Tagalog

Hindi Mo Ba Ako Kilala?

Biyernes, Mayo 3, 2024

Kapistahan nina San Felipe at Santiago, mga Apostol

Mga Pagbasa Ngayon

Video

Sinabi ni Felipe kay Jesus, “Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na iyon para sa amin.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Matagal na ninyo Akong kasama, at hindi mo pa rin Ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita na sa Ama. Paano mong nasasabi, ‘Ipakita Mo sa amin ang Ama’?” John 14:8–9

Ang kapistahang liturhiko ngayong araw ay nagpaparangal sa dalawa sa mga Apostol, sina Felipe at Santiago Menor. Kaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Santiago maliban sa pinili siya ng ating Panginoon para sa ministeryong apostoliko at mayroon tayong isa sa kanyang mga liham, na nakapaloob sa Bagong Tipan. Nang maglaon, nagtungo si Santiago sa Jerusalem at pinamunuan ang Simbahan sa loob ng ilang dekada hanggang sa siya ay batuhin hanggang mamatay bilang martir. Nangaral naman si Felipe sa Gresya, Frigia at Siria. Pinaniniwalaang siya at si San Bartolome ay ipinako sa krus nang patiwarik. Nangaral si Felipe habang nakabayubay nang patiwarik sa krus hanggang sa kanyang kamatayan.

Sa Ebanghelyo para sa Misa ngayong araw, inilahad sa atin ang isang pagtatagpo nina Felipe at Jesus. Bagama’t tila sinasaway ni Jesus si Felipe sa pagtatagpong ito, ang Kanyang pagsaway ay taos-puso. Sinabi ni Jesus, “Matagal na ninyo Akong kasama, at hindi mo pa rin Ako kilala, Felipe?” Tunay ngang mahabang panahon ang inilagi ni Jesus kasama ng Kanyang mga alagad. Magkakasama silang nanirahan, kumain, naglakbay at nag-ukol ng maraming oras sa pakikipag-usap sa isa’t isa. Kaya naman, ang mga sinabi ni Jesus kay Felipe ay nagmula sa Kanyang tunay at isinasabuhay na personal na ugnayan kay Felipe.

Unahin nating pagnilayan ang unang bahagi ng pahayag na iyon. “Matagal na ninyo Akong kasama…” Isipin mong sinasabi ito ni Jesus sa iyo. Masasabi kaya Niya ito sa iyo? Totoo bang nag-uukol ka ng maraming oras na kasama Siya? Naglalaan ka ba ng panahon sa pagbabasa ng mga Ebanghelyo, sa pagsasalita sa Kanya mula sa kaibuturan ng iyong puso, sa pakikipag-usap sa Kanya, sa pagdarasal sa Kanya at sa pakikinig sa Kanyang banayad na tinig?

Ngunit nagpatuloy si Jesus: “…at hindi mo pa rin Ako kilala…?” Ito ay isang katotohanang mahalagang aminin nang may pagpapakumbaba. Totoong maging ang mga may napakalalim at nakapagpapabagong buhay-panalangin ay hindi pa rin sapat ang lalim ng pagkakilala sa ating Panginoon. Walang hangganan ang pagbabagong maaaring maganap sa ating buhay kapag nakilala natin si Jesus nang personal.

Nagpatuloy ang pahayag ni Jesus: “Ang nakakita sa Akin ay nakakita na sa Ama.” Kaya ang susunod na tanong ay ito: “Kilala mo ba ang Ama?” Alam mo ba ang pag-ibig ng Ama, ang Kanyang pagkalinga sa iyo, ang Kanyang ganap na kalooban? Bagama’t ang Ama at ang Anak ay nagkakaisa bilang iisang Diyos, Sila ay magkaibang Persona pa rin, kaya dapat nating pagsikapang bumuo ng ugnayan ng pag-ibig sa bawat isa sa Kanila.

Gaya ng nabanggit sa simula, ang mga sinabi ni Jesus ay isang banayad at mapagmahal na pagsaway kay Felipe, at nais din Niyang sabihin sa iyo ang ganitong banayad na pagsaway. Ngunit ito ay pagsaway na nagmumula sa pag-ibig upang hikayatin kang lalo pa Siyang makilala. Isa itong paanyayang gawing tunay at kongkretong personal ang iyong ugnayan kay Jesus at sa Ama. Kilala mo ba Siya? Kilala mo ba ang Anak ng Diyos? Kilala mo ba ang Ama sa Langit?

Pagnilayan mo ngayon ang mga mapagmahal na tanong na ito ng ating Panginoon na para bang tuwiran Niyang sinasabi sa iyo. Hayaan mong hikayatin ka ng Kanyang mga salita na lalo pa Siyang makilala nang malalim. Ipanalangin mong maging higit na personal at nakapagpapabago ang iyong ugnayan sa Kanya. At habang lalo mong nakikilala nang matalik ang ating Panginoon, tandaan mong ang Ama sa Langit din ang iyong nakikilala.

Aking dibino at personal na Panginoon, ang pinakamalalim na hangarin ng Iyong Kamahal-mahalang Puso ay ang makilala at mahalin ako. Puspusin Mo ang aking puso ng ganito ring hangarin upang hindi lamang Ikaw ang makilala ko, mahal na Panginoon, kundi pati ang Ama sa Langit. Amang nasa Langit, nagpapasalamat ako sa Iyo dahil sa Iyong ganap na pag-ibig at dumadalangin na lalo kong mabuksan ang aking sarili sa pag-ibig na iyon sa bawat araw. Mga San Felipe at Santiago, ipanalangin ninyo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Panalangin sa Pasko ng Pagkabuhay

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Karagdagang Babasahin – Sina San Felipe at San Santiago, mga Apostol

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas:  Sina San Felipe at San Santiago na Nakababata, ni Paolo Veronese, mula sa Wikimedia Commons