilang kabuhayan habang sila ay naglalakbay. Nakinig siya sa Kanyang mga turo, nasaksihan ang Kanyang mga himala, naroon nang Siya ay hatulan, tumayo sa paanan ng Krus kasama ang ina ni Hesus, tumulong sa paghahanda ng Kanyang katawan para sa paglilibing, at siya ang unang taong nakatala sa Banal na Kasulatan na pinagpakitaan ni Hesus matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay.

Isinasalaysay ng Ebanghelyo sa Misa ngayon ang pagpunta ni Maria sa libingan nang maagang-maaga noong Linggo upang tapusin ang pagpapahid ng pabango sa patay na katawan ni Hesus habang Siya ay nakahimlay sa libingan. Ngunit laking gulat niya nang makitang walang laman ang libingan. Kaya tumakbo siya upang ibalita ito sa mga Apostol, kung kaya si Maria Magdalena ang naging una sa Kanyang mga tagasunod na nagpatotoo sa Muling Pagkabuhay. Matapos ibalita ito sa mga Apostol, bumalik siya sa libingan kasama sina Pedro at Juan; at nang umalis na sina Pedro at Juan, nanatili siya sa labas ng libingan na umiiyak, gaya ng binanggit sa sipi ng Ebanghelyo sa itaas.

May kagandahan ang mga luha ni Maria. Ipinahahayag ng mga ito ang kanyang malalim na debosyon sa kanyang Panginoon. Hindi pa niya nauunawaang Siya ay muling nabuhay, ngunit ang kanyang katapatan kay Hesus ay patotoo ng kanyang pagmamahal. Ibinalik ni Hesus ang kanyang dangal. Pinalaya Niya siya mula sa pitong demonyong nagpapahirap sa kanya. Malamang na isa siyang makasalanang babae noon, ngunit ngayon ay tanging sa Tagapagligtas ng Sanlibutan na lamang siya lubos na nakatalaga.

Ang patotoo ni Maria ng Magdala ay dapat magbigay-inspirasyon sa ating lahat. Bagama’t iilan lamang ang sinasapian ng pitong demonyo, lahat tayo ay pinahihirapan sa iba’t ibang paraan. Lahat tayo ay nagkakasala. Lahat tayo ay mahihina. Lahat tayo ay may nakaraang pinagsisisihan. At lahat tayo ay inaanyayahang magpakabuti. Para kay Maria, ang “pagpapakabuti” ay isang buhay na inialay kay Hesus nang may sukdulang katapatan. Hindi niya alintana kung makita man siya ng mga maykapangyarihan sa paanan ng Krus. Kung usigin man nila siya dahil dito, hindi iyon mahalaga. Nanatili siyang tapat. Hindi niya alintana kung ligaligin man siya ng mga kawal kapag pumunta siya sa libingan upang pahiran ng pabango ang katawan ni Hesus—ang iniisip lamang niya ay ang huling gawang iyon ng pagmamahal na maiaalay niya sa Kanya. At nang makita niya si Hesus na muling nabuhay at mapagkamalan Siyang hardinero, hindi niya alintana kung makita man Niya siyang nagdadalamhati at lumuluha—ang tanging hangad niya ay makita ang katawan ng kanyang Panginoon.

Dahil sa kanyang di-natitinag na katapatan, pinagkalooban siya ni Hesus ng isang kaloob na higit pa sa kayang isipin. Nagpakita Siya sa kanya matapos Siyang muling mabuhay mula sa mga patay, at isinugo siya upang maging apostol sa mga Apostol. Isinugo Niya siya sa mga Apostol upang sabihin sa kanila na si Hesus ay muling nabuhay at naghahanda na Siyang pumunta sa Kanyang Ama sa Langit.

Pagnilayan mo ngayon ang banal na kaluluwa ng babaeng ito. Siya ay isang nagsisising makasalanan na lubusang nagbago ng kanyang buhay. Inialay niya ang lahat kay Hesus at, bilang tugon, tumanggap siya ng higit pa. Sa Langit, si Maria Magdalena ay mananatiling nakakapit kay Hesus magpakailanman at sasamba sa Kanyang Kabanal-banalang Puso. Nawa’y magsikap tayong lahat na tularan siya sa pamamagitan ng pagtalikod sa sarili nating buhay ng kasalanan at pagiging tapat sa ating Panginoon nang di-natitinag.

Aking Panginoong muling nabuhay, kay Maria ng Magdala Ka unang nagpakita matapos ang Iyong Muling Pagkabuhay. Inaanyayahan Mo siya ngayon na makibahagi sa Iyong maluwalhating buhay sa Langit. Tulungan Mo akong matuto sa kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pagtalikod sa lahat ng kasalanan at pagiging lubos na tapat sa Iyo. Nawa’y maging ganap at di-natitinag ang aking katapatan sa Iyo, mahal kong Panginoon, upang ako rin ay makibahagi balang araw sa kaluwalhatian ng Iyong Muling Pagkabuhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Sound of Freedom
Palabas na sa mga sinehan!

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw –  Santa Maria Magdalena

Kapaki-pakinabang na artikulo tungkol sa pagkakakilanlan ni Maria Magdalena – New Advent

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Itinatampok na larawan sa itaas: Si Maria Magdalena sa Libingan ni Scipione Pulzone, mula sa Wikimedia Commons